Kamakailan may mga pastor at iskolar ng Biblia na nagpalabas ng isang dokumentaryong pelikula na may pamagat na Once Saved, Always Saved (tingnan dito). Inaargumento nilang ang minsang maligtas ay hindi maligtas kailan pa man.
Isa sa mga pasaheng kanilang ginamit upang patunayang ang kaligtasan ay maiwawala ay Pah 3:5: “Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.”
Ang kanilang pagtalakay ng Pah 3:5 ay nagsimula sa oras na 34:35 hanggang sa 35:56 sa pelikula. Narito ang ilang highlights:
Pastor Zac Poonen: “Ang iyong pangalan ay maaaring mapawi sa Aklat ng Buhay.”
Dr. Michael Brown: Bakit ka magbibigay ng pangakong hindi gagawin ang isang bagay kung ito pala ay imposible naman?
Dr. Ben Witherington: “Maaari kang mapawi sa Aklat ng Walang Hanggang Buhay ng Kordero.”
Pastor Poonen: “Nagsisinungaling ba si Jesus dito? Wala bang laman ang Kaniyang babala rito?”
Pastor Joe Schimmel: Ang aklat na ito ay hindi aklat ng lahat ng nabuhay.
Pastor Poonen: Pakinggan natin ang sinasabi ng Panginoon dito.
Maaari nating grupuhin ang kanilang mga interpretasyon sa anim na pangunahing elemento:
- Sinabi ni Jesus na ang iyong pangalan ay maaaring mapawi sa Aklat ng Buhay.
- Ito ay posible dahil kung hindi walang dahilan upang sabihin ito.
- Kung ang iyong pangalan ay mapawi sa Aklat ng Buhay, naiwala mo ang buhay na walang hanggan.
- Binabalaan ni Jesus ang mga mananampalataya ng impiyerno kung hindi sila makatiis.
- Ang Aklat ng Buhay ay rekord ng lahat ng may buhay na walang hanggan.
- Kung hindi natin ia-apply ang sinasabi ni Jesus, maiwawala natin ang ating kaligtasan.
Sasagutin ko ang bawat isa sa anim na ito at pagkatapos ay ibibigay ko ang aking interpretasyon.
- Hindi. Hindi sinabi ni Jesus na ang pangalan ng sinuman ay mapapawi. Nangako Siyang hindi papawiin ang pangalan ng mga mananagumpay, na nagpapahiwatig na ang pangalan ng mga hindi mananagumpay ay maaaring mapawi. Ngunit ito ay hindi hinayag nang malinaw.
- Hindi. Kung ito ay pagmamaliit, na tinatawag na litotes, may rason sa pagbanggit nito. Isang artikulo sa online ang nagbigay ng limapung halimbawa ng mga pagmamaliit na ito. Marami sa kanila ay mga imposibleng ilustrasyon. Ang Bilang 22 ay nagsasabing, “Maaari mong subukang languyin ang Karagatang Pasipiko, ngunit ito ay nakangangalay nang kaunti, at walang sapat na oras para matapos ito ngayong hapon.” Ang Bilang 23 ay nagsasabing, “Tiningnan ni Max ang Bundok na nakaturo sa langit at kaniyang sinabi, “Oo medyo may kalakihan ito para talunin.” Ang Bilang 25: “Ang Pluto ay umaabot ng -400F sa gabi, kaya kung pupunta ka roon, maiging magdala ka ng diyaket.”
- Hindi. Kung ito ay hindi isang pagmamaliit, hindi ito patungkol sa pagkawala ng buhay na walang hanggan dahil maraming ibang sitas na nagpapakitang ito ay imposible. Ang Juan 3:16 at marami pang ibang sitas ay nagpapakitang ang buhay na walang hanggan ay hindi maaaring maiwala.
- Hindi. Hindi binabalaan ni Jesus ang mga mananampalataya ng walang hanggang kundenasyon sa Pah 3:5. Ang lahat ng pitong sulat sa mga iglesia ay nagpapakita ng posibilidad ng paghaharing kasama ni Cristo at iba pang mga walang hanggang gantimpala sa mga mananagumpay, ngunit wala sa mga hindi. Ang hindi magharing kasama ni Cristo ay hindi katumbas ng walang hanggang kundenasyon.
- Oo. Ang Aklat ng Buhay ay nagtataglay ng pangalan ng lahat ng may buhay na walang hanggan. Maaari rin itong nagpapahiwatig na ang mga mananampalatayang ito ay mga mananagumpay. Dadagdagan ko ito ilang saglit.
- Oo at hindi. Kailangang maging maingat tayo sa sinasabi ni Jesus. Ang lahat ng pitong sulat ay nananawagan sa ating makinig at mag-aplay. Ngunit ang isyu sa maingat na aplikasyon ay mga pagpapala ng Diyos, hindi ang ating walang hanggang hantungan.
Narito ang aking interpretasyon: May dalawang pangunahing parirala sa Pah 3:5: “Hindi Ko papawiin ang kaniyang pangalan,” at “Ihahayag ko ang kaniyang pangalan.”
Sa isang artikulo sa 1983 JETS, inargumento ni William Fuller na ang Griyegong salitang onoma, na sinaling pangalan, ay tumutukoy sa reputasyon dito. Sinipi niya ang Kaw 22:1: “Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto”
Ang tapat na mananampalataya ay hindi mawawasak ang reputasyon; sa halip, ipahahayag ng Panginoong Jesus ang kaniyang reputasyon. “Maiigi, tapat at mabuting alipin” (Lukas 19:17) ang pahayag na maririnig. Ang mabuting alipin ay reputasyon ng isang mananagumpay. Hindi ito ang kaniyang una at huling pangalan.
Ang mananampalatayang hindi nanagumpay ay hindi maririnig ang, “Maiigi, tapat at mabuting alipin.” Hindi ihahayag ang kaniyang pangalan. Ngunit siya ay papasok sa kaharian dahil nanampalataya siya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan.
Halimbawa, ang pananampalataya sa pangalan ni Jesus sa Evangelio ni Juan ay hindi nangangahulugang manampalataya sa salitang Jesus. Nangangahulugan itong manampalataya sa Kaniyang tapat na karakter at reputasyon. Nanampalataya ako sa pangala ni Jesus nang manampalataya ako sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggang sa mananampalataya. Sa Evangelio ni Juan ang manampalataya sa Kaniya ay katumbas ng manampalataya sa Kaniyang pangalan.
Sa tingin ko ang pagmamaliit at ang reputasyon ay makikita sa Pah 3:5. Hindi papawiin ni Jesus ang magandang reputasyon ng mananagumpay; sa halip, ihahahayag Niya ang pangalang ito at itataas ang kaniyang reputasyon.
Ang Bema, ang Hukuman ni Cristo ang pinag-uusapan dito. Ikumpara sa Mat 10:32-33; 2 Tim 4:6-8; 1 Juan 2:28.
Naaalala ninyo ba ang mga lumang phone books? Nililista nila ang pangalan ng lahat kasama ang kanilang mga numero ng telepono. Ngunit kung nagbayad ka ng ekstra, ang iyong pangalan ay naka-bold. Ang Aklat ng Buhay ay parang ganiyan. Ang lahat ng mananagumpay ay may mga pangalang magiging espesyal. At kikilalanin ng Panginoong Jesus ang kanilang mabuting reputasyon sa Bema.
Para sa karagdagang detalye, tingnan ang aking 1995 na artikulong “I will not blot out his name.” (Hindi ko papawiin ang kaniyang pangalan).
Manatiling nakapokus sa biyaya.