Isa sa aking mga propesor sa seminaryo at ang lalaking nag-ordina sa akin, si Dr. Charles Ryrie, ay sikat sa kaniyang sinabing kung ang buhay na walang hanggan ay maiwawala, ito ay may maling pangalan. Maraming paraan ang mga hindi naniniwala sa eternal na seguridad upang iwasan ang pagtutol ni Dr. Ryrie.
Narito ang dalawang pinakamadalas na paraan: 1) Ang buhay na walang hanggan ay walang hanggan ngunit maaaring maiwala hanggan sa tayo ay mamatay. Sa pananaw na ito, ang buhay na walang hanggan ay isang kalakal, gaya ng kotse. Ang katotohanang taglay mo ito ay hindi nangangahulugang maiingatan mo ito. Kahit ang walang hanggang kalakal ay maaaring maiwala at maibigay sa ibang tao. 2) ang buhay na walang hanggan ay hindi magsisimula hanggang tayo ay mamatay. Sa sandali ng pananampalataya, mayroon tayong inisyal na kaligtasan. Kung tayo ay magtiis sa pananampalataya at mabubuting gawa, magkakaroon din tayo ng pinal na kaligtasang tinatawag ding buhay na walang hanggan.i
Kung ganuon, paano natin nalalaman kung ang buhay na walang hanggan ay walang hanggan, na ito ay hindi maiwawala, at ito ay nagsisimula sa sandaling nanampalataya tayo kay Jesus?
Sa unang banda, ang ekspresyong buhay na walang hanggan (zoen aionion) ay nangangahulugang “buhay na walang katapusan.” Ang pangunahing diksiyunaryong Griyego ng BT ay nagsasabing ang salitang sinaling walang hanggan (aionion) ay nangangahulugan ng isa sa tatlong bagay: (1) “noong una pa, bago magsimula ang oras,” (2) “patungkol sa oras na walang simula o katapusan, eternal,” at (3) “patungkol sa isang periodong walang katapusan, walang hangganan.” Sa konteksto ng pananampalataya kay Cristo, ito ay nangangahulugan ng ikatlong kategorya- buhay na walang katapusan. Kaya mas maiging banggitin ang buhay na walang hanggan kaysa buhay na eternal. Hindi gaya ng Diyos, ang ating buhay ay hindi nagsisimula sa eternidad sa nakalipas. Nagsimula ito sa sandaling tayo ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan.
Sa ikalawang banda, ang mga kontekstong kinasusumpungan ng salitang ito ay tumutukoy sa buhay na hindi maiwawala. Bigyang pansin ang tatlong halimbawang sitas mula sa Evangelio ni Juan:
Juan 4:14. Sinabi ng Panginoon, “Datapuwa’t ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.” Nauunawaan ng babae sa balon na ang tinutukoy Niya ay isang bagay na permanente: “ Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako’y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa” (Juan 4:15).
Juan 5:24. Sinabi ni Jesus, “ Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.” Walang paghatol sa hinaharap sa hinaharap na magdedetermina ng walang hanggang kapalaran ng mga mananampalataya. Sa sandaling tayo ay manampalataya, hindi tayo kailan man hahatulan patungkol sa buhay na walang hanggan, at tayo ay nakalipat na mula sa kamatayan patungo sa kabuhayan.
Juan 11:26. Sinabi ni Jesus, “ At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.” Ito ang pinangako Niya, ang Buhay, sa mananampalataya. Kailan man ang mananampalataya ay hindi mamamatay esprituwal.
Dose-dosenang sitas sa Evangelio ni Juan ang tumutukoy sa buhay na walang hanggan bilang kasalukuyang pag-aari, hindi isang bagay na makukuha sa hinaharap kung ang isang tao ay makatiis.ii
Ang sinumang naniwala sa pangako ay batid, na sa sandaling iyan, na siya ay may buhay na walang hanggang hindi maiwawala. Hangga’t patuloy siyang naniniwala, nananatili sa kaniya ang katiyakan. At bagama’t ang katiyakan ay maaaring maiwala kapag inalis natin ang ating mata sa pangako, ang buhay na walang hanggan ay hindi.
Tutol ang mga tao sa hindi nababawing buhay na walang hanggan dahil sa tradisyon at rason ng mga tao. Walang saysay para sa marami na sa pamamagitan lamang ng isang sandali ng pananampalataya kay Cristo ay may kasiguruhan na sila. At tinatakwil ng tradisyon ng kanilang simbahan ang hindi nawawalang buhay na walang hanggan.
Ang nakalulungkot, sa halip na isalig ang kanilang pagkaunawa ng buhay na walang hanggan sa Juan 3:16, maraming tao ang sumasalig sa San 2:14-26. Sa halip na tumingin sa Juan 5:24, tumitingin sila sa maling pagkaunawa ng Heb 6:4-8. At matapos niyan mali na ang kanilang pagkaunawa ng Juan 3:16 at Juan 5:24 sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanilang maling teolohiya sa mga sitas na ito. Ang pananampalataya kay Cristo ay ginawang pagtalikod sa mga kasalanan, pagtatalaga at pagsunod kay Cristo.
Ang Diyos ay tagagantimpala ng mga masigasig na naghahanap sa Kaniya (Heb 11:6), ng mga handang manampalataya kay Jesus (Juan 5:39-40), at ng mga bukas sa regalo ng buhay (Gawa 13:48). Kung ang buhay na walang hanggan para sa mga nanampalataya kay Jesus ay mahirap paniwalaan, bakit hindi mo ipagdasal ito at basahin ang Evangelio ni Juan? Ipakikita sa iyo ng Diyos ang katotohanan kung hahanapin mo ito nang may panalangin (Mat 7:7-11).
Manatiling nakapokus sa biyaya.
________________
i Sa isang pag-aaral nan aka-video sa Santiago nina Drs. Blomberg at Kamell Kovalishyn, sinabi ni Dr. Blomberg patungkol sa San 1:21: “Kailangang gawin natin ito [tanggapin ang Salita] sa kapakumbabaan. Ang v21 ay tumutukoy sa paraan ng pagtanggap ng salitang ito na makapagliligtas sa atin, na konsistent kay Santiago, ay sa pinal na kaligtasan: buhay na walang hanggan kasama si Jesus pagkatapos ng buhay na ito.”
ii May ilang reperensiya sa buhay na walang hanggan bilang isang posibleng gantimpala. Tingnan ang Mat 19:29; Juan 4:36; Gal 6:8; 1 Tim 6:12, 19. May posibilidad ng kapunuan ng buhay na walang hanggan na matatamo sa Hukuman ni Cristo. Ang mga tekstong ito ay hindi nagpapabulaan sa mga pangako ng pangkasalukuyang pag-aari ng buhay na walang hanggan na hindi maiwawala.