Narinig ko ang isang podcaster na nagsabing ang 2 Timoteo 3:15 – “ang Banal na Kasulatan… ay makapagbibigay sa iyo ng karunungan para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus”—ay nangangahulugang ang buong Biblia ay dinisenyo upang dalhin tayo sa muling kapanganakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.
Binase niya ang konklusyong ito sa katotohanang sinasabi ng mga taludtod 16-17 na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang…” Sa kaniyang pananaw, ang lahat ng Kasulatan ay evangelistico sa ilang diwa.
Nagtataka ako kung talagang ibig sabihin ng nagsasalitang bawat aklat sa Biblia ay kapaki-pakinabang para sa pagdadala ng isang tao sa pananampalataya kay Cristo para sa walang hanggang buhay. Ang Awit ng mga Awit ay tungkol sa pag-ibig ng mag-asawa. Walang kahit anong evangelistiko sa aklat na iyon. Hindi binanggit ni Esther ang Mesiyas o Diyos. Ang isang tao ay hindi maaaring ipanganak na muli sa pamamagitan ng pagbabasa ng Esther. Ganoon din ang magiging katotohanan sa karamihan ng mga aklat sa LT at ng ilan sa mga aklat sa Bagong Tipan (halimbawa, Mateo, Marcos, Lucas, Filemon, 2 Juan, 3 Juan, Judas).
Gayunpaman, may isa pang dahilan kung bakit mali ang pag-unawang ito sa 2 Tim 3:15. Sa sitas na iyon, ang salitang kaligtasan ay hindi tumutukoy sa muling kapanganakan. Ito ay tumutukoy sa pagliligtas mula sa mga huwad na guro at kanilang mga maling turo at gawain.
Narito ang isinulat ko sa The Grace New Testament Commentary tungkol sa 2 Tim 3:15:
Ang salitang kaligtasan sa talatang 15 ay mas mabuting isalin bilang pagliligtas. Sa konteksto, ito ay tungkol sa matagumpay na pagliligtas sa gitna ng pag-uusig. Magiging matagumpay si Timoteo sa buhay na ito at sa mga pag-uusig nito kung patuloy siyang mamumuhay sa pananampalataya kay Cristo.
Tandaang ang Banal na Kasulatan ay may kakayahang gawing marunong si Timoteo sa ikaliligtas. Hindi sinasabi ni Pablong siya ay marunong para sa kaligtasan, kundi na siya ay maaaring maging marunong para sa kaligtasan. Ito ay isang nagpapatuloy na isyu. Kinakailangan ni Timoteo ang Salita ng Diyos araw-araw upang harapin ang pag-uusig mula sa masasama. (Ihambing ang 4:18 kung saan ang anyong pandiwa ay ginamit upang tukuyin ang Diyos na nagligtas kay Pablo mula sa kaniyang mga pag-uusig. Ang tanging ibang gamit ng anyong pangngalan ay nasa 2:10, at doon ito ay tumutukoy sa pagliligtas ng Israel mula sa kaniyang mga kaaway at sa huli ay sa kaniyang kaluwalhatian) (p. 1006).
Ihambing ang 2 Tim 3:15 sa 1 Tim 4:16, “Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka’t sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.” Maaaring iligtas ni Timoteo ang kaniyang sarili mula sa mga huwad na guro at kanilang mga maling turo at gawain kung siya ay mag-iingat sa kaniyang sarili at sa doktrina. Maaari rin niyang iligtas ang mga mananampalataya sa Efeso mula sa mga maling turo at gawain sa pamamagitan ng pagtuturo ng wastong doktrina at pagiging halimbawa para sa kawan.
Ang buong Biblia ay talagang makatutulong sa ating maligtas mula sa mga huwad na guro at kanilang mga maling turo at gawain. Ngunit hindi lahat ng aklat sa Biblia ay sumasagot sa tanong kung ano ang dapat nating gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.i
Manatiling nakatuon sa biyaya at hindi ka mahuhulog sa bitag ng mga huwad na guro at kanilang mga huwad na doktrina at gawain.
______________________________________________________________________________
i Maaaring may tumutol na sinasabing sa 2 Tim 3:15 ang kaligtasang ito ay “sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.” Hindi ba’t nangangahulugang ito ay tungkol sa muling kapanganakan? Hindi. Samantalang ang kaligtasan mula sa walang hanggang kaparusahan ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo (Ef 2:8-9), gayundin ang kaligtasan mula sa mga huwad na guro. Ang Cristianong pamumuhay ay isinasabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo (Gal 2:20). Ang kalayaan mula sa maling mga aral ay tiyak na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Kung ilalayo natin ang ating mga mata kay Cristo, nagiging madali tayong biktima ng mga huwad na guro.







