Sinumang nagbabasa ng Evangelio ay alam na napakahirap ng buhay ni Jesus. Ipinanganak Siya sa isang mahirap na pamilya. Ang mababang pinagmulang ito ay nagresulta upang siya ay maging isang karaniwang manggagawa sa isang insignipikanteng bayan.
Ngunit sa simula pa lamang ng Kaniyang ministri, lalong dumami ang Kaniyang paghihirap. Maraming mga iskolar ng Biblia ang sang-ayong ang unang gawa ng Kaniyang ministri- ang Kaniyang bautismo- ay pagbabadya sa Kaniyang bautismo ng paghihirap sa krus. Pagkatapos ng Kaniyang bautismo, agad umurong Siya sa ilang. Dito Siya ay nag-ayuno nang apatnapung araw. Hindi ko maisip kung ano ang pakiramdam ng mag-ayuno nang apatnapung araw lalo na sa ilang.
Sa ilang, dumating si Satanas upang tuksuhin ang Panginoon sa Kaniyang mahinang kalagayan, na nakaragdag sa Kaniyang mga paghihirap. Ang harapang ito ay pagbabadya ng oposisyun ni Satanas sa ministri ni Jesus.
Ang ilang ay larawan ng Kaniyang ministri sa lupa. Ito ay paalala sa Kaniya kung bakit Siya dumating at kung saan Siya hahantong. Ito ay lugar ng paghihirap at kamatayan. Ang Kaniyang oras sa lupa ay hindi oras ng maraming kaaliwan. Sa isang pangyayari, binalaan Niya ang isang nais na sumunod sa Kaniya na wala Siyang permanenteng tirahang matutulugan (Lukas 9:58). Ito ay akma sa isang Lalaking sinimulan ang Kaniyang ministri sa pag-aayuno.
Sa Marcos, madalas nating makita ang pangangailangan ni Jesus na umurong o umatras mula sa mga kaaliwan ng kabihasnan. Kaakibat ng mga pag-urong na ito ang ilang at ang dagat (1:12-13, 35, 45; 2:13). Umuurong Siya kapag nahaharap sa oposisyun o kapag nais ng mga taong gawin Niya ang isang bagay na hindi pakay ng Kaniyang pagdating. Pupunta Siya sa mga liblib na lugar na ito nang nag-iisa, na pahiwatig na ang Kaniyang buhay ay buhay ng paghihirap. Hindi siya dumating upang palakpakan ng mga tao.
Isang interesanteng bagay ang nangyari sa Marcos 3. Umurong muli si Jesus sa dagat. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi Siya nag-iisa. Sa unang pagkakataon sa Evangelio, idinagdag ni Marcos na Siya, “kasama ng Kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat” (3:7). Naganap ito matapos na magdesisyon ang mga nasa kapangyarihang iligpit Siya (3:6).
Sigurado akong hindi nauunawaan ng mga alagad ang lahat ng ibig sabihin nito. Hindi pa sila naniniwalang mamamatay si Jesus. Marahil nagtataka sila kung bakit hindi sila nanatili sa mga lunsod na pinanggalingan ng mga taong dumating upang mamasdan ang Kaniyang mga himala. Hindi nila maunawaan na ang pagsunod sa Kaniya ay may kaakibat na paghihirap.
Ngunit kahit sa kanilang kamangmangan, sila ay isang pinagpalang grupo. Sila ay nakikibahagi sa Kaniyang paghihirap. “Kasama” nila Siya nang Kaniyang ituro kung ano ang kahulugan ng pagiging alagad. Naunawaan na nilang mayroon silang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya para rito. Ngayon nagsisimula nilang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Kaniyang mga yapak. Sila man ay makararanas ng oposisyun mula sa sanlibutan.
Ganito rin sa mga mananampalataya ngayon. Nang tayo ay manampalataya, mayroon tayong buhay na walang hanggang hindi maiwawala. Ngunit inutos ng Hari na sumunod tayo sa Kaniya. Gaya nang Kaniyang naranasan, hindi ito madali. Ang mga mananampalatayang sumunod sa Kaniya ay gagantimpalaan sa mundong darating. Ngunit gagantimpalaan din sila sa mundong ito. Sila ay magkakaroon ng pribilehiyong maging kagaya Niya. Kung paanong tinakwil ng sanlibutan si Jesus, itatakwil din nito ang alagad ni Cristo.
Ano ang halaga ng maliit na pariralang dinagdag ni Marcos sa 3:7? Ang Panginoon ay lumigpit sa dagat. Ngunit ginawa Niya itong “kasama ng Kaniyang mga alagad.” Hindi ba napakagandang mapabilang sa grupong ito?