Alipin Ng Kasalanan

Sa Roma 6:16, sinasabi ni Pablo sa mga mananampalataya sa Roma (at sa mga mananampalataya ngayon) na sila ay mga alipin ng anumang kanilang sinusunod. Habang ang mananampalataya ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan ng Espiritu Santo, maaari siyang maging alipin ng kasalanan kung siya ay lalakad ayon sa laman sa halip na sa Espiritu. Sa pamamagitan ng Espiritu, maaari tayong maging mga alipin ng katuwiran. Si Pablo, siyempre, ay hindi tinatalakay kung ano ang kailangan nating gawin upang makamit ang buhay na walang hanggan. Tinutukoy niya ang pamumuhay Cristiano. 

Kamakailan lang ay nakita ko ang isang natatanging halimbawa ng turo na ito sa Lumang Tipan. Si Samson ay isang lalaking may supernatural na kapangyarihan. Tinala ng Hukom 16:1-3 na nang subukan siyang hulihin ng mga Filisteo sa lungsod ng Gaza, binunot niya ang tarangkahan ng lungsod at pinasan ito sa kaniyang mga balikat (v 3). Malamang na tumitimbang ito ng humigit-kumulang dalawang tonelada. Medyo mahirap isalin ang parirala, pero maaaring dinala niya ito nang tatlumpu’t walong milya.

Si Samson ay may malaking kapangyarihan sa kaniyang kamay. Ngunit siya ay lumalakad ayon sa laman. Ang dahilan kung bakit siya nandoon sa Gaza ay dahil “nakakita roon ng isang patutot at sinipingan.” Nang maglaon, nahulog siya sa isang babae mula sa mga Filisteong ang pangalan ay Delilah. Tulad ng unang babae, maaaring isa siyang patutot.

Ito ay isang bantog na kwento. Ang pagnanasa ni Samson ang naging dahilan ng kaniyang pagbagsak. Nilinlang siya ni Delilah. Dahil sa pagtataksil na iyon, hinuli siya ng mga Filisteo sa Gaza bilang isang alipin (Huk 16:21). Ang pandiwang hinuli ay pareho ng ginamit upang ilarawan kung paano binunot ni Samson ang tarangkahan ng lungsod. Malakas siya dati sa Gaza. Ngayon, siya ay isang alipin doon. Ang mga salitang Gaza at hinuli ay nag-uugnay sa dalawang talata. Ang malakas na tao sa mga v1-3 ay ang kaawa-awang tao sa v21.

Pero lalo pang lumala. Binulag siya ng mga Filisteo sa pamamagitan ng pagdukit sa kaniyang mga mata. Dahil alipin siya ng kaniyang mga pagnanasa, dinisiplina siya ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa sa kaniya bilang aliping pinagtatawanan ng kaniyang mga kaaway.

Si Samson ay bulag espiritwal sa mga kahihinatnan ng kaniyang makalamang mga pagnanasa. Ngayon siya ay bulag pisikal. Metaporikal siyang alipin ng kaniyang mga makamundong pagnanasa. Ngayon siya ay literal na alipin sa Gaza. Sigurado akong hindi niya ito inasahan.

Sadyang napakalungkot na larawan. Ang pinakamalakas na tao sa LT ay naging bulag na alipin. Ngunit sinasabi ni Pablo sa Roma 6 na ang isang mananampalataya ay maaaring maging katulad ni Samson. Kapag tayo ay lumalakad sa pagsuway, tayo ay bulag sa kung ano ang nangyayari. Maaaring iniisip nating malaya tayong gawin ang gusto natin, pero sa katotohanan, tayo ay mga alipin. Si Samson ay nagbigay sa atin ng malinaw na halimbawa.

Si Samson ay isang malungkot na tauhan dahil binigyan siya ng napakalaking kapangyarihan ngunit siya ay ibinaba nang labis. Ang isang taong napakalakas ay hindi dapat maging alipin. Sa pamamagitan ng pananahan ng Espiritu Santo, ang mananampalataya ay binigyan din ng malaking kapangyarihan. Sa espirituwal na pagsasalita, bawat mananampalataya ay isang Samson. Ngunit kung tayo’y lalakad sa pagsuway, tayo rin ay magiging bulag, kaawa-awang mga alipin.

Get Grace in Focus in your inbox

Share
Post
Email