elektibong klase tungkol sa Calvinismo simula Enero 25. Narito ang kaniyang sinabi tungkol sa Irresistible Grace (Hindi Mapipigilang Biyaya):
Walang isang talata sa Kasulatan sa Luma o Bagong Tipang nagpapahayag o nagtuturo ng kaisipang… ipinapataw ng Espiritu Santo ang bagong kapanganakan sa [sinuman]…Itinuturo ng Kasulatang ang Espiritu Santo ay muling nagsisilang- nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa- sinumang personal na nanampalataya kay Jesus para dito (p. 253).
Sa aking aklat, Is Calvinism Biblical? (ICB) ginawa ko ang pahayag na ito tungkol sa ikaapat na punto at sa katiyakan ng kaligtasan:
Habang ang ikaapat na punto ay maaaring tila nakapagbibigay ng kaaliwan para sa mga Calvinista, hindi ito totoo. Ang problema ay nagtuturo ang Calvinismong maaaring isipin ng mga Calvinistang sila ay hindi mapipigilang mapalapit, samantalang sa katotohanan ay hindi naman. Maraming taong nagpapahayag ng pananampalataya kay Cristo. Ngunit, ayon sa Calvinismo, malaking porsyento ng mga nag-aangking may pananampalataya- kahit na malaking porsyento ng mga Calvinista! – ay mga taong nag-aakala lang na sila ay tinawag at pinili at mga benepisyaryo ng kamatayan ni Cristo.
Itinuturo ng Calvinismong ang mga bulaang propesor ay dumadalo sa mga simbahang Calvinista, nagpapabautismo, nagbibigay ng pera, at nagsisilbing mga pastor, elder, diakono, at mga lider sa pag-aaral ng Bibliya. Marami, kung hindi man karamihan sa kanila, ay magiging tapat. Magmumukha silang mga taong ipinanganak na muli. Ngunit kung hindi sila talagang pinalapit ng Diyos, kung gayon ang kanilang propesyon ay mapapatunayang mali dahil hindi sila makatitiis (ang ikalimang punto), at sila ay gugugol ng eternity sa lawa ng apoy, hiwalay xz Panginoong Jesus at sa Kaniyang kaharian.
Kung totoo ang hindi mapipigilang biyaya, kung gayon walang sinuman, kahit na isang pastor o teologong Calvinista, ang makasisigurong siya ay pinalapit, pinili, at tinubos ng Diyos. Tanging ang pagtitiis hanggang sa kamatayan ang makapagpapakita niyan. Kaya ayon sa ikaapat na punto ng Calvinismo, tanging panahon lamang ang makapagpapatunay kung ang isang tao ay tunay na pinalapit ng Espiritu Santo patungo sa biyaya ng Diyos. Pagkatapos mong mamatay, malalaman mo kung saan ka pupunta. Bago iyon, hindi ka makasisiguro (p. 78).
Sa ICB, tinalakay ko ang dalawang sitas na nagpapawalang-bisa sa Irresistible Grace (Hindi Mapipigilang Biyaya): Juan 12:32 at Mat 23:37.
Juan 12:32. Sinabi ng Panginoong Jesus, “At Ako, kung Ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin Ko sa Akin din.” Dagdag pa ni Juan, “Ito’y sinabi Niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay Niya” (v 33).
Ang salitang Griyego para sa palalapitin sa Juan 12:32 ay elkuō. Iyan ang parehong salitang ginamit sa Juan 6:44.i Sinasabi ng mga Calvinistang ang Diyos ay humihila lamang ng maliit na porsyento ng sangkatauhan patungo kay Cristo. Sinabi ng Panginoong Jesus na Siya ay humihila ng lahat palapit sa Kaniya.
Ang mga Calvinista ay nagsasabing ang lahat ay tumutukoy sa lahat ng uri ng tao, tulad ng mga Ehipsiyo, Indiano, mga Aborihinal ng Australya, Inuit, Mauri, Zulu, Slavs, Anglo-Saxon, Arabo, atbp. Gayunpaman, hindi iyon naaayon sa konteksto o sa natitirang bahagi ng BT. Sa ICB, isinulat ko:
Ang salitang mga tao ay idinagdag ng mga tagasalin. Ang mas literal na salin ay, “Ako…ay palalapitin ang lahat sa Aking Sarili.” Nangako si Jesus na dadalhin ang lahat sa Kanya. Hindi 1% o 5% o 10%. Lahat. Gayunpaman, habang pinapalapit ni Jesus ang lahat, hindi Niya ipinapahiwatig na lahat ay mananampalataya sa Kaniya. Ang pagpapalapit ay ginagawang posible ang pananampalataya kay Cristo, ngunit hindi ito tiyak (cf. Mat 7:13-14; 23:37-39) (pp. 79-80).
Mateo 23:37. Ang pahayag na ito ng Panginoong Jesus ay sumasalungat sa Irresistible Grace (Hindi Mapipigilang Biyaya) ng Calvinismo: “Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!”
Pansinin ang mga salitang “ay ayaw kayo.” Nais ng Panginoong Jesus na itatag ang kaharian noong unang siglo para sa henerasyong iyon ng mga Judio: “Makailang inibig Kong tipunin ang iyong mga anak …” Ang inahin ay nagpoprotekta sa kaniyang mga sisiw. Ang Panginoong Jesus ay magpoprotekta sana sa Israel laban sa Roma at sa lahat ng kaniyang mga kaaway. Ngunit ayaw nila kaya ang kaharian ay ipinagpaliban hanggang sa isang hinaharap na henerasyon ng mga Judio ang magnanais! (Rom 11:26).
Ang biyaya ng Diyos ay maaaring labanan. Hinihila Niya palapit ang lahat sa Kaniya, ngunit ilan lamang ang lumalapit sa Kaniya nang may pananampalataya. Ang Juan 1:11-12 ay isa pang sitas na malinaw na nagpapakitang bagaman ang buong bansa ng Israel ay pinalalapit kay Cristo, karamihan ay tumanggi sa Kaniya at sa Kaniyang pangako ng buhay.
Manatiling nakatuon sa biyaya at hindi ka magtataka kung ikaw o ang iyong mga mahal sa buhay ay hinila palapit kay Cristo.
_________________
i Ang mga Calvinista ay maling iniinterpreta ang Juan 6:44 na nangangahulugang tanging ilan lamang ang hinihila palapit kay Cristo. Gayunpaman, ang tanging isa pang pigurang paggamit ng pagpalapit sa Ebanghelyo ni Juan ay tumutukoy sa lahat na pinapalapit, hindi lamang sa ilan. Ang iba pang paggamit ng paghila sa Juan ay tumutukoy sa paghatak ng espada (Juan 18:10) at paghatak o paghila ng isda sa lambat (Juan 21:6, 8).







