Si jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan ayon sa Juan 4:42 at 1 Juan 4:14.
Ayon sa mga Calvinista, ang salitang kosmos sa mga sitas na ito ay tumutukoy sa sanlibutan ng mga hinirang. Sa madaling salita, Siya ang Tagapagligtas ng 100% ng mga hinirang Niya para sa kaligtasan at 0% ng mga hindi hinirang.
Ngunit ang salitang kosmos sa mga sitas na ito ay tumutukoy sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.
Ibig bang sabihin noon na lahat ay maliligtas sa huli?
Hindi.
Parehong ipinapakita ng Juan 4:42 at 1 Juan 4:14 kung ano ang kahulugan ng “Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Sa kaniyang komentaryo sa Juan 1–6, sinulat ni Hodges patungkol sa Juan 4:42:
Tinapos ni Juan ang kaniyang naratibo, gayundin ang yunit na ito ng kanyang Ebanghelyo, sa pagtatapat ng mga lalaki ng Sicar. Nananampalataya na sila ngayong si Jesus “ay tunay na si Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.” Ang pagtatapat na ito, siyempre, ay nagpapahayag ng mismong resulta na nais ni Juan mula sa aklat na ito (tingnan ang 20:30-31). Ngunit kapansin-pansing ang mga hindi-Judiong mananampalatayang ito ay hayagang nagpapahayag ng unibersal na saklaw ng nagliligtas na kapangyarihan ni Jesus (tingnan ang 17:2). Hindi lamang Siya ang Tagapagligtas ng Kaniyang bayang Israel, kundi ng buong sanlibutan. Gaya ng ipinahayag ni Bautista, Siya ay “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (1:29)…
Ang mahalaga ay ang kumbiksiyong ang Cristo ay makapagbibigay ng buhay na walang hanggang sa kanila, at hindi lamang sa mga Judio. Ang kumbiksiyong ito ay mariing ipinahayag ng mga salitang Tagapagligtas ng sanlibutan (Faith in His Name, p. 85, sa kaniya ang hilis, idinagdag ang diin).
Paungkol sa 1 Juan 4:14, sinabi ni I. Howard Marshall na ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay tumutukoy sa “unibersalidad ng sakripisyo ni Jesus” (Epistles of John, p. 220). Gayundin, sinabi ni Gary Derickson, “Ang titulong ito ay nagsisilbing isa sa matibay na ebidensya para sa doktrina ng walang limitasyong pagtubos (Akin, 183; Johnson, 110). ‘Walang hanggan ang Kaniyang misyong magligtas, at walang hanggan ang tagumpay nito, maliban sa pagtanggi ng taong tanggapin ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas’ (Plummer, 104)” (First, Second and Third John, p. 453).
Nilinaw ng mga salita ni Pablo sa 1 Timoteo 4:10 ang ekspresyong ito: “Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka’t may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.” Ang lahat ng tao sa 1 Timoteo 4:10 ay katumbas ng “sanlibutan” sa Juan 4:42 at 1 Juan 4:14.
Komento ni Litfin,
4:10. …Hinayag ni Pablong ang Diyos ang Tagapagligtas ng “lahat ng tao” (cf 2:2, 4, 6) dahil nais Niyang maligtas ang lahat at ibinigay Niya si Cristo bilang pantubos (2:6) upang gawing posible ang kaligtasang iyan. Gayunpaman, ang Diyos ay Tagapagligtas ng mga nananampalataya sa isang espesyal na diwa dahil tanging sa kanila lamang nagbunga ang Kaniyang pagnanais para sa kanilang kaligtasan (“1 Timothy” sa The Bible Knowledge Commentary, p. 740, idinagdag ang hilis).
Gayundin, sinabi ni Wiersbe, “kung gayon, sinumang naliligaw na makasalanan ay maaaring magtiwala kay Cristo at maligtas” (The Bible Exposition Commentary, p. 227).
Sa kabilang banda, may ilang komentarista na nagsasabing “si Cristo ay potensyal na pantubos para sa mga kasalanan ng lahat” (hal. Lea at Griffin, 1, 2 Timothy and Titus, p. 136, idinagdag ang diin). Ngunit hindi iyan ang sinabi ni Pablo, at hindi ito naaayon sa Juan 1:29; 4:42; at 1 Juan 4:14.
Sa madaling salita, si Jesus, sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan sa krus, ay ginawang posibleng maligtas ang lahat ng tao. Kaya sa diwang iyon, Siya ang Tagapagligtas ng lahat. Ngunit Siya lalo na ang Tagapagligtas ng mga nanampalataya, dahil sila ay naligtas—at nabigyan ng buhay na walang hanggan.
Pansinin kung gaano kalaki ang pagkakaiba nito sa pananaw ng maraming Evangelikal, magpa-Calvinista at hindi Calvinista. Karamihan sa mga Evangelikal ay sinasabi sa mga taong kanilang ineebanghelyo na sila ay makasalanan at ang kanilang mga kasalanan ay naghihiwalay sa kanila mula sa Diyos. Hindi nila sinasabing kinuha na ni Jesus ang kanilang mga kasalanan (Juan 1:29). Sinasabi nila sa mga taong ang nabubong dugo ni Cristo ay hindi mabibilang hanggang hindi ka mananampalatayang Siya ay namatay sa krus para sa iyong personal na mga kasalanan.
Ngunit ang Kaniyang dugo ay talagang nagbabayad para sa mga kasalanan ng buong mundo. Inalis na Niya ang hadlang ng kasalanan. Hindi ibig sabihing pinatawad na Niya ang lahat ng kasalanan. Hindi. Ngunit ang pagpapatawad ay hindi katulad ng pag-alis sa hadlang ng kasalanan.
Si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Napakagandang balita iyan. Nakikinabang ang mga tao sa pagkaalam na hindi na nila kailangang harapin ang kanilang sariling mga kasalanan upang makamit ang buhay na walang hanggan. Kaya naman ang pagsisisi ay hindi isang kundisyon para sa buhay na walang hanggan. Inalis na ni Jesus ang hadlang ng kasalanan. Ang kailangan lang gawin ng sinuman ay manampalataya sa Panginoong Jesucristo, at makakamit niya ang buhay na walang hanggang hindi maiwawala kailan man (Juan 1:29; 3:16; 5:24; 6:35, 47; 11:25–27).
Panatilihin ang biyaya sa pokus at patuloy mong malalaman na si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan.





