Nakita ni John ang isang blog na aking sinulat tungkol sa mga mananampalatayang nahulog mula sa biyaya. Tinanong niya ang tanong na ito:
“Nakita ko sa isa iyong mga artikulo (tingnan dito) kung saan tinatalakay mo ang mga kulto ng kaligtasan sa mga gawa. Ituturing mo ba ang Iglesia Katolika bilang isang kulto ng kaligtasan sa gawa?”
Halos lahat ng mga kulto ay tinatakwil ang pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang- kahit pang nagpapahiwatig sila ng pormal na pagsang-ayon dito. Ang tanong kung ganuon ay ano ang isang kulto?
Ilang sandali lamang at ililista ko ang lima hanggang sampung katangian ng isang kulto.
Iisa-isahin ko ang aking listahan at ikumpara mo sa iyong sariling lista.
Ang mga kulto ay mga grupong nanghahawak sa mga sumusunod na katangian:
- Tinatakwil nila ang isa o ilan sa mga pundamental ng pananampalataya (lalong lalo na ang pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang).
- Isang tao o grupo ang nangunguna na may taglay na ganap na kontrol.
- Sila ay may ibang Kasulatan bilang karagdagan sa Biblia.
- Madalas nilang itaguyod ang mga espesyal na kapahayagang tinanggap ng kanilang pinuno.
- May mga espesyal na doktrina at gawing hindi masusumpungan sa Kasulatan na tinataguyod.
- Karamihan sa mga kulto ay nagsasabing tanging sila lamang ang tunay na iglesia.
- Ang mga miyembro’y takot na masipa mula sa grupo.
Kumusta ang listang ito kumpara sa lista mo?
Ako ay nasa isang kulto mula edad sais hanggang bente. Taglay nito ang lahat ng mga katangian sa itaas maliban sa wala itong ibang Kasulatan kundi ang Biblia. Ito ay nagtataguyod ng matinding kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Maaari ka lamang maligtas sa pagitan ng edad lima at bente sa isa o dalawang espesyal na araw na tinalaga ng Diyos para sa iyo. Kapag nalampasan mo ang bintana ng oportunidad, hindi ka na maliligtas. Kung ikaw ay nagkasala kahit minsan matapos maligtas, mawawala ang iyong kaligtasan at hindi mo na mababawi.
Ang Iglesia Romana Katolika ay taglay ang ilan sa mga katangian sa itaas (1, 3, 5). Subalit hindi ito tinuturing na kulto dahil wala ito ng ilan sa mga pangunahing katangian. Halimbawa, ang Papa, ay wala, kung mayroon man, na kontrol. At hindi na sinasabi ng Iglesia Katolika na ito lang ang tunay na iglesia.
Ang Iglesia Romana Katolika ay hindi lamang ang nangungunang grupong nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawa. Ganuon din ang Iglesia Ortodoks. Ganuon din ang karamihan sa mga denominasyong Protestante. Maliban sa ilang mga kulto, karamihan sa mga Ebangheliko ay nakikita ang nagpapahayag na mga Cristiano bilang ligtas hangga’t sila ay nagpapatuloy sa pananampalataya at sa mabubuting gawa.
Kung ang isang tao ay kailangang manampalataya pareho sa Kaloob ng Diyos, ang buhay na walang hanggan, at sa Tagakaloob, ang Panginoong Jesucristo (Juan 4:10ss), nangangahulugan itong ang sinumang hindi sumampalataya sa kapermanentehan ng kaligtasang binibigay ni Jesus ay hindi pa ligtas, mapa-Katoliko man sila, Protestante, Ortodoks, o miyembro ng isang kulto. Nangangahulugan itong karamihan sa mga kilalang Cristiano ay hindi pa bahagi ng walang hanggang pamilya ng Diyos. Kung ang mabubuting gawa ay hindi makapapasok sa iyo sa kaharian ng Diyos, esensiyal na manampalataya ang mga tao kay Jesus para sa kaligtasang Kaniyang ginagarantiyahan.
Ikaw ba ay nag-aalala para sa walang hanggang kapalaran ng iyong mga kaibigan at mahal sa buhay na nananampalataya sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalatayang may kasamang mga gawa?