Marami akong natatanggap na email. Minsan matagal bago ako makatugon sa mga ito. Halimbawa, nakatanggap ako ng email noong Nob 19, 2020, mula kay Kent na humihiling sa aking sagutin ang isang blog na nasulat noong Nov 14, 2020. Ngayon, Disyembre 17, 2021, pagkatapos ng labintatlong buwan, nagkaroon din ako ng oras na tugunan ito.
Bakit matagal na paghihintay? Ang magagandang tanong sa email gaya ng kay Kent ay nagtutulak sa aking personal na mag-aral na maaaring umabot ng ilang oras o maging araw. Bagama’t ang pag-aaral ay mahalaga at nakatutulong- dahil kung hindi hindi ko ito pagtutuunan ng oras- minsan ang mga ganitong tanong ay nagtutulak sa aking magpaliban sa mga tanong na alam kong mangangailangan ng mahaba-habang pag-iisip.
Narito ang tanong ni Kent:
Personal akong nakikinabang sa mahuhusay na turong pinagpala akong matanggap sa pamamagitan ng GES. Malaki ang utang na loob ko sa mga taong ito dahil marami akong natutunan: Bob Wilkin, Shawn Lazar, Ken Yates, at siyempre ang namayapang Zane Hodges, na siyang unang nagmulat ng aking mata sa karunungan ng Free Grace na kaisipan at teolohiya.
Marami akong natatanggap na mga turo at kaalaman sa pamamagitan ng email. Isa sa natanggap ko nang nakaraang araw ay kinakatawan ng artikulong ito na tinawag na “No Holiness, No Heaven” ni Greg Morse, isang manunulat na tauhan ng ministri ni Dr John Piper na DesiringGod.org. Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng may-akda ngunit interesado akong malaman kung paano mo sasaguting ang ganitong turo?
Kung ang iyong oras at skedyul ay hahayaan ka, ibig ko sanang mabasa ang iyong tugon. Salamat na marami!
Ang artikulo ni Greg Morse ay isang tagpi-tagping kumot. Mali ang kaniyang paliwanag ng mga sitas at itinahi niya ang mga mali niyang interpretasyon sa isang nakalilito at nanliligaw na kumot teolohikal.
Ang mga salitang nabanggit sa titulo ng blog na ito ay direktang sinipi mula sa blog ni Morse. Ang kaniyang pangunahing punto ay mahusay na nahahayag sa kaniyang dalawang pangungusap na pagbubuod: “Walang nasa langit ang nakarating dito na ang basehan ay ang kaniyang mabubuting gawa, at walang makapapasok sa langit na hindi lumakad sa mabuting gawa sa lupa. Kaya nagpapatuloy tayo sa kabanalan patungo sa ating tahanan sa langit dahil tayo ay inari na ni Jesus.”
Kung “walang makapapasok sa langit na hindi lumakad sa mabuting gawa sa lupa” ano kung ganuon ang kahulugan ng paglakad sa mabuting gawa? Sabi ni Morse ito ay nangangahulugang “napopoot ka sa iyong kasalanan,” “iniibig mo ang Diyos,” “susundin mo ang iyong nalalaman [mga utos ng Diyos],” at “[ikaw] ay gagawa ng kabutihan sa mundong ito” anupa’t ang iyong buhay ay malinaw na makikita ng iba bilang banal. Basahin muli ang listang ito. Subhetibo, subhetibo, subhetibo, subhetibo. Ang apat na pagsubok ng iyong kaligtasan ay walang kakayahang magbigay ng iisang sagot. At kahit pa ngayon ang mga bagay na ito ay totoo sa iyo, imposibleng malaman kung ikaw ay makatitiis hanggang sa huli gaya na rin ng inamin ni Apostol Pablo (1 Cor 9:27).
Ito ang dahilan kung bakit sinulat ni Morse, “May mga sandaling, naitatanong natin, “Ako ba ay naipanganak nang muli?” Sa NATIN ang ibig niyang sabihin ay “nating mga Calvinista.” Kung titingnan ko ang aking mga gawa para sa katiyakan, minsan nagtataka ako kung ako ba’y naipanganak nang muli. O mas tamang sabihing, kung titingnan ko ang aking mga gawa para sa katiyakan, nagtataka ako sa lahat ng pagkakataon kung ako ay naipanganak nang muli o hindi.
Sinubukan ni Morse na patunayan ang kaniyang punto sa pamamagitan ng pagbanggit, nang walang pagliwanag, ng higit sampung sitas. Mayroon kaming mga artikulo sa aming website na tumatalakay sa lahat ng mga pasaheng kaniyang binaggit. I-click lamang ang aming search icon- isang magnifying glass- sa website. Mayroon pa nga akong artikulo noong 2003 na may kaparehong titulo ng kay Morse, at ang pagkakaiba lang ay ang aking artikulo ay nagtatapos sa tanong.
Ito ang anim na pangunahing obserbasyon:
- Nasumpungan ni Morse na autoritatibo hindi lamang ang Kasulatan, kundi pati ang Westminster Confession of Faith (Pahayag ng Pananampalataya ng Westminster) at ang Pilgrim’s Progress ni Bunyan.
- Pinapaliwanag ni Morse ang Kasulatan sa liwanag nang Westminster Confession at ng Pilgrim’s Progress. Hindi niya pinapaliwanag ang dalawang hindi kinasihang akda sa liwanag ng Kasulatan.
- Mali ang paliwanag ni Morse sa lahat ng sitas na kaniyang binanggit sa artikulong ito.
- Hindi pinaliwanag ni Morse ang kahit isang sitas. Hindi niya pinaliwanag ang konteksto, ang kahulugan ng mga pangunahing salita sa sitas, ibang teksto na kasalungat ng kaniyang pananaw, atbp.
- Sa paningin ni Morse ang nagpapatuloy na pag-aalinlangan sa kalagayan ng isa sa harap ng Diyos ay normal at positibong bagay.
- Hindi naniniwala si Morse na ang katiyakan ng kaligtasan ng isang tao ay posible o maganda. Sa katotohanan kaniyang nililibak ang mga nagsasabing, “Minsan maligtas, ligtas kailan pa man,” ngunit ang buhay ay hindi sa kaniyang paningin, nagpapakita ng “dugo, pawis at pagal ng esensiyal na doktrina ng pagtitiis.”
Ipinagdasal ko si Greg Morse sa pagtatapos ko ng blog na ito. Ipinapanalangin kong ang Diyos ay magdadala ng isang tao sa kaniyang buhay na magiging dahilan upang kaniyang mas maingat na tingnan ang Kasulatan. Sa loob ng labing-apat na taon, ako ay nasadlak sa putik ng kaisipan ng kaligtasan sa gawa na walang katiyakan ng aking eternal na kalagayan. Ninasa ko nang lubos na malaman kung saan ko gugulin ang eternidad. Ipinapanalanangin kong magkaroon ng kaparehong pagnanasa si Morse at kaniyang masikap na hahanapin ang Panginoon sa bagay na ito.