Tinanong ni Tom ang sumusunod na tanong:
Isang Calvinista ang sumipi ng Juan 6:37 na nagsasabing, “Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa Akin,” upang italtal ang kahalalan sa buhay na walang hanggan. Paano ako tutugon?
Ang paglapit kay Jesus sa Evangelio ni Juan- kabilang na ang nasa kabanata 6 (tingnan ang v35, dalawang pasahe sa unahan)- ay tumutukoy sa pananampalataya sa Kaniya.
Walang kahalalan sa Juan 6:37. Ang pagbigay ay hindi pagpili o paghalal.
Sino ang mga ibinigay ng Ama kay Jesus? Ayon sa Juan 6:37, ang mga ibinigay sa Panginoong Jesus ay nakarating sa pananampalataya sa Kaniya. Samakatuwid, may nangyari bago ang pananampalataya na nagresulta sa pagsampalataya. Tingnan din ang Juan 6:35, 39, 40, 47.
Sinabi ng Gawa 16:14 na “binuksan ng Panginoon ang kaniyang [kay Lydia] puso upang pakinggan ang mga bagay na sinabi ni Pablo.” Wala saan man sa Kasulatang tinawag ang kapanganakang muli bilang pagbukas ng puso. Sa halip, ang punto ay sa isang nanosegundo bago ang sinuman ay manampalataya, binuksan ng Diyos ang kanilang puso/isipan (cf Lukas 24:45) upang kanilang makita ang katotohanan at sampalatayahan ito.
Ang ibang Kasulatan ay nagpapakitang binuksan Niya ang puso ng lahat ng positibong tumugon sa Kaniyang paghihikayat.
Sa madaling salita, ang mga taong ibinigay ng Ama sa Panginoong Jesus ay ang mga taong bukas sa katotohanan at naghahanap sa Panginoon bilang tugon sa paghanap Niya muna sa kanila.
Ikumpara rin sa Juan 5:39-40: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (dinagdagang hilis). Ang mga salitang “at ayaw kayong magsilapit sa Akin,” ay laban sa Calvinistang pananaw ng paghalal. At ang mga ito ay masusumpungan pareho sa Juan 5:40 at 6:37.
Tingnan din ang Mat 7:7-11 kung saan ang Panginoon ay nagsabing ang sinumang humihingi ay makatatanggap, ang naghahanap ay makasusumpong at ang mga kumakatok ay pagbubuksan ng pintuan. Minsan pa ito ay hindi deterministiko.
Kausap ang mga pilosopong Atenista, sinabi ng Apostol Pablo:
“At ginawa Niya sa isa ang bawa’t bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila Siya at Siya’y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawa’t isa sa atin…” (Gawa 17:26-27, may dagdag hilis).
Si Cornelio sa Gawa 10 ay isa pang halimbawa. Ang kaniyang mga panalangin at abuloy ay umakyat sa Diyos bilang isang pag-alala. Kaya pinadala ng Diyos ang isang anghel upang sabihan siyang magpasugo para kay Simon Pedro, na siyang magsasabi sa kaniya at sa kaniyang sambahayan kung ano ang dapat gawin upang maligtas (Gawa 11:14).
Ang babae sa balon ay sinabihang kung alam niya ang kaloob ng Diyos at kung sino ang nakikipag-usap sa kaniya, hihingi siya sa Kaniya, at bibigyan Niya siya ng buhay na tubig (Juan 4:10). Sa Juan 4:14, pinaliwanag ng Panginoon na ang kaloob ng Diyos ay ang buhay na walang hanggan at ang buhay na tubig ay ang nagliligtas na mensaheng si Jesucristo ang gumagarantiya ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para rito.
Mabuti ang hangarin ng mga Calvinista. Ngunit ang kanilang sistema ay hindi nakabase sa Kasulatan. Ito ay nakabase sa pilosopiyang gawa ng tao. Ang gawang ito ay salungat sa Kasulatan at nagresulta sa mga taong ginugol ang kanilang buhay sa paghanap ng pag-asang sila ay maipanganak na muli. Namumuhay sila sa nagpapatuloy na takot na hindi sila halal at sila ay gugugol ng eternidad sa lawa ng apoy. Hindi nais ng Ama ang ganitong takot sa sinuman. Nais niyang tayo ay manampalataya sa Kaniyang Anak at maging sigurado sa ating eternal na hantungan. Tingnan ang aking mga aklat na Is Calvinism Biblical? at Secure and Sure para sa karagdagang detalye.
Manatiling nakapokus sa biyaya at mananatili kang tiyak na ikaw ay lumapit kay Jesus at mayroong buhay na walang hanggang hindi kailan man maiwawala.


