Marami sa Sangkristiyanuhan ang iniisip na sa tuwing babanggitin ng Biblia ang matuwid, tinutukoy nito ang mga ipinanganak nang muli. Sa pananaw na ito, ang sinumang matuwid sa kaniyang posisyun sa harap ng Diyos- samakatuwid, inaring-matuwid- ay matuwid din sa kaniyang karanasan.
Ang ilang sa Sangkristiyanuhan ay nagsasabing kung ang isang matuwid na tao ay huminto sa pamumuhay nang matuwid, naiwawala niya ang buhay na walang hanggan at huminto rin sa pagiging matuwid sa harap ng Diyos.
Ang iba ay nagsasabing kapag ang isang tao ay huminot sa pagiging matuwid sa kaniyang karanasan, hindi niya matatamo ang tinatawag nilang pinal na kaligtasan, malibang siya ay magsisi at muling magtiis sa matuwid na pamumuhay.
Ngunit ang mga ipinanganak nang muli, ayon sa Kasulatan, ay ang mga nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, namumuhay man sila nang matuwid o hindi (Juan 3:16; Ef 2:8-9).
Totoong tinatawag ng Biblia ang mga taong namumuhay nang matuwid na matuwid. Ngunit hindi totoong tinuturo ng Biblia na lahat ng mananampalataya ay matuwid sa kanilang karanasan. Ang ilang mga ipinanganak nang muli ay matuwid sa kanilang karanasan, ang iba naman ay hindi.
May motif sa Kasulatang tinatawag na motif ng pagpapala at sumpa. Ito ang ideyang pinagpapala ng Kasulatan ang pagiging masunurin at sinusumpa ang pagiging suwail. Ang isyu sa motif na ito ay hindi kung sino ang may buhay na walang hanggan, at sino ang wala. Ang isyu ay pagpapala o sumpa sa buhay na ito.
Kaya, kapag nabasa ninyong tinukoy ng ang Kasulatan ang matuwid, ang banal, ang maka-Diyos, at ang marunong, huwag ninyo isiping ipinanganak na muli. At kapag nakita ninyo ang mga reperensiya sa hindi matuwid, sa hindi makatarungan, sa hindi maka-Diyos, at sa mangmang, huwag ninyong isiping hindi pa naipanganak na muli. Maaaring maranasan ng mga mananampalataya ang mga sumpa ng Diyos, at ang mga hindi mananampalataya ay maaaring makaranas ng mga pagpapala ng Diyos.
Sa Ingles na Biblia, ang ekspresyong the righteous (ang matuwid) ay ginamit lamang ng siyam na beses sa BT bilang pantukoy sa mga tao. Lahat ng siyam ay patungkol sa mga matuwid sa kanilang karanasan (Mat 9:13; 13:43; 23:29; 25:37, 46; Marcos 2:17; Lukas 5:32i). Hindi tinawag ng Panginoon ang mga matuwid sa pagsisisi. Dumating Siya upang tawagin ang mga makasalanan sa pagsisisi.ii
Subalit, ang salitang Griyegong dikaios ay masusumpungan ng walumpo’t isang beses sa BT, bagamat bihirang pantukoy sa tao. Sa karamihan ng mga ito, sinalin itong just, sa halip na righteous. Tingnan ang mga sumusunod na halimbawa:
Mateo 1:19 Si Jose ay matuwid sa kaniyang karanasan.
Mateo 10:41 (3 beses): Ang pagtanggap sa matuwid na tao ay magreresulta sa pagtanggap ng gantimpala ng matuwid na tao.
Lukas 1:6: Si Elizabeth at Zacaria, ang mga magiging magulang ni Juan Bautista, ay parehong matuwid sa sa harap ng Diyos, na sumusunod sa mga kautusan.
Lukas 23:50: Si Jose ay mabuti at matuwid na lalaki.
Gawa 10:22: Si Cornelio ay tinawag na matuwid na lalaki bago siya ipanganak na muli (tingnan ang Gawa 11:14). Bagamat mga hindi mananampalataya ang nagsabi nito, si Lukas, sa kinasihang Kasulatan ay tinawag siyang “taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios” (Gawa 10:2).
Hebreo 11:4: Si Abel ay matuwid sa kaniyang karanasan.
Santiago 5:16: Ang epektibong panalangin ng matuwid na tao ay maraming nagagawa.
Pahayag 22:11: Ang banal ay magpakabanal pa.
Wala sa mga halimbawang ito ang nagmumungkahing lahat ng mananampalataya ay namumuhay nang matuwid o nagpapatuloy sa matuwid na pamumuhay. Sila ay tinutukoy lamang bilang mga namumuhay nang matuwid.
May nasumpungan lamang akong tatlong halimbawa kung saan ang dikaios ay maaaring tumutukoy sa mga matuwid sa kanilang posisyun (ngunit hindi ibig sabihin ganuon din sa karanasan): Mat 13:49; Lukas 14:14; Gawa 24:15.
Ang gamit ay mas hayag sa LT.
May labing apat na reperensiya sa the just sa LT. Lahat ay tumutukoy sa karanasan (Job 12:4; 27:27; Awit 7:9; 37:12; Kaw 3:33; 4:18; 17:15; 21:15; Is 26:7; 29:21; Panaghoy 4:13; Amos 5:12), maliban sa Hab 2:4, “ang matuwid ay mamumuhay sa pananampalataya.” Ngunit kahit ito ay maaaring tumukoy sa karanasan kung ang sinasabi niya ay ang mga matuwid sa kanilang karanasan ay namumuhay sa pananampalataya.
Mayroong 134 na gamit ng the righteous sa LT. Ito ay isang napakagandang pag-aaral ng mga salita para sa inyo. Lahat ay tumutukoy sa karanasan. Tingnan halimbawa sa Gen 18:23, 25; Awit 1:5, 6; 34:15; 37:21; Kaw 11:23, 30, 31; Mal 3:18.
Ang nakalulungkot, karamihan sa mga komentarista ay nauunawaan ang the righteous at the just sa parehong LT at BT bilang pantukoy sa mga naipanganak nang muli. Sa kanilang isipan, ang mga ipinanganak nang muli ay namumuhay nang matuwid sa kanilang karanasan.
Komento ni Ross sa Awit 1:5:
Base sa pagkukumpara ng maka-Diyos at ng masama, sinulat ng salmistang ihihiwalay ng Diyos ang mga matuwid mula sa mga masama sa paghuhukom. Ang matuwid ay ang mga may kaugnayan sa pamamagitan ng tipan sa Panginoon, na namumuhay ayon sa Kaniyang Salita, na lumilikha ng mga bagay na may eternal na halaga. Hahatiin ng Diyos ang mga matuwid at ang mga masama kung paanong hinihiwalay ng isang lalaki ang sebada sa damo (“Psalms” sa BKC, p. 791).
Kung ito ang punto, sinasalungat ng Awit 1 ang Juan 3:16.
Ang buhay na walang hanggan ay isang regalo. Hindi kailangang mamuhay ang isang tao nang matuwid upang matamo o mapanatili ang kaniyang kaligtasan.
Kailangan nating maging matuwid sa ating karanasan upang matanggap ang Kaniyang pagpapala sa buhay na ito at sa Bema.
Ang isyu sa Kasulatan patungkol sa the righteous at the just ay hindi kung sino ang naipanganak nang muli. Ang isyu ay matuwid na pamumuhay, sa maka-Diyos na pamamaraan.
i Para sa pagtalakay ng 1 Pedro 4:18, silipin si Zane Hodges, 1-2 Peter & Jude, p. 59. Ang pagliligtas ng kaluluwa sa 1 Pedro ay hindi tungkol sa kapanganakang muli. Ito ay tungkol sa kapunuan ng buhay ngayon at sa buhay na darating.
ii Ang nakagigitla ay karamihan sa mga komentarista ay binaligtad ang kasabihang ito. Iniisip nilang ang pakahulugan ng Panginon ay lahat tayo ay hindi matuwid, ngunit hindi Siya dumating upang tawagin sa pagsisisi ang mga nag-aakalang sila ay matuwid. Subalit, malinaw ang Kasulatang may ilang matuwid at hindi kailangang magsisi, ngunit kailangan lamang magkumpisal ng kanilang mga kasalanan at lumakad sa liwanag (1 Juan 1:7, 9).


