Ano Ang Eskatolohikal Na Kaligtasan, At Taglay Mo Ba Ito?

Hindi ko maalalang narinig ko ang ekspresyong eskatolohikal na kaligtasan noong nag-aaral ako sa Dallas Theological Seminary. Ngunit sa nakaraang tatlumpung taon o higit pa, napansin kong ang ekspresyong iyon ay lumalabas nang mas madalas sa mga komentaryo. May ilang pastor ding gumagamit nito.

Kaya, ano ang eskatolohikal na kaligtasan?

Karamihan sa mga komentador at teologo ay nilalarawan ang terminong ito bilang “isang kaligtasan sa hinaharap na magbibigay-daan sa isang taong makapasok sa kaharian ni Cristo.” Sa pananaw na ito, sa huling paghuhukom, ipadadala ni Cristo ang ilan sa kaharian at ang ilan sa lawa ng apoy. Ang mapapabilang sa kaharian ay makakamit ang eskatolohikal na kaligtasan.

Tatlong sistemang teolohikal ang may ganitong pananaw. Naniniwala ang mga Arminianong maaari mong mawala ang iyong kasalukuyang kaligtasan, ngunit kung magpapatuloy ka sa pananampalataya at mabuting gawa hanggang sa kamatayan, makakamit mo ang eskatolohikal na kaligtasang ipahahayag sa huling paghuhukom. Ang mga tradisyunal na Calvinista ay naniniwalang kung magpapatuloy ka, ipinapakita mong talagang ligtas ka noon, at malalaman mo sa huling paghuhukom na talagang mayroon ka ng eskatolohikal na kaligtasan. Sinasabi ng mga Bagong Calvinistang mayroon kang inisyal na kaligtasan ngayon, at makakamit mo ang eskatolohikal na kaligtasan kung magpapatuloy ka hanggang sa wakas, bagaman hindi mo malalamang mayroon ka nito hanggang sa huling paghuhukom.

Ang pananaw na ito ay labis na depektibo dahil walang huling paghuhukom para sa mga mananampalataya. Ipinangako ng Panginoong ang mga mananampalataya sa Kaniya ay hindi papasok sa paghuhukom patungkol sa walang hanggang buhay (Juan 5:24). Ang kaligtasan ng isang mananampalataya ay pinal at eskatolohikal sa sandaling siya ay unang manampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan.

Alam mo ba na ang mga ekspresyong eskatolohikal na kaligtasan at pinal na kaligtasan ay hindi masusumpungan sa Bibliya? 

Ang ekspresyong walang hanggang kaligtasan ay lumalabas lamang nang minsan, sa Heb 5:9, at ito ay hindi tumutukoy sa pagpasok sa kaharian ni Cristo. Ito ay tumutukoy sa pagpili upang magharing kasama si Cristo bilang Kaniyang kapareha (Heb 1:9). Tandaang sa Heb 5:9 ibinibigay Niya ang walang hanggang kaligtasang ito sa mga sumusunod sa Kaniya, na sa konteksto ay tumutukoy sa pagsasakit para sa Kaniya.

Mayroong ilang reperensiya sa pagiging ligtas (pangkasalukuyang aspeto), samakatuwid ay pananatiling espirituwal na malusog, kung tayo’y magtitiis sa pananampalataya at mabuting gawa (1 Cor 1:18; 5:5; 15:2). Sa madaling salita, ang Kasulatan ay nagsasalita tungkol sa pagiging espirituwal na malusog sa Bema kung tayo’y magtitiis sa pananampalataya (cf. 1 Cor 3:15; cf. 2 Tim 2:12).

Samakatuwid, mas tumpak na sabihing ang eskatolohikal na kaligtasan ay tumutukoy sa mga gantimpalang ibibigay sa Hukuman ng Cristo. Walang mananampalataya ang makakapagduda sa kaniyang walang hanggang kapalaran maliban kung titigil siya sa pananampalataya sa pangako ng buhay. Siyempre, dahil ang buhay na walang hanggan ay walang hanggan, siya ay nananatiling may buhay na walang hanggan kahit na siya ay tumigil sa pananampalataya. Ngunit maliban kung siya’y magsisi at muling makabalik sa pakikisama sa Diyos, ang mananampalatayang naliligaw mula sa Panginoon ay mawawalan ng karapatang mamuno kasama si Cristo sa buhay na darating.

Mayroon ka bang eskatolohikal na kaligtasan? Oo, kung nauunawaan mo ang termino na nangangahulugang mayroon ka ng walang hanggang buhay at garantisadong makakapasok sa kaharian sa hinaharap. Hindi, kung nauunawaan mo ang termino na nangangahulugang mayroon kang karapatang mamuno kasama Siya bilang Kaniyang kapartner magpakailanman. Ang eskatolohikal na kaligtasang iyon ay hindi magiging iyo maliban at hanggang sa makatiis ka hanggang sa katapusan ng iyong buhay.

Manatiling nakapokus sa biyaya at hindi ka maliligaw ng mga ekspresyong tulad ng pinal na paghuhukom at eskatolohikal na kaligtasan.

Get Grace in Focus in your inbox

Share
Post
Email