Lahat ng tao na maingat na nagbabasa ng Biblia ay kinikilala na ang Diyos ay nangako na sa katapusan ng panahon, hahatulan Niya ang lahat ayon sa kanilang mga gawa. Ang paghahatol sa mga huling araw ay hindi naaayon sa pananampalataya. Ito ay naaayon sa mga gawa.
Mga Halimbawa ng Mga Sitas na Nagtuturo ng Kahatulan Ayon sa Mga Gawa
Mang 12:13-14 “Ikaw ay matakot sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama.
Mateo 16:27. “Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa.”
Lucas 19:15. “At nangyari, nang siya’y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.”
1 Cor 3:8. “Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni’t ang bawa’t isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.”
2 Cor 5:10. Sapagka’t tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Kristo; upang tumanggap ang bawa’t isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masam.”
Gal 6:7. Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.”
Santigao 3:1. “Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang nalalamang tayo’y tatanggap ng lalong mabigat na paghatol.”
I Pedro 1:17. “At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol ayon sa gawa ng bawa’t isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangibang bayan:”
Pahayag 20:13. “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kaniyakaniyang mga gawa.”
Pahayag 22:12. “Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa.”
Maraming mga pastor at mga teologo ang nagtuturo lamang ng isang paghuhukom sa huling araw na tinatawag nilang ang huling paghatol. Sa kanilang pananaw ang Hukuman ni Kristo (2 Cor 5:9-10) at ang Malaking Luklukang Maputi (Pah 20:11-15) ay dalawang magkaibang pangalan sa parehong paghatol. Sa pananaw na ito lahat ng tao ay malalaman ang kaniyang eternal na kalagayan kapag ang buhay na ito ay natapos na at ang huling paghatol ay naganap na.
Isa ako sa apat na may-akda ng isang aklat na inilathala ng Zondervan na pinamagatang Four Views on the Role of Works at the Final Judgment. Sa kaniyang tugon sa aking pagtatanggol sa pananaw na aking ihahayag sa artikulong ito, sinulat ni Dr. Tom Schreiner, “Nang aking unang nakatagpo ang mga solusyon na kagaya ng pinapahayag ni Wilkin patungkol sa paghukom, nasumpungan kong imposible na maalala sa mga sitas tungkol sa paghatol kung ang paghatol ng mga mananampalataya o hindi ang pinapakita.” (p.52).
Subalit, ang Biblia ay malinaw na pinag-iiba ang dalawang paghatol at ito ang ating susuriin ngayon.
Ang Hiwalay na Paghatol ng mga Mananampalataya at Hindi Mananampalataya
Ang paghatol sa mga huling araw para sa mga manamapalataya ay tinatawag na Hukuman ni Kristo. Ito ay magaganap bago ang Milenyo. (Ako ay kumbinsido na ito ay maggaanap sa lupa pagkatapos ng Tribulation. Ngunit karamihan sa mga dispensationalists ay naniniwala na ito ay magaganap sa ikatlong langit kasabay ng Tribulation).
Ang paghatol sa mga huling araw para sa mga hindi mananampalataya ay tinatawag na Paghatol ng Malaking Luklukang Maputi. Ito ay magaganap pagkatapos ng Milenyo (ang Pah 20:11-15 ay sumusunod sa Milenyo ng Pah 20:1-10).
Para sa mga naniniwala sa isang libong taong paghahari ni Kristo, ang paghatol sa mga mananampalataya ay dapat maganap bago magsimula ang Milenyo sapagkat ang mga tapat na mananampalataya ang pipiliing maghari sa Milenyo (at kailan pa man sa bagong lupa na rin). Hindi sila makapaghaharing kasama ni Kristo sa Milenyo maliban na lamang kung sila ay nahatulan na bago pa ito magsimula.
Isa sa mga pasahe na tumatalakay sa parehong kahatulan ay ang Lukas 19:11-27, ang Talinghaga ng Mina. Sa talinghagang ito may kinuwento ang Panginoon na dalawang grupo ng mga tao. Ang isang grupo ay binubuo ng mga taong napopoot sa Panginoon ay ayaw nilang pagharian Niya. Ang isang grupo ay binubuo ng mga alipin, bawat isa ay binigyan ng isang mina (halos katumbas ng $ 10, 000 sa kasalukuyang halaga) at inutusan, “Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako’y dumating [bumalik sa lupa].”
Pagkabalik ng Panginoon, “ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman ang kanilang tinubo sa pangangalakal.” Ang resulta ay magkakaiba. May aliping tumubo ng sampung mina at pinuri nang husto at ginantimpalaan (Lukas 19:17). Ang ikalawang alipi’y tumubo ng limang mina, hindi siya tumanggap ng papuri at tumanggap ng kalahati ng tinanggap ng unang alipin. Ang ikatlong alipin ay walang tinubong mina at ginalitan ng Panginoon at walang natanggap na gantimpala.
Ang paghatol ng mga alipin ay lumalarawan sa Hukuman ni Kristo.
Ngunit alalahanin natin na mayroon pang isang grupo sa Talinghaga ng Mina. Pansinin ang v 27: “Datapuwa’t ang aking mga kaaway, na ayaw na ako’y maghari sa kanila, ay dalhin niniyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.” Ang paghatol sa mga kaaway ni Kristo ay malinaw na sumusunod sa paghatol ng mga mananampalataya. Ang totoo, ni wala nga ang mga kaaway sa paghatol sa mga mananampalataya.
Ngunit paano nagkaroon ng 1, 000 taon sa pagitan ng Lukas 19:26 at Lukas 19:27?
Ito ay isang madalas na mangyari sa mga katotohanang hula. Pareho ito sa naganap sa Zacarias 9:9-10. Ang v 9 ay patungkol sa tagumpay na pagpasok ni Kristo nuong AD 33. Ang v 10 ay tumutukoy sa isanlibong taong paghahari ni Kristo. Samakatuwid mayroong 1, 987 na taong namamagitan sa Zac 9:9 at Zac 9:10.
Ang parehong puwang sa mga hula ay matatagpuan sa Gawa 2:17-21, kung saan may malaking puwang sa pagitan ng vv 18 at 19. Ang vv 17-18 ay natupad sa unang siglo. Ang v 19-21 ay matutupad sa katapusan ng Tribulation, at ito ay sa hinaharap pa.
Ang kahatulan ng mga kaaway ni Jesus sa Talinghaga ng Mina ay isang maikling paglalarawan ng Paghatol ng Malaking Luklukang Maputi. Mayroong malinaw na pagkakawing sa pagitan ng mga salitang “Patayin ninyo sila sa aking harapan” at ang mga salitang, “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan (Pah 20:14). Ang mga hindi mananampalataya sa Talinghaga ng Mina ay tinapon sa dagatdagatang apoy, samakatuwid sila ay nakaranas ng ikalawang kamatayan.
Bakit Hahatulan ng Diyos ang mga Mananampalataya at Hindi Mananampalataya Nang Ayon sa Kanilang mga Gawa?
Ang payak na kasagutan ay sapagkat ang Diyos ay matuwid, at kaniyang gagantihan ang lahat ayon sa mga gawa na kanilang ginawa sa buhay na ito. Sinagot ni Pablo ang tanong na ito nang kaniyang isulat: Gal 6:7. Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.”
Sa iba ito ay sumasalungat sa katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ang walang hanggang hantungan ng isang tao ay nakabatay sa kaniyang pananampalataya kay Kristo. Ang mga nanampalataya ay “hindi na papasok sa paghatol” patungkol sa buhay na walang hanggan (Juan 5:24). Ang mga hindi nanampalataya ay ibubulid sa dagatdagatan apoy sapagkat ang kanilang mga pangalan ay hindi nasumpungan sa aklat ng buhay (Pah 20:15).
Ngunit ang bawat isa ay mag-aani nang kanilang inihasik sa buhay na ito. Ang mga mananampalataya ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa upang matukoy ang antas ng kanilang walang hanggang gantimpala. Ang mga hindi mananampalataya ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa upang matukoy ang antas ng kanilang walang hanggang kaparusahan.
Ang ideya na ang lahat ng nasa kaharian o ang lahat ng nasa dagatdagatang apoy ay magkakaroon ng pare-parehong mga karanasan ay hind naayon sa Salita ng Diyos. Ang kahatulan ayon sa mga gawa ay isang garantiya na mayroong pagkakaiba sa kasaganaan ng buhay sa walang hanggang kaharian ni Kristo at malaking pagkakaiba sa paghihirap sa dagatdagatang apoy. Sa kaharian ang lahat ay makararanas ng walang hanggang kasiyahan. Sa dagatdagatang apoy lahat ay makararanas ng walang hanggang paghihirap. Ngunit mgay mga antas ang bawat isa, ayon sa gawa ng bawat isa.
Tanging ang Free Grace Lamang ang Nagpapanatili ng Kadalisayan ng Pangako ng Buhay
Kung hindi mo maihiwalay ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at ang paghatol ayon sa mga gawa, ikaw ay magtatapos sa pagpapahayag na gaya ng mga sumusunod:
Ang gantimpala ay ang kaligtasan, buhay na walang hanggan. Ang karera ay kumakatawan sa kaligtasan. Kapag iyong iniwan ang karera, hindi mo matatamo ang gantimpala. (Schreiner and Caneday, The Race Set Before Us, p. 40)
Hindi ginagarantiyahan ni Pablo na ang lahat ng mga mananampalataya ay magmamana ng kaharian maging ano man ang kanilang pamumuhay. Binalaan niya na ang mga nagpatalo sa laman ay hindi makapapasok sa kaharian (Schreiner and Caneday, The Race, p. 294).
Ang Filipos 2:12 samakatuwid [ay nangangahulugang] ang mga Kristiyano’y marapat, ‘na dalhin sa katapusan ang kanilang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’ Ang mga piling salita at parirala ni Pablo ay nagbibigay diin sa gawa ng Diyos nang hindi minamaliit ang pangangailangan ng pagsunod sa buhay ng mananampalatataya. .. Ang Diyos ay kumukilos sa pamamagitan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paghimok sa atin na magpatuloy sa utos na dalhin natin sa katapusan ang ating sariling kaligtasan.” Schreiner and Caneday, The Race, p. 185).
Ang Free Grace na pag-unawa sa paghatol ayon sa mga gawa ay hindi tungkol sa mga mananamplatayang “nagdadala sa katapusan ng kanilang sariling kaligtasan.” Hindi nito tinuturo na “ang gantimpala ay ang kaligtasan, buhay na walang hanggan.” Ang walang hanggang kalagayan ng mga mananampalataya ay hindi nalalagay sa alanganin hanggang sa araw ng kamatayan sapagkat ang pagpapatuloy sa mga mabubuting gawa ay hindi kailangan upang makamit o mapanatili ang buhay na walang hanggan.
Siya na nagtiwala kay Cristo para sa buhay na walang hanggan ay may “buhay na walang hanggan” ngayon (Juan 5:24). Hindi niya nakakamit ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng patuloy na pagtakbo sa buhay Kristiyano hanggang sa kahulihulihan. Taglay na niya ito ngayon.
Ang mananampalataya ay “hindi papasok sa paghatol” patungkol sa buhay na walang hanggan (Juan 5:24). Ginagarantiyahan ng Panginoong Jesus na hindi siya hahatulan sa Paghatol ng Malaking Luklukang Maputi.
Kapag ang tao ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, siya ay “lumipat na mula kamatayan patungong buhay.” Nababanggit natin ang mga mananampalatayang namayapa na at pumunta na sa kaluwalhatian. Ang totoo, lahat ng mananampalataya ay tumungo na sa kaluwalhatian bago pa siya mamatay. Sa sandaling siya ay manampalataya kay Kristo, siya ay lumipat na mula sa lugar ng kamatayan (kawalan ng buhay ni Kristo) patungong buhay (taglay ang buhay na walang hanggan).
Pagbubuod
Isang kaibigan ko, si Pastor Bob Bryant, ay laging ibinabahagi sa kaniyang pageebanghelyo ang isyu ng paghatol ayon sa mga gawa. Una niyang tinuturo na dahil sa kahaliling kamatayan ni Kristo sa krus, ang lahat ng sumampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan na hindi maiwawala. Pagkatapos itutuloy niya ang usapan tungkol sa isyu ng mga gawa. Sinasabi niya na bagama’t tayo’y hindi naligtas ayon sa mga gawa, tayong lahat ay hahatulan ayon sa ating mga gawa. Ang mga mananampalataya ay tatanggap ng kanilang mga gantimpala ayon sa halaga ng kanilang mga gawa. Ang mga hindi mananampalataya ay tatanggap ng antas ng kanilang kaparusahan ayon sa mga gawa.
Hindi natin dapat iwasan ang katotohanan na ang lahat ay hahatulan ayon sa mga gawa. Ang doktrinang ito ay hindi sumasalungat sa regalo ng buhay na walang hanggan sa mga mananampalataya. Sila ay parehong totoo. Ang isang bata sa isang malusog na tahanan ay sigurado sa kaniyang estado anuman ang kaniyang gawin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang pagsang-ayon at pagpapala ng kaniyang mga magulang, ano man ang uri ng kaniyang pamumuhay. Ang pagsang-ayon at pagpapala ng kaniyang mga magulang ay may kundisyon. Ganuon din ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Gaya ng sinulat ni Brad McCoy sa pinakaunang isyu ng ating journal nuong 1988, tayo ay “Secure, Yet Scrutinized (2 Timothy 2:11-13).