Ano Ang Mali Sa Calvinismo? Bahagi 1

May online na seminaryo ang GES. Bagaman medyo mahal ang edukasyon, ang mga donor namin ang nagbabayad para sa mga guro, mga alalay sa pagtuturo, at mga administrador. Libre ang mga klase para sa mga estudyante kung mapapanatili nila ang hindi bababa sa B na marka.

Simula Enero, si Dr. Tony Badger, may-akda ng Confronting Calvinism, ay magtuturo ng isang labin-tatlong linggong elektibo tungkol sa Calvinismo. Ang mga bagong estudyante ay maaaring mag-aplay sa paaralan sa pamamagitan ng pag-click dito. Kapag tinanggap na, makatatanggap sila ng email na nag-aanyaya sa kanilang magparehistro. Kung ikaw ay isang nagpapatuloy na estudyante, mag-email lamang sa: classes@faithalone.org.

Ang Calvinismo ay maaaring matandaan gamit ang akronim na TULIP. Sa isang serye ng anim na blog, ikukunsidera ko ang bawat isa sa limang punto. Magkakaroon ng anim na bahagi dahil ang P sa TULIP ay talagang kumakatawan sa dalawang salita.

Ang T sa Tulip ay nangangahulugang Total Depravity (Ganap na Deprabidad). Maraming nagkakamaling iniisip na ginagamit ng mga Calvinista ang terminong ito bilang paraan ng pagsasabing tayong lahat ay mga makasalanang hindi umabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Rom 3:23). Hindi iyon ang ibig sabihin ng mga Calvinista sa Total Depravity.

Ang ibig sabihin ng mga Calvinista ay ang buong pagkatao natin ay nahawaan ng kasalanan. Bilang resulta, hindi tayo makatutugon sa Diyos. Ang ilan ay gumagamit ng ekspresyong Total Inability (Ganap na Inabilidad) upang ipaliwanag ang T sa TULIP.

Isang paboritong halimbawa ng Total Depravity ay isang bangkay sa ilalim ng balon. Dumating ang mga tagapagligtas. Hindi nila alam na patay na ang tao sa ilalim. Nagpaabot sila ng lubid at hihiling sa taong itali ito sa kaniyang baywang upang maiahon siya sa kaligtasan.

Pero ang mga patay na tao ay walang naririnig na anuman. Ni hindi nila kayang hawakan ang lubid at itali ito sa kanilang baywang. Isang pag-aaksaya ng oras ang makipag-usap sa isang patay na tao o tapunan siya ng lubid.

Ang kailangan ng patay na tao ay muling buhayin.

Ang T sa TULIP ay nangangahulugang ang bagong kapanganakan ay dapat mauna bago ang pananampalataya.

Itinuro ng Panginoon sa Juan 3:16 na ang pananampalataya ay nauuna sa bagong kapanganakan. Ngunit sinasabi ng Calvinismong ito ay imposibleng mangyari dahil sa Total Depravity.

Sa aking aklat, Is Calvinism Biblical? isinasaalang-alang ko ang dalawang sitas na nagpapawalang-bisa sa Total Depravity: Juan 6:35 at Gawa 10:4.

Sinabi ng Panginoong Jesus, “Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw” (Juan 6:35). Hindi niya sinabi, “Ang hindi kailanman magugutom ay darating sa Akin, at ang hindi kailanman mauuhaw ay mananampalataya sa Akin.” Ang pananampalataya kay Jesus ang nauuna. Ang pananampalataya ay nauuna sa bagong kapanganakan at walang hanggang kaligtasan.

Si Cornelio ay isang senturiong na may takot sa Diyos. Sumasamba siya sa sinagoga ng mga Judio, kahit na siya ay isang Gentil. Sinasabi ni Lucas na siya ay “Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao [mga Judio], at laging nananalangin sa Dios” (Gawa 10:2). Sinabi ni Lukas na nagpadala ang Diyos ng isang anghel upang makipag-usap kay Cornelio. Sinabi ng anghel, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios” (Gawa 10:4). Sinabi ng anghel sa hindi pa ligtas na senturiong magpasugo kay Simon Pedro (Gawa 10:5) “Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo” (Mga Gawa 11:14).

Ang anghel ay nakikipag-usap sa patay na lalaking nasa ilalim ng balon. Pero naririnig siya ng lalaki! Naintindihan siya ng lalaki at tumugon sa kaniya. Nagpadala si Cornelio ng tatlong lalaki para kunin si Simon Pedro. At nang dumating si Pedro, nanampalataya si Cornelio at siya’y ipinanganak na muli.

Ang espirituwal na kamatayan ay hindi nangangahulugang ganap na inabilidad. Hindi ito nangangahulugang ang bagong kapanganakan ay dapat mauna bago ang pananampalataya. Ibig sabihin nitong ang hindi nanampalataya ay wala ng buhay ng Diyos. Iyan ang ibig sabihin ng espirituwal na kamatayan. Ngunit ang hindi nanampalataya ay maaaring maghanap ng Diyos (Mat 7:7-11; Gawa 10:1-8; 17:27; Heb 11:6).

Kung ang isang hindi mananampalataya ay handang manampalataya kay Cristo, tatanggapin niya ang mensaheng dapat niyang sampalatayahan upang siya’y maipanganak na muli. Pinagsabihan ng Panginoong Jesus ang ilang mga legalistikong Judio, at sinabi, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay.” (Juan 5:39-40).

Pansinin ang mga salita: “At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay.” Ayon sa Calvinismo, ang mga patay na katawan ay walang kakayahang manampalataya kay Jesus. Ngunit hindi ganito ang sinabi ng Panginoong Jesus.

Huwag kang magpaloko sa T ng Calvinismo. Ang paliwanag nito tungkol sa ganap na deprabidad ay hindi ayon sa Biblia.

Manatiling nakatuon sa biyaya at hindi ka maililigaw sa landas ng mga hindi biblikal na pilosopiya.

Get Grace in Focus in your inbox

Share
Post
Email