Kamakailan lang ay bumisita ako sa isang klase ng Sunday school kung saan binanggit ng guro ang Roma 7:14-25. Sa talatang ito, inilarawan ng Apostol Pablo ang isang panahon sa kanIyang buhay kung kailan siya nakipaglaban sa kasalanan. Tama ang guro sa pagpansing ang talatang ito ay nagpasiklab ng konsiderableng debateng teolohikal. Sinasabi ni Pablong nais niyang gawin ang tama, ngunit paulit-ulit na ginagawa ang kabaligtaran. Ang tanong na lumalabas mula sa paglalarawang ito ay kung inilarawan ba ni Paul ang kaniyang buhay bago o pagkatapos ng kumbersiyon.
Ang guro ng Sunday school ay nag-argumentong ang talatang ito ay naglalarawan ng kalagayan ni Pablo bago siya nakumberte. Maraming teologo ang may ganitong pananaw. Isang teologo ang sumulat:
Ipagtatanggol ko kung bakit naniniwala akong tinatalakay ni Pablo ang kaniyang karanasan bago maging Cristiano. Mahalaga ring makitang inilarawan ni Pablo ang kaniyang buhay bago maging Cristiano sa isang retrospektibong paraan. Sa ibang salita, habang binabalikan ni Pablo bilang isang Cristiano ang kaniyang buhay bago si Cristo, kinikilala niyang hindi siya isang mananampalataya.” (Thomas R. Schreiner, The Gospel Coalition, p. 183.)
Sinasabi ni Schreiner na ang salaysay ni Pablo sa Roma 7- kung saan inilarawan niya ang paulit-ulit na pagkatalo, pagkaalipin sa kasalanan, at kawalang-kakayahang sumunod- ay hindi tugma sa buhay na muling ipinanganak. Ang isang Cristiano ay makararanas ng kalayaan at tagumpay laban sa kasalanan. Ang mga tumatanggap sa pananaw na ito ay nagsasabing ang isang tunay na mananampalataya ay hindi maaaring maging alipin ng kasalanan, ang kundisyong inilarawan ni Pablo sa Roma 7. Ang posisyong ito ay nagmumula sa doktrina ng Calvinista ng pagtitiis ng mga banal, na nagsasaad na ang isang taong “tunay” na ipinanganak na muli ay magpapatuloy sa mabuting gawa. Sa balangkas na ito, ang “tunay” na mananampalataya ay sa huli ay magtatagumpay laban sa kasalanan.
Ilang linggo pagkatapos kong dumalo sa klase ng Sunday school, nakikinig ako sa isang Calvinistang mangangaral na lumalahok sa isang Q&A session. Tinanong ang mangangaral tungkol sa mga pag-aalinlangan ukol sa kaligtasan. Ito ay isang karaniwang tanong sa mga sirkulong Calvinista. Binibigyang-diin nito ang malalim na kakulangan ng katiyakang inaalok ng sistemang teolohikal na ito sa mga tagasunod nito.
Ang palitan ng usapan na sumunod ay nagpakita ng kakulangan ng katiyakan. Isang batang babae ang nagtanong sa pastor kung paano niya malalaman na siya ay ligtas na. Inilarawan niya ang patuloy na pakikibaka sa kasalanan. Pakiramdam niya ay palagi siyang nabibigo sa Panginoon at, kahit na nananampalataya siya sa Kaniya, hindi niya alam kung siya ay ligtas dahil sa kaniyang mga pakikibaka. Kahit na gusto niyang gawin ang tama, palagi siyang nagkukulang. Siya ay kumbiktado ng kaniyang kasalanan at labis niya itong ikinalungkot, ngunit hindi niya ito magapi.
Maririnig ng isang tao ang mga salita ni Pablo sa Roma 7 sa kaniyang tanong.
Sumagot ang pastor sa pamamagitan ng pagsasabing ang mismong katotohanang siya ay nababahala sa kaniyang kasalanan at nag-aalinlangan sa kaniyang kaligtasan ay nagpapatunay na siya ay, sa katunayan, walang hanggang ligtas. Sa kasamaang palad, hindi maaaring kasuhan ang pastor ng teolohikal na malpraktis.
Ang kaniyang sagot ay nakaugat sa doktrinang Calvinista ng ganap na inabilidad, na nagtuturong ang mga hindi mananampalataya ay ganap na hindi kayang makaramdam ng tunay na kalungkutan sa kasalanan dahil sila ay “patay espirituwal.” Ang Calvinista ay nagkonklusyong ang mga hindi mananampalataya ay hindi makararanas ng kalungkutan o kumbiksiyon sa kasalanan sa anumang makabuluhang paraan. Samakatuwid, kung ang isang tao ay nalulungkot dahil sa kanilang kasalanan, ito ay patunay ng kaligtasan. Para sa marami, ito ay tila isang mabisang tugon sa mga pag-aalinlangan. Gayunpaman, kapag inilagay ito sa tabi ng prekumbersiyong interpretasyon ng Roma 7, ang lohikang ito ay bumabagsak.
Ang Calvinista ay naiwan sa isang suliranin:
- Kung inilarawan ni Pablo ang kaniyang buhay bilang isang mananampalataya sa Roma 7, kung gayon ang isang mananampalataya ay maaaring maging alipin ng kasalanan, na nagpapahina sa pagtitiis ng mga banal.
O
- Kung inilarawan ni Pablo ang kaniyang buhay bago ang kanyang kumbersiyon, kung gayon ang ganap na deprabidad ay mali, dahil si Pablong hindi pa ligtas ay malinaw na kumbiktado ng kasalanan, at nagnanais na gawin ang tama, at gustong sumunod sa Diyos.
Aling punto ng Calvinismo ang mali—ganap na deprabidad o pagtitiis ng mga banal?
Alin dito? Ang mga pakikibaka ba natin sa kasalanan ay nagpapatunay na tayo ay hindi ipinanganak na muli – o ito ba ay ebidensya ng ating kaligtasan? Walang solusyon ang Calvinismo.
Ang doktrina ng biyaya ang nagbibigay ng solusyon. Inilalarawan ni Pablo ang kaniyang karanasan bilang isang bagong mananampalataya. Sinubukan niyang ipamuhay ang Cristianong pamumuhay sa kaniyang sariling lakas sa pamamagitan ng pagtuon sa Kautusan. Bilang isang mananampalataya, natutunan niyang ang kaniyang laman ay hindi makapagbunga ng matuwid na pamumuhay. Ang isang mananampalataya ay maaaring mamuhay ayon sa laman at mabigo. Maaari siyang mabigo nang labis. Ang Roma 7 ay hindi isang talatang dapat konsultahin ng sinuman upang matukoy kung sila ay “tunay” na ligtas.







