Kamakailan sumulat ako ng isang blog sa Pah 3:5 at sa tanong kung ang mga mananampalatayang hindi mananagumpay ay papawiin sa Aklat ng Buhay. Tingnan dito.
Nakatanggap ako ng isang napakahusay na tanong sa blog na iyan mula kay John:
Ilalagay ko sa pula kung ano sa aking tingin ay kahulugan ng Pah 3:5:
Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan (ngunit papawiin ko ang pangalan ng mga hindi mananagumpay) sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.
Ang mga hindi mananagumpay, ang mga hindi mananampalataya ay papawiin sa listahan ng mga buhay [lahat ng may buhay na walang hanggan]…
Ang pananaw ni John ay katulad na pananaw ng maraming Evangeliko: Ang mga mananampalataya ay mga mananagumpay; ang mga bigong managumpay ay mga hindi mananampalataya.
May dati na akong sinulat tungkol dito. Tingnan dito. Ngunit ito ay napakahalagang tanong na kailangang muling sagutin.
Ang pananaw na iyan ay maaaring lapat sa 1 Juan 5:4-5, bagamat sa tingin ko ay hindi. Sa tingin ko ang sinasabi ni 1 Juan 5 ay kung tayo ay lalakad sa pananampalataya, tayo ay mananagumpay. Sa tingin ko, hindi sinasabi ni Juan na ang lahat ng mananampalataya ay mga mananagumpay.
Subalit, posibleng maunawaan ang mga mananagumpay sa 1 Juan 5 bilang pantukoy sa lahat ng mananampalataya, at ang mga mananagumpay sa Pah 2-3 bilang pantukoy sa tapat, nagpapatuloy na mananampalataya.
Bakit natin sinasabing ang mga hindi mananagumpay sa Pah 2-3 ay mga mananampalataya? Mayroon akong pitong dahilan:
- Ang kinakausap ng Panginoon ay ang pitong iglesia. Walang hindi mananampalataya ang bahagi ng Katawan ni Cristo. Ang mga hindi mananampalataya ay maaaring bumisita sa mga iglesiang ito. Ngunit hindi sila bahagi ng mga ito.
- Lahat ng pitong sulta ay nagsasabing, “Alam ko ang iyong mga gawa.” Ang isyu ay tapat o hindi tapat na paglilingkod kay Cristo. Ang tapat na paglilingkod ay hindi kundisyon ng buhay na walang hanggan.
- Wala alin man sa pitong sulat ang nananawagan sa mga mambabasa na manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan.
- Ang salitang mananagumpay (Griyego nikao) ay nangangahulugang nanalo o nagwagi, hindi mananampalataya.
- Maraming mga sitas na nagbababala sa BT tungkol sa posibilidad ng pagkahulog. Sa katotohanan, karamihan sa pitong sulta sa Pahayag 2-3 ay babala sa mga mambabasa laban sa posibilidad na ito.
- Hindi nangako si Jesus ng buhay na walang hanggan sa mananagumpay. Sa halip, nangako Siya sa mga mananagumpay: 1) Pribilehiyong magharing kasama Niya at 2) iba’t ibang gantimpala sa pagtitiis na kasama ng paghaharing ito (natatagong manna, karapatan sa puno ng buhay, espesyal na puting damit, atbp).
- Ang buong BT ay naghihiwalay sa pagitan ng mga walang hanggang gantimpalang matatamo sa gawa (1 Cor 9:24-27; 2 Cor 5:9-10; Gal 6:7-9; 2 Tim 2:12; 4:6-8; Pah 3:21), at buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos (Juan 4:10; 6:28-29; Roma 4:4-5; Gal 2:16; Ef 2:8-9; Pah 22:17).
Magsikap na maging mananagumpay? Dapat. Tingnan ang 1 Cor 9:27. Ngunit hindi upang makapasok sa kaharian. Ang layon ay matamo ang aprubal ng Panginoon, ang Kaniyang papuri at komendasyon.
Manatiling nakapokus sa biyaya.