Si Manases, isa sa mga hari ng Juda, ay hindi mabuting tao. Nagdala siya ng malaking kalungkutan sa kaniyang bayan. Siya ay naghari sa loob ng 55 taon at nilarawan ng awtor ng 2 Hari bilang pinakamasamang hari sa kasaysayan ng bansa (2 Hari 21:1-16).
Nang binigay ng Diyos sa mga Judio ang Lupang Pangako, pinalayas Niya ang mga bansang naroon dahil sa kanilang kasalanan. Ginawa rin ni Manases ang lahat ng kasamaan ng mga paganong bansang ito- at hinigitan pa. Nagtayo siya ng mga lugar para sa pagsamba ng mga idolo sa buong lupain ng Juda. Tinangkilik niya ang pagsamba kay Baal at nagtatag din ng pagsamba ng mga bituin at mga planeta. Ang templo ng Diyos sa Jerusalem ay ginawa ding lugar ng paganong pagsamba.
Inalay pa nga ni Manases ang isa kaniyang mga anak sa idolo. Hindi siya nagtiwala sa Salita ng Diyos bilang gabay ngunit kumiling sa panggagaway at hinanap ang mga payo ng mga espiritu ng mga patay. Ang may-akda ng 2 Hari ay nagsasabing maraming pinabubong inosenteng dugo si Manases. Hindi niya ibinigay ang mga detalye ngunit marahil ito ay nangangahulugang pinagsamantalahan niya ang kahinaan ng mga mahina at walang lakas. Marahil inusig at pinatay niya ang mga propeta ng Diyos. Isang alamat ng mga Judio ang nagsasabing kaniyang pinatay si Isaias sa pamamagitan ng paglagari rito.
Ang Israel, ang kapatid na bansa ng Juda sa hilaga, ay tinalo ng kaniyang mga kaaway at tinapon sa pagkabihag. Bagamat may bentahe n asana si Manases dahil sa kaalaman sa nangyari sa mga Israelita sa kanilang pagsuway, hindi siya natuto sa mga ito. Nang Kaniyang ibigay ang lupa sa Kaniyang bayan, tinanggal Niya ang mga bansa mula sa Canaan dahil sa kanilang mga kasalanan; inalis din Niya ang Israel sa parehong dahilan. Ngunit si Manases ay mas masahol pa at malinaw na karapat-dapat sa poot ng Diyos. At higit pa diyan, ang kaniyang posisyun bilang hari ay naglagay ng halimbawa sa kaniyang bayan. Siya ang dahilan kung bakit ang buong bansa ay naghimagsik laban sa Panginoon at upang maging karapat-dapat sa poot ng Diyos. Ang resulta ay hinayag ng Diyos na Kaniyang palalayasin sila mula sa Lupang Pangako at marami ang makararanas ng malaking kapighatian sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Mahirap makahanap ng mas masama pang tao sa mga pahina ng LT. matapos ang limapung taon, dinala ni Manases ang kaniyang bayan sa balon ng pagkawasak. Maraming lalaki, babae at mga bata ang mawawalan ng buhay bilang resulta ng kaniyang mga kilos at dahil sa masama niyang halimbawa.
Ang may-akda ng 2 Hari ay hindi nagbigay ng lahat ng mga detalye ng buhay ni Manases ngunit ang may-akda ng 2 Cronica ay nagpuno ng mga detalye. Sa katapusan ng kaniyang buhay, dinisiplina siya ng Diyos dahil sa kaniyang maraming kasalanan, at ginamit ang hari ng Asirio upang gawin ito. Tinangay ng Asiria si Manases bilang bilanggo at natatanikalaan. Ito ay inaasahan; dapat lang kay Manases ang nangyari dahil sa kaniyang mga kasalanan (2 Cron 33:10-11). Ang mambabasa ay natutuksong sabihing, “Sana mamatay na siya sa kulungan.” Siya ay masama, mamamatay-tao, mananamba sa idolo at nagdala sa marami sa mapagwasak na kilos at sa kamatayan.
Ngunit may isang kahanga-hangang bagay na nangyari. Tinala ng 2 Cronica kung paanong, sa kaniyang pagkatanikala, tumawag si Manases sa Diyos at nagpakumbaba sa harap Niya. Nanalangin siya sa Diyos at dininig siya ng Diyos. Ang Panginoon ay dinala siya sa Jerusalem at binalik siya sa trono. Natapos ang kaniyang paghahari sa Jerusalem sa mahusay na nota. Inalis niya ang mga idolong kaniyang nilagay sa Juda at sa templo ng Diyos. Naghandog siya sa Panginoon, na nagpapasalamat sa Kaniya sa Kaniyang biyaya at awa (2 Cron 33:15-16).
Malinaw na ipinakikita ni Manases na ang sinuman, at ibig kong sabihin ay sinuman, ay maaaring tumanggap ng biyaya ng Diyos. Sinumang hindi mananampalataya- anuman ang kaniyang ginawa- ay makasasampalataya kay Cristo at makatanggap ng buhay na walang hanggan. Sinumang mananampalataya- anumang kasalanan ang kaniyang ginawa- ay makahahayag ng kaniyang mga kasalanang nagawa, makasumpong ng kapatawaran at magkaroon ng pakikisama sa Panginoon. Mayroon akong guro sa seminaryo na binuod ang mga katotohanang ito: Walang taong kayang magkasala na hindi matatapatan ng biyaya ng Diyos.
Ngunit mayroon pang isang aral dito. Ang may-akda ng 2 Cronica ay nagbibigay sa atin ng isa pang piraso ng impormasyon tungkol sa buhay ni Manases. Bagamat tumawag siya sa Panginoon at nakasumpong ng kapatawaran, ang kaniyang limampung taon ng kasamaan ay mayroong mapagwasak na konsekwensiya sa kaniyang bansa. Sa katapusan ng kaniyang buhay, pinaglingkuran niya ang Diyos. Ngunit sinabi sa ating hindi sumunod sa kaniya ang mga tao. Nagpatuloy sila sa masasamang gawing pinakita ni Manases sa loob ng limampung taon. Ito ay magdadala sa pagkabihay ng buong bansa sa hinaharap.
Ang limampung taong kasamaan ni Manases ay may epekto rin sa kaniyang pamilya. Ang kaniyang anak na si Amon ay naupo sa trono pagkamatay ni Manases. Sa malaking bahagi ng kaniyang buhay, nakita ni Amon ang deprabidad ng kaniyang ama. Sinabi sa ating siya ay masamang hari mismo, gaya ng kaniyang ama (2 Hari 21:20).
Ano ang aral? Bagamat kahit sino ay makararanas ng awa at biyaya ng Panginoon, ang mga konsekwensiya n gating mga kasalanan ay mananatili. Ang kapatawaran ng kasalanan ay nariyan para sa atin. Ngunit ito ay hindi lisensiya para magkasala. Gaano kaigi sana ang kalagayan ng bayan ng Juda at buong pamilya ni Manases kung siya ay hindi namuhay nang limampung taon ng kasamaan?