At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya’y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito. (1 Juan 2:28).
Ano ang ibig sabihin ni Juan nang sinabi niya sa mga anak ng Diyos na kailangan nilang manahan kay Cristo upang maiwasang mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito? Posible ba iyon? Hindi ba’t ang dugong ibinuhos ni Cristo ang garantiyang hindi iyon mangyayari?
Si Juan ay sumusulat sa mga taong isinisilang na muli (1 Juan 2:12-14, 24-25), ngunit siya ay nagbabala sa kanila tungkol sa kahihiyang maaaring maranasan nila kapag bumalik si Cristo.
Karamihan sa mga mananampalataya ay naniniwalang dahil sa nabuhos na dugo ni Cristo, walang posibilidad ng kahihiyan o kalungkutan kapag hinatulan Niya tayo sa Hukuman ni Cristo (2 Cor 5:9-10). Gayunpaman, ipinapakita ng 1 Juan 2:28 at maraming pang ibang mga teksto na ang kahihiyan at kalungkutan ay magiging karanasan ng maraming mananampalataya sa Bema (hal., Mat 24:45-51; Lucas 19:20-26; 1 Cor 9:27; 2 Cor 5:10; Gal 6:9; 2 Tim 4:6-10; San 5:9; Pahayag 2-3).
Pangkalahatang benepisyo: Ang nabuhos na dugo ni Cristo ay ginagawang posibleng mailigtas ang lahat, ang buong sanlibutan (Juan 1:29).
Benepisyong limitado sa lahat ng mananampalataya: Ibig sabihin din nitong kapag ang isang tao ay nanampalataya kay Cristo para sa walang hangang buhay, ang kaniyang mga kasalanan ay pinatawad (Gawa 10:43).
Benepisyong limitado lamang sa mga mananampalatayang lumalakad sa liwanag: “Ngunit kung tayo’y lumalakad sa liwanag gaya ng Siya’y nasa liwanag… ang dugo ni Jesucristo na Kaniyang Anak ay nililinis tayo sa lahat ng kasalanan” (1 Juan 1:7). Siyempre, maaari lamang tayong magpatuloy na lumakad sa liwanag kung ipapahayag natin ang mga kasalanang nalalaman natin (1 Juan 1:9).
Subalit, walang garantiyang maiiwasan ng mga mananampalataya ang paghuhukom sa buhay na ito. Kung lalakad tayo sa espirituwal na malayong lugar, mararanasan natin ang espirituwal na taggutom at maaaring makaranas ng pisikal na pagdurusa (Lucas 15:11-32). Ang dugo ni Cristo ay hindi dahilan upang hindi tayo mananagot.
Wala ring garantiyang maiiwasan ng mga mananampalataya ang pagsaway at kahihiyan sa Bema. Ang dugo ni Cristo ay hindi tayo ginagawang malaya sa mga negatibong konsekwensiya sa Bema.
Natatakot si Pablong hindi siya aaprubahan ni Cristo (1 Cor 9:27). Dapat tayong lahat magkaroon ng takot na ito.
Maraming nag-aakusa sa posisyon ng Free Grace na nagtataguyod ng kalaswaan. Ang kabaligtaran ang totoo. Pinapahalagahan namin ang pananagutan sa buhay na ito, at pagkatapos ng buhay na ito sa Bema.
Manatiling nakapokus sa biyaya at popokus ka sa nalalapit na pagbabalik ni Cristo at sa pagmamahal sa Kaniyang paglitaw upang isang araw marinig mo, “Magaling, mabuting lingkod.”







