Kamakailan nakatanggap ako ng tanong sa isang aklat ng Calvinistang awtor na ang pangalan ay Dean Inserra. Ito ay nagresulta sa isang pagse-search sa internet, at nakita ko ang isang aklat niya noong 2020 na nilimbag ng Moody Publishers na may pamagat na Without a Doubt: How to Know for Certain That You’re Good with God. Bumili ang GES ng aklat.
Magandang titulo.
Magandang sub-titulo.
Ngunit nang basahin ko ang aklat.
May ilang Calvinista gaya ni David Engelsma na naniniwala sa katiyakan ng buhay na walang hanggan. Makikita ninyo ang interbyu niya kasama ni Shawn Lazar sa blog na ito. Ang mga Calvinistang gaya ni Engelsma ay binase ang kanilang katiyakan sa pangako lamang ng buhay na walang hanggan na binigay ng Panginoong Jesus sa lahat na mga nanampalataya sa Kaniya. Subalit, karamihan sa mga Calvinista, kasama na si Inserra, ay nasa habambuhay na paghahanap ng katiyakan. Tinawag ni Engelsma ang mga mensaheng evangelistiko ng mga Calvinistang ito na “isang evangelio ng pag-aalinlangan.”
Pinahihiwatig ni Inserra sa titulo at subtitulo na posibleng makasiguro ng eternal na hantungan ang isang tao. Sa ilang bahagi sa maikling aklat na ito (79 pahina sa isang maliit na sukat na singko por siyete), sinabi ni Inserra na ang mananampalataya ay maaari at dapat na makasiguro. Halimbawa, sa huling pangungusap ng aklat ay nababasa, “Manampalataya kay Cristo, magsisisi ng iyong mga kasalanan, at hindi ka magdadalawang isip muli kung saan ka nakatindig sa harap ng Diyos (p. 75).” Gaya nang makikita, hindi dito binanggit ni Inserra ang paniniwala sa pangako ng buhay. At hindi rin niya sinabing kapag ginawa ninyo ang mga bagay na iyan ay makakatiyak ka. Ang sinabi niya ay kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi mo kailangang magdalawang isip. Sa natitirang bahagi ng aklat, pinaliwanag niya ang kailangan mong iwasan upang maiwasang magdalawang isip sa kung saan ka nakatindig.
Ang unang problema, gaya nang makikita sa sipi, ay naniniwala si Inserra na ang pagtitiwala kay Cristo (pananampalataya kay Cristo?) ay hindi sapat upang maipanganak na muli. Kailangan mo ring magsisi ng iyong mga kasalanan. Siyempre, ito ay nagtataas ng isyu ng subhetibidad. Hindi ko alam ang lahat kong mga kasalanan sa nakalipas. Ni hindi ko alam ang lahat kong mga kasalanan sa kasalukuyan. Kung ang pagtalikod sa aking mga kasalanan ang kundisyon ng bagong kapanganakan, ako ay naiiwang napapaisip kung sapat na ba ang pagtalikod ko sa mga ito.
Ang ikalawang problema ay ang sinabi ni Inserra, na sinipi niyang may pagsang-ayon ang isa pang awtor (Menikoff), “Bagama’t ang pananampalatayang ito ay higit pa sa intelektuwal na pagkapit sa tamang doktrina, hindi ito kukulang” (p. 38). Sinabi ni Inserrang kailangan ng isang manghawak sa mga katotohanang si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan, nalibing, bumangon muli sa mga patay, at nagpakita sa marami (1 Cor 15:3-11). Hindi siya malinaw sa iba pang aspeto ng “tamang doktrinang” dapat makumbinse ang tao. Ngunit ang pananampalataya kay Cristo ay “higit pa sa intelektuwal na pagkapit” sa mga katotohanang ito. Ilang pasahe pagkatapos, hinayag niyang higit pa sa pananampalataya ang kailangan: “Samantalang ang pananampalataya kay Jesus at sa Kaniyang evangelio ay mahalaga, sinama Niya rin ang panawagan na magsisi, na tumalikod mula sa kasalanan ng tao, at sumunod kay Jesus at sa Kaniyang mga aral” (p 42). Paano malalaman ng isang tao kung sapat na ang pagsunod siya kay Jesus at Kaniyang mga aral?
Karamihan sa mga Calvinista ay hindi kasinlinaw ni Inserra sa antas ng katiyakan. Sinipi niya nang may pagsang-ayon ang awtor (Ferguson) na nagsabing “ang mataas na antas ng katiyakang Cristiano ay hindi kompatibol sa mababang lebel ng pagkamasunurin” (p.43). Tuso ito. Pero ang punto ay nakakabahala. Mas masunurin ang isang tao, mas mataas ang antas ng katiyakan. Hindi maiiwasan ang konklusyon na ang tanging paraan upang ang isang tao ay makatiyak ay kung siya ay perpekto sa pagsunod. Ngunit hintay. Kahit pa nga oo, hindi mo matitiyak na hindi siya magkakasala sa hinaharap.
Ang huling kabanata bago ang konklusyon ay may pamagat na “Marks of a Transformed Life (Mga Tanda ng Binagong Buhay)” (p. 63). Sa kabanatang ito sinabi ni Inserra, “naniniwala akong mahalagang magbigay ng nakikitang mga halimbawa kung ano ang aktuwal na itsura ng isang buhay na sinapamuhay sa pamamagitan ng nagliligtas na pananampalataya, sa halip na magsalita lamang sa terminong teoretikal” (p. 65). Nagtanong siya, “Ano ang mga bunga na nais nating makita sa ating mga buhay na nagpapakita ng nagliligtas na pananampalataya?”
Nagbigay si Inserra ng pitong ebidensiya na ang isang tao ay talagang naipanganak na muli: 1) nagpapakita ng “buhay ng pagsisisi” (p. 66), 2) pagkakaroon ng “eternal na kaisipan” (p. 67), 3) paniniwala sa “tamang doktrina” (p. 67-68), 4) pagsagawa ng “mga espirituwal na disiplina” (p. 68), 5) pagpapakita ng “generosidad” (p. 69), 6) pagkakaroon “ng puso para sa mga hindi nakakilala kay Cristo” (p. 69-70), at 7) pagkakaroon ng “pag-ibig sa Diyos at sa Kaniyang simbahan” (p. 70).
Kung ang mga ito ang ebidensiya na ang isang tao ay naipanganak na muli, walang makasisiguro kung ang isang tao ay naipanganak na muli hanggang sa siya ay mamatay. Siyempre, ang sinumang nanghahawak na matibay sa pananaw ng pagtitiis ng mga banal ay hindi makasisiguro dahil kahit pa ang isang tao ay may mataas na kumpiyansang natupad niya ang pitong pamantayan ngayon, hindi niya masisigurong makapagpapatuloy siya hanggang kamatayan. Tandaang kailangan mo ang “buhay ng pagsisisi,” hindi lamang isang dekada o dalawa ng pagsisisi. Kailangang totoo ang pitong kriteriya na ito hanggang sa ikaw ay mamatay. Kung mahiwalay ka isang araw bago ka mamatay, hindi mo masusumpungan ang iyong sarili na kasama ng Panginoon kapag ikaw ay namatay.
Binigay ng awtor ang kaniyang testimonyo, na nagsasabing siya ay naipanganak na muli sa isang retreat ng Fellowship of Christian Athletes, sa pamamagitan ng “pananampalataya sa evangelio ni Cristo,” hiwalay sa anumang gawa sa kaniyang bahagi (p. 23). Tila nanampalataya siya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan at tanging sa huli napailalim sa turo ng Calvinismo. Ang nakalulungkot, sa halip na ipahayag ang mensaheng kaniyang mismong sinampalatahayan upang maipanganak na muli, ang kaniyang pinapahayag ay ang mensahe ng Calvinismo na huli niyang natutunan.
Napapapalatak ako na ang isang awtor at isang malaking publikasyon ay maglalabas ng aklat na naghahayag ng posibilidad ng katiyakang ang isang tao ay may eternal na kasiguruhan samantalang sa katotohanan, ang aklat ay nagtuturong ang katiyakan ay imposible. Iniisip kong ang sinumang nagbabasa ng aklat ay iisiping siya ay nalinlang. Ang aktuwal na titulo ng aklat na ito ay dapat: How to Have a High Level of Confidence That You Have the Marks of a True Christian (Paano Magkaroon ng Mataas na Antas ng Kumpiyansa na Taglay Mo ang mga Tanda ng Isang Tunay na Cristiano).
Nirerekomenda kong ang sinumang walang katiyakan na humiling nito sa Diyos at basahin ang Evangelio ni Juan. Ang aklat na iyan ay magbibigay ng katiyakan ng buhay na walang hanggan sa sinumang mapanalanginin at bukas dito (hal. Juan 3:14-18; 5:24; 6:35, 37, 39, 47; 11:25-27). (Pareho kami ni Shawn na may mga aklat sa katiyakan na makikita sa faithalone.org. Subalit, samantalang ang mga ito ay nakatutulong, ang kailangan upang magkaroon ng katiyakan ay ang nagpapatuloy na panalangin at ang Salita ng Diyos, lalo na ang Evangelio ni Juan.)
Hindi ko nirerekomenda ang aklat na Without a Doubt ni Inserra.