Ang Mga Masasamang Gawa Ba Ng Mga Mananampalataya Ay Hahatulan Sa Bema?

May natanggap akong email mula kay Andrew Farley na nag-aanunsyo ng isang artikulong isinulat niya na may pamagat na, “Hahatulan ba ang mga Cristiano para sa kanilang mga kasalanan?” (tingnan dito).

Pinahahalagahan ko ang katotohanang itinataas niya ang biyaya ng Diyos at ang kalibrehan ng walang hanggang buhay.i Ngunit ang kaniyang mga komento sa artikulong ito ay hindi tumpak na sumasalamin sa itinuturo ng Kasulatan tungkol sa Bema.

Sinabi niyang “Ang mga Cristiano ay hindi haharap sa anumang paghuhukom para sa kanilang mga kasalanan.” Idinagdag niya pang ang mga Cristiano ay hindi hahatulan para sa kanilang masasamang gawa. Mayroon siyang naiibang pag-unawa sa 2 Cor 5:10, na nagsasabing, “kailangan tayong lahat humarap sa Hukuman ni Cristo upang matanggap ng bawat isa ang mga bagay na ginawa sa katawan, mabuti man o masama.” Nauunawaan niya ang “tayo…lahat” bilang tumutukoy sa buong sangkatauhan. Nauunawaan niyang ang mabuti ay tumutukoy sa mga gawa ng mga mananampalataya at ang masama ay tumutukoy sa mga gawa ng mga hindi mananampalataya. Sa kaniyang pananaw, ang mga mananampalataya ay walang masasamang gawa at ang mga di-mananampalataya ay walang mabuting gawa.

Sa artikulo, sinabi niyang magkakaroon lamang ng isang eskatolohikal na paghuhukom at parehong ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya ay huhukuman doon. Ngunit sa kaniyang pangwakas na talata, sinabi niya, “Ang isang mananampalataya ay hindi kailangang mag-alala tungkol sa paghatol ng Diyos.” Sa palagay ko, ang ibig niyang sabihin ay ang isang mananampalataya ay huhusgahan ayon sa kaniyang mga gawa, ngunit dahil tanging mabubuting gawa lamang ang huhusgahan, wala siyang dapat ipag-alala.

Ang kaniyang mga interpretasyon ng Kasulatan ay hindi titindig sa masusing pagsusuri. Mayroong hindi bababa sa tatlong pangunahing pagkakamali sa kaniyang pananaw.

Una, ang “tayo…lahat” sa 2 Cor 5:10 ay tumutukoy sa mga taong tinalakay ni Pablo sa nakaraang siyam na sitas. Tinatalakay niya ang mga tatanggap ng mga niluwalhating katawan: “Sapagkat alam natin na kung ang ating makalupang tahanan, ang toldang ito, ay masisira, mayroon tayong isang gusali mula sa Diyos, isang tahanang hindi gawa ng kamay, walang hanggan sa mga langit. Sapagkat sa mga bagay na ito ay humihikbi tayo, taos-pusong nagnanais na tayo’y mabihisan ng ating tahanan na mula sa langit” (5:1–2). Ang mga hindi mananampalataya ay hindi makatatanggap ng mga niluwalhatig katawan. Samakatuwid, ang “tayo… lahat” sa 2 Cor 5:10 ay tumutukoy lamang sa mga mananampalataya.

Pangalawa, ipinapakita ng Lucas 19:11-27 na ang ilang mga mananampalataya ay papupurihan (“Magaling, mabuting lingkod”) at bibigyan ng kapangyarihan sa sampung lunsod (Lucas 19:17); ang iba ay hindi papupurihan kundi bibigyan ng kapangyarihan sa limang lunsod (Lucas 19:19); at ang iba pa ay sasawayin (“ikaw masamang lingkod”) at hindi bibigyan ng kapangyarihan sa anumang lunsod (Lucas 19:20-26). Ngunit makapapasok pa rin sila sa kaharian. Hindi sila papatayin (mararanasan ang ikalawang kamatayan ng Pah 20:11-15) kasama ng mga hindi mananampalataya (Lucas 19:27). Kahit pa ang mga mabubuting gawa lamang ang isasaalang-alang, hindi magiging kaaya-aya ang paghatol para sa ilang mga mananampalataya. Gayunpaman, sinasabi sa 2 Cor 5:10 na ang lahat ng mga gawa ng mga mananampalataya ay hahatulan, mabuti man o masama. Habang ang mga masamang gawa ay hindi hahatulan bilang mga kasalanan, hahatulan sila bilang mga gawa.

Pangatlo, malinaw na sinabi ni Apostol Juang kung ang mga anak ng Diyos ay hindi mananatili sa Kaniya sa buhay na ito, tayo ay mahihiya sa Kaniyang pagdating (1 Juan 2:28). Unang sinabi ito ng Panginoong Jesus. Sinabi Niya na sa Bema, Siya ay mahihiya sa sinumang kinahihiya sa Siya ngayon (sa panahon ng pamumuuhay sa lupa) (Marcos 8:38).

Sa esensiya, tinatanggihan ni Farley ang doktrina ng pananagutan ayon sa Biblia. Lahat tayo ay aani ng ating itinanim sa buhay na ito (Gal 6:7-9).

Manatiling nakatuon sa biyaya at ikaw ay maghahangad ng muling pagdating ng Panginoon at ng Kaniyang aprubal sa panahong iyon.

___________________________________________________________________________________


i Sa kasamaang palad, hindi palaging malinaw sa kaniyang mga turo kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang magkaroon ng walang hanggang buhay. Sabi niya, halimbawa, na ang 1 Juan 1:9 ay isang sitas ng kaligtasan. Sinasabi niyang tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng pag-amin na tayo ay mga makasalanan. Ngunit wala namang sinasabi sa 1 Juan 1:9 tungkol sa pananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggang hindi kailanman maiwawala.

Get Grace in Focus in your inbox

Share
Post
Email