Kamakailan lang ay nabasa ko ang isang komento mula sa isang Evangelical na iskolar na dalubhasa sa Lumang Tipan. Isa siyang dalubhasa sa Hebreo. Pinag-aaralan niya ang Isa 53:11, kung saan sinabi ni Isaias na sa pamamagitan ng kaalaman kay Kristo, ang Lingkod ng Diyos, marami ang aariing-matuwid. Narito ang sinabi ng iskolar na ito:
Mayroong dalawang salitang Hebreo para sa kaalaman, isa na tumutukoy sa kaalaman sa ulo at ang isa naman ay sa karanasang kaalaman. Ang salitang nasa sitas na ito ay daat at tumutukoy sa karanasang kaalaman. Sa pamamagitan ng karanasang kaalaman ng Lingkod, ang mga tao ay aariing-matuwid. Kapag tinanggap natin si Yeshua bilang ating Mesiyas, kapag tinanggap natin ang Kaniyang kahaliling kamatayan para sa ating kasalanan, tinatanggap natin ang Kaniyang ginawa sa Kaniyang pagdurusa at kamatayan para sa ating kapakanan. Sa sandaling iyon, nakikilala natin Siya sa pamamagitan ng karanasan. Sa pamamagitan ng karanasang kaalamang ito tungkol sa Kanya, tayo ay inaring-matuwid.
Nalilito ako nang husto sa talatang ito. Sinasabi nitong ang “kaalaman sa ulo” tungkol kay Cristo ay hindi sapat; kailangan ng karanasang kaalaman tungkol sa Kaniya. Maraming guro ng Bibliya ang maling nagsasalita tungkol sa isang “pananampalataya sa puso” na iba sa “pananampalataya sa ulo.” Itinuturo nilang tanging isang “pananampalataya sa puso” lamang ang makakapagligtas sa hindi mananampalataya mula sa lawa ng apoy. Ipinapalagay kong ito ang ibig sabihin ng manunulat sa “karanasang kaalaman.” Hindi ko alam ang pagkakaiba sa pagitan ng “kaalaman sa ulo”
at “karanasang kaalaman.”
Umapela siya sa salitang Hebreo para sa kaalaman upang ipaliwanag ang pagkakaiba. Tulad ng karamihan ng mga tao sa mundo, hindi ako eksperto sa wikang Hebreo. Ngunit mayroon akong kakayahang hanapin ang salita sa isang Hebreong leksikon, na isang diksyunaryong Hebreo.
Kaya ginawa ko. Ang leksikon ay hindi gumawa ng mga pagkakaibang sinisikap ipahayag ng manunulat. Sinabi nitong ang salita ay nangangahulugang “maging mulat” sa isang bagay. Maaari itong tumukoy sa kaalaman o kakayahan. Ginagamit ito upang ilarawan ang teknikal na kaalaman. Ang kaalaman sa matematika ay maaaring isang halimbawa. Ang salita ay maaaring tumukoy sa pagkuha ng kaalaman sa pamamagitan ng pagtingin sa isang bagay. Ang kaalamang ito ay resulta ng “datos na nakalap o naobserbahan ng isa.” Lahat ng ito ay tila simpleng kaalaman lamang sa akin. Mukhang ito naman talaga ang nangyayari sa ating mga ulo!
Sa tingin ko, sinasabi ng manunulat na ang pananampalataya kay Cristo ay hindi tunay kung alam mo lang ito sa ulo. Ang maniwala sa iyong ulo ay hindi sapat. Kailangan mo itong maranasan. Sa tingin ko, ang ibig niyang sabihin ay kailangan mo ng emosyonal na reaksyon, desisyon, o pagkilala sa mga kasalanan upang samahan ang alam ng iyong ulo. Mukhang sinasabi niyang hindi mo makikilala si Cristo maliban na lamang kung kasama nito ang ilang uri ng mga damdamin. Kailangan mong magkaroon ng karanasang espiritwal.
Aaminin kong maaaring lubos kong hindi nauunawaan ang sinasabi niya. Tulad ng sinabi ko, nalilito ako sa kung ano ang kaniyang isinulat tungkol sa Isa 53:11. Duda kong maraming ibang tao ang malilito rin sa talatang iyon. Magtatanong sila, “Nagkaroon ba ako ng ‘karanasang’ kaalaman kay Cristo, o lahat bang ito ay nasa ulo ko lang?”
Mahirap hamunin ang isang eksperto. Ngunit sa kasong ito, dapat lamang. Tulad ng sinasabi ng leksikon, maaari tayong makaalam ng mga bagay tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng pagtingin sa datos. Hindi natin kailangang magkaroon ng emosyonal na karanasan. Ang Evangelio ni Juan ay nagtatala ng walong himalang ginawa ni Cristo. Ang walong himalang ito ay nagpakitang Siya ang Cristong maaaring magbigay ng buhay na walang hanggan sa bawat taong mananampalataya sa Kaniya para rito. Ipinangako Niyang gagawin ito, at ang buhay na Kaniyang ibinibigay ay hindi kailanman mawawala (Juan 5:24; 20:30–31).
Kung ang isang tao ay naniniwala sa kaalamang iyan—kung siya ay kumbinsido na ito ay totoo—siya ay may buhay na walang hanggan. Sa mga salita ng Isa 53:11, siya rin ay idinedeklarang matuwid ng Diyos.
Naaabot natin ang kaalamang ito sa pamamagitan ng paggamit ng ating isipan. Isinasaalang-alang ng ating mga isipan ang ebidensya. Ang Espiritu ay nagbubunyag ng katotohanan ng kaalamang ito sa ating mga isipan. Nananampalataya tayo gamit ang ating isipan.
Maraming magsasabing ang ganitong kaalaman ay hindi sapat dahil ito ay nasa ating mga ulo lamang. Kailangang maranasan ito ng hindi mananampalataya sa kaniyang puso.
Pero walang nakakaalam kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ay hindi matiyak.
Panatilin natin itong simple. Kung ang isang tao ay nanampalatayang si Jesus ang Cristong nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para rito, nanampalataya na siya sa kaalamang kailangan niyang sampalatayahan upang matanggap ang kaloob na iyan. Sa tingin ko, sumasang-ayon ang Hebreong leksikon. Higit na mahalaga, alam kong ang Evangelio ni Juan ay sumasang-ayon, kahit na sa ulo ko lang ito sinasampalatayahan.





