Ang mga estudyante ng Bibliang bukas sa mga aral nito ay agad matutuklasang madalas, ang salitang naligtas ay hindi nangangahulugang naligtas mula sa lawa ng apoy. Karamihan sa mga mambabasa ng blog na ito ay alam na iyon. Kamakailan, may isang kaibigang tumukoy sa isa pang sitas sa BT kung saan ang salitang I ay hindi tumutukoy sa walang hanggang kaligtasan. Palagi kong inaakalang ang sitas ay tumutukoy sa kaligtasan mula sa lawa ng apoy.
Ang sitas na iyon ay Gawa 2:47. Sinulat ni Lukas, “At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas” Palagi akong nasabihan—at napaniwala—na ang sitas na ito ay tumutukoy sa mga nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Maraming mga Judio sa Jerusalem ang nakarinig ng turo ng mga apostol. Kumbinsido silang si Jesus ang Cristo at bibigyan Niya sila ng buhay na walang hanggan. Nang manampalataya sila roon, iniligtas sila ng Diyos mula sa impiyerno at idinagdag sila sa Simbahan—ang Katawan ni Cristo. Lahat ng bagong mananampalataya ay idinadagdag sa Simbahan. Iyon ang akala kon tginutukoy ng sitas 47.
Dapat sana’y mas sinuri ko ang salitang nangaliligtas sa sitas na iyon. Tulad ng sinabi ng kaibigan ko, ang salitang iyon ay lumabas na sa talumpati ni Pedro. Sa v40, sisabi ni Pedro sa kaniyang mga tagapakinig na kailangan nilang maligtas mula sa masamang henerasyon kung saan sila nabubuhay. Alam kong sa v40, hindi sinasabi ni Pedrong maligtas sila mula sa impiyerno. Sa halip, sinasabi niya sa kanilang ang paghatol ay babagsak sa bansa. Mangyayari ito noong AD 70, nang wasakin ng Roma ang Jerusalem.
Si Pedro ay nakikipag-usap sa mga mananampalataya sa v40. Ano ang kailangan nilang gawin upang maiwasan ang paghatol na darating sa Jerusalem? Nanampalataya na sila (v 37). Ngayon kailangan nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. Saka lamang sila tatanggap ng Banal na Espiritu (v 38). Natanggap nila ang buhay na walang hanggan (walang hanggang kaligtasan) nang sila’y manampalataya. Kung nais nilang maligtas mula sa paghatol ng Diyos na darating sa malapit na hinaharap, kailangan nilang ipahayag si Cristo at mabautismuhan nang publiko.
Ano ang ginawa ng mga bagong mananampalatayang ito? Ang mga sumunod sa tawag ng Diyos ay ginawa ang sinabi ni Pedro. Sinulat ni Lukas, “Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa” (2:41).
Nakuha mo ba ang salitang nangaparagdag? Ito ay hindi maaaring mangahulugang idinagdag sa talaan ng mga naligtas mula sa impiyerno. Mayroon na silang buhay na walang hanggan. Ngunit ang mga masunuring mananampalatayang ito ay binautismuhan sa pangalan ni Cristo at tumanggap ng Banal na Espiritu. Sila ay nadagdag sa bilang ng mga mananampalatayang nangaliligtas mula sa paghatol na darating sa masamang henerasyong iyon.
Iyan ang ibig sabihin ng v47. Binigyan ng Panginoon ang mga Judiong ito ng buhay na walang hanggan nang sila’y manampalataya kay Jesus para dito. Matapos silang manampalataya at maligtas mula sa lawa ng apoy, sila ay binautismuhan at tumanggap ng Banal na Espiritu, na nagdagdag sa kanila sa Simbahan. Habang sila ay hayagang nakikilalang sa Panginoon at sa turo ng mga apostol (v 42-46), sila ay nangaliligtas mula sa masamang henerasyon kung saan sila nabubuhay.
Hindi tayo mga Judiong kabilang sa henerasyong iyon. Tinanggap natin ang Banal na Espiritu nang tayo ay manampalataya. Hindi natin kailangang mabautismuhan muna. Hindi natin kailangang mabautismuhan at pampublikong umanib sa simbahan upang maiwasan ang paghatol na darating sa ating bansa. Ang mga Judiong iyon ay kailangang maligtas sa isang natatanging paraan dahil sila ay namumuhay sa mga natatanging panahon.
Ngunit may aplikasyon ito para sa atin. Bilang mga mananampalataya, ang kasalanan sa ating buhay ay may nakamamatay na mga kahihinatnan, kapwa sa buhay na ito at sa Hukuman ni Cristo. Tayo, bilang mga mananampalataya, ay maaaring mailigtas mula sa mga kahihinatnang iyon kung tayo’y lalakad ayon sa Espiritu sa pagsunod kay Cristo.
Isang katulad na pahayag ang ginawa sa Gawa 2:47. Doon, ang nangaliligtas ay hindi tumutukoy sa pagliligtas mula sa lawa ng apoy. Tama ang kaibigan ko. Nagpapasalamat akong itinuro niya ito sa akin.








