Tanong: Ang Mateo7:15-20 ba ay nagtuturo na ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakaroon ng mabuting bunga sa kanilang mga buhay? Ang pagkakaroon ba ng mabuting gawa sa buhay ng isang tao patunay na siya ay ligtas?
Bob Wilkin (BW): Ang kasabihang “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila” ay dalawang beses na natagpuan sa Mateo 7:15-20,sa pasimula ng talata sa v 16 at muli sa katapusan sa v 20. Ang v 15 at unang bahagi ng v 16 ay mababasa, “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila.”
Zane Hodges (ZH): Sa pag-unawa ng sitas na ito, mahalagang bigyang pansin ang dalawang sitas (vv 13-14) bago ito. Ang sabi ni Jesus, “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.”
Ang mga sitas na ito ay ang pagtatapos ng Sermon sa Kabundukan. Bago ang mga ito ay ang pagbubuod ng Panginoon sa semon: “Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong gawin sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka’t ito ang sa kautusan at ang mga propeta.” Sa pagbubuod, Siya ay nagsasabi, “Maging maingat na magsimula sa tamang lugar. Mag-ingat na ikaw ay tumungo sa pintuan na patungo sa buhay at hindi sa pintuan na patungo sa kapahamakan.” Gusto Niyang masiguro na ang pangkalahatang tagapakinig at mga disipulo na ang kanilang panimula ay ang tamang simula.
Ito ngayon ay patungo sa Mateo 7:15-20 na tumutukoy sa katanungan patungkol sa mga bulaang propeta. Isa sa mga problema sa paghahanap ng tamang pintuan ay may mga taong nangunguna sa kanila sa maling pinto. May mga taong nagsasabi na may kakayahan silang magpropesiya o nagsasabing sila ay sinugo ng Diyos ngunit nanliligaw sa mga tao. Upang makaiwas ang kaniyang mga tagasunod sa mga bulaang propeta, pinapaliwang ni Kristo kung paano sila makikilala: Sila ay makikilala sa kanilang mga bunga.
Kaya una sa lahat, pansinin natin na hindi Niya tinutukoy ang mga nagpapakilalang Kistiyano. Hindi Siya nagtuturo tungkol sa isyu kung tayo ay ligtas o hindi. Nagtuturo Siya kung paano makilala ang isang bulaang propeta. Lagi kong nababanggit na kung maaari akong sumugal sa lupa at mangolekta sa langit, nag pasaheng ito ay hindi tumutukoy sa gawa at ang mga bunga ay hindi mga gawa ng mga bulaang propeta. Ito ay malinaw sapagkat ang mga bulaang propeta ay mukhang tupa (Mag-ingat kayo sa mga bulaang popeta na nagsisilapit sa inyo sa mga damit ng tupa”) ngunti panloob ay “mga lobong maninila.” Hindi mo makikita ang mga bulaang propeta sa kanilang gawi.
Ano ang tunay na pagsubok sa isang bulaang propeta? Ito ay ang mensahe na kaniyang dinadala. Ang bulaang propeta ay nahahayag, hindi sa kaniyang mga gawa kundi sa kaniyang mga salita. Ito ang tamang pakahulugan ng babala ng Panginoon at sinasang-ayunan ito ng Mateo 12:33-37. Sa pasahe na iyan, muling gumamit si Jesus ng larawan ng isang puno na nakikilala sa kaniyang bunga at sinabi na sa Araw ng Paghuhukom ang mga tao ay huhukuman ayon sa kanilang mga salita. Sinasabi Niya na ang bunga ay resulta ng panloob na buhay. ang mga bunga ay ang mga salita na sinasabi. Ito ay lumalapat lalo na sa mga bulaang propeta.
Ang tanging paraan upang makilala natin kung ang mga propeta ay mabuti o hindi ay ang mensaheng kanilang dinadala. Kung sila ay nagdadala ng mensahe na laban sa tinuturo ni Jesus, sila ay mga bulaang propeta.
BW: May isa pang pahulaan sa talata na ito. Si Jesus ay nagtanong: “Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan? Gayon din naman ang bawa’t mabuting punongkahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa’t ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama.” Maraming tao ang nag-aakala na ang mga mabubuting punong kahoy ay mga mananampalataya, samakatuwid tanging mga mananampalataya lamang ang magbubunga ng mabubuting bunga. Logically ito ay nagtuturo ng sinless perfection, sapagkat kung ang isang tao ay mananampalataya, siya ay mabubuting puno, at ang mabuting puno ay makapapamunga lamang ng mabuting bunga. Kung siya ay magbunga ng masamang bunga, saan nanggaling ang bungang ito?
Sa ganuon din naman, marami ang nag-iisip an ang masasamang mga puno ay mga hindi mananampalataya. Samakatuwid tanging mga hindi mananampalataya ang magbubunga ng masasamang bunga. Ngunit ito ay nangahulugan na ang imahen ng Diyos ay hindi lamang nasira sa mga hindi mananampalataya, kundi tuluyang nawala sapagkat (ayon sa pananaw na ito) ang mga hindi mananampalataya ay hindi makagagawa ng kahit anong kabutihan.
ZH: Ang iyong sinabi ay nagpapakita ng kumunoy na dulot ng maling pagkaunawang ito. Kung lagi nating isasaisip na si Kristo ay nagbabanggit ng mga bulaang propeta at hindi mga tunay na propeta, maiiwasan natin ang mga problema na iyong nabanggit.
Ang tao na nagsasabi na siya ay propeta ay masamang puno o mabuting puno. Siya ay bulaang propeta o tunay na propeta.
Kung siya ay masamang puno, siya ay bulaang propeta, at dahil dito hindi makadadala ng mabuting mensahe. Hindi siya makadadala nito sapagkat ang masamang puno ay walang maibubunga kundi masamang bunga.
Kung siya ay tunay na propeta ng Diyos, ang kaniyang dadalhin ay ang tunay na mensahe. Ito ang isa sa mga pagsubok ng propesiya sa kasaysayan ng propesiya ng Biblia. Ang mga mabubuting propeta at mga bulaang propeta ay nasusubok ng mensahe na kanilang dinadala. Ang mabuting propeta ay hindi nagdadal ng maling mensahe at ang masamang propeta ay hindi nagdalala ng mabuting mensahe.
BW: Ngunit ang pasahe na ito ay hindi nagsasabi na ang isang mabuting Kristiyano ay laging tama ang turo ng Biblia at hindi nagkakamali. Ito ay espisikong tumutukoy sa kaloob ng propesiya hindi ba?
ZH: Iyan ay isang napakahusay na punto. May mga nagtuturo ngayon na ang mga propeta ay ay mga guro ngunit iyan ay walang awtoisasyon ng Kasulatan. Kapag tayo ay nakasusumpong ng tunay na propesiya sa Kasulatan, ito ay lagi mula sa mga taong direktang nakatanggap ng kapahayagan mula sa Diyos. Ang sinumang nagpapakilala na propeta ay nagpapakilalang tumatanggap ng direktang kapahayagan mula sa DIyos.
Hindi ito tumutukoy sa mga gurong Kristiyano sapagkat ang kanilang turo ay maaaring masira ng maling pagpaliwang ng Kasulatan. Ito ay tumutukoy sa mga propeta ng una na nagdadala ng mensahe na hinayag ng Diyos at kung ganuon ay laging tama, o sila ay nagdadala ng mensahe na hindi pinadala ng Diyos at kung ganuon ay mali.
BW: Kahuli-hulihan, sa v 19 sinabi ni Jesus, “Bawat puno na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.” Maraming tao ang iniisip na ito ay patungkol sa impiyerno. Totoo ba?
ZH: Ang ibig sabihin nito ay huhukuman ng Diyos ang mga bulaang propeta. Mayroon tayong kaisipan na ang apoy ay laging impiyerno. Ngunit kadalasan ito ay tumutukoy sa anumang uri ng paghuhukom. Sa kabuuan, maaari nating sabihin na ang paghuhukom ng Diyos ay naghihintay sa mga taong ito. Siyempre kung ang isang tao na hindi ligtas ay nagpakilala na propeta ng Diyos, siya ay itatapon sa impiyerno. Ang sumusunod na sitas, Mateo 7:22-23 ay patungkol diyan.