Gayon din naman ang bawa’t mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa’t ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. Mateo 7:17-18
Malinaw na hindi sinasabi ng Panginoong ang mga mananampalataya ay nagbubunga lamang ng mabuting bunga at ang mga hindi mananampalataya ay nagbubunga lamang ng masamang bunga. Alam nating ang mga mananampalataya kay Cristo ay nagkakasala at minsan ang mga hindi mananampalataya ay gumagawa ng mabubuting bagay.
Ano pala ang ibig sabihin ng Panginoon?
Ang malungkot, maraming komentaryong nagsasabing ang mga taong sinusuri ay mga huwad na nagpapahayag ng pananampalataya at ang kanilang mga bunga ay ang kanilang masasamang gawa. Tingnan halimbawa ang artikulong ito mula sa Gotquestions.org. Ang konklusyon ng artikulo ay, “Makikilala natin ang mga pusong tinubos sa pamamagitan ng mga bungang nakikita natin sa kanilang mga buhay.”
Ganuon din, sinulat ng Bibleref.com (tingnan dito) patungkol sa Mat 7:17,
Nilinaw ni Cristo ang puntong ito dito. Ang malulusog na puno ay nagmumunga ng malulusog na mga bunga, ang mga sakiting puno ay nagbubunga ng masamang bunga. Ang batas na ito ng kalikasan ay totoo sa mga tao, ganuon din sa mga puno. Ang “malusog” na mga propeta at mga guro ay pinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga buhay at katangian na sila ay tunay na mensahero ng Diyos (may dagdag diin).
Ang malayang saling Biblia na The Message ay direktang sinalungat ang puntong ginagawa ng Panginoon (tingnan dito):
15-20 “Mag-ingat sa mga huwad na gurong palangiti, na tumutulo ang prinaktis na sinseridad. Malamang sila ay handang lokohin ka sa isa o ibang paraan. Huwag kang maimpres ng kanilang karisma; tingnan ninyo ang karakter. Kung sino ang mga mangangaral ang pangunahing bagay, hindi ang kanilang sinasabi. Ang tunay na lider ay hindi sasamantalahin ang iyong mga emosyon o ang iyong pitaka. Ang mga maysakit na punong ito’t ang kanilang mga sirang mansanas ay puputulin at susunugin (may dagdag diin).
Ang konteksto ay patungkol sa mga huwad na propeta (v15). Ang masamang bunga ay ang mga huwad na aral, hindi ang masamang gawi. Lalo pa’t ang mga huwad na propeta ay mukhang tupa.
Pansinin ang nakatutulong na komento mula sa PreceptAustin.org patungkol sa Mat 7:17-20 (tingnan dito sa ilalim ng masamang bunga):
… alam ng mga huwad na propeta at huwad na mga guro ang nais marinig ng mga tao kaya sila ay nagpapahayag ng isang mensaheng umaapela sa mga sensuwal na pagnanasa (tingnan ang mga tala simula sa 2 Pedro, lalo na ang tala sa 2 Ped 2:2). Ang mga espirituwal na manlolokong ito ay walang suot na “label na babala”, ngunit mga lingkod ni Satanas na “nagkukunwaring mga lingkod ng katuwiran” (2 Cor 11:15). Sila ay mga masining na espirituwal na hunyangong gumagawa ng matatayog na pag-aangkin, ngunit sa huli, ang kanilang mga tagasunod ang nagbabayad ng mataas na halaga, na maaari pang eternal na kapahamakan kung hindi nila narinig ang katotohanan, pinagkalooban ng pagsisisi, nakarating sa kanilang huwisyo, at nakalaya sa mga bitag ng mga lingkod ng diablo, na nabibihag nila upang gawin ang kanilang kalooban (2 Tim 2:24, 25, 26- mga tala). Kahit ang mga mananampalataya ay maaaring linlangin ng mga huwad na propeta at mga huwad na guro. Ito ang dahilan kung bakit ang Salita ng Diyos ay paulit-ulit tayong inaaralang pag-aralan ang Kasulatan (1 Ped 2:2- mga tala), subukin ang ating narinig (1 Jn 4:1+, Gawa 17:11- mga tala), at lumago sa pananampalataya (2 Ped 1:5, 6, 7, 8, 9- tingnan ang mga tala 2 Ped 1:5, 6,-7, 8-9) (may dagdag diin).
Hindi sinasabi ng Panginoong ang mga huwad na guro ay hndi kailan man magsasabi ng bagay na totoo. Sinasabi niyang nagtuturo sila ng mali sa isa o higit pang pundamental na mga doktrina. Samakatuwid, ang isang huwad na guro ay hayag sa kaniyang pagtakwil sa katotohanang gaya ng pagka-Diyos ni Cristo, pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nagkakamaling Kasulatan, eternal na seguridad, Trinidad, atbp. “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila” (Mat 7:16a).
Hindi rin sinasabi ni Jesus na ang mga mabubuting guro ay hindi kailan man magsasalita ng mali. Ngunit, ang mga mabubuting guro ay hindi magtuturo ng mali sa anumang pundamental na doktrina. Makikilala mo ang mga totoong guro sa pamamagitan ng kanilang tinuturo.i
Ang guro ng Biblia ay pinapakita kung siya ay totoo o huwad na guro sa pamamagitan ng kaniyang sinasabi, hindi sa kaniyang ginagawa.
Ang ideyang Lordship na ang mga taong pinag-uusapan sa mga sitas na ito ay madedetermina sa pamamagitan ng kanilang mga bunga ay hindi buong mali. Ang interpretasyong Lordship ay may mali lamang sa dalawang punto. Una, ang mga taong pinag-uusapan ay mga huwad na propeta, hindi mga hindi mananampalataya. Ikalawa, ang kanilang mga bunga ay ang kanilang mga aral, hindi ang kanilang mga gawa. Ngunit totoong sinasabi ng Panginoong mayroon tayong kailangang suriin sa mga nagtuturo ng Salita ng Diyos. Kailangan nating suriin kung ano ang kanilang tinuturo.
Ang mga totoong guro ay nagtuturo ng katotohanan sa mga pundamental na doktrina. Ang mga huwad na guro ay nagtuturo ng mali sa isa o higit pang pundamental na mga doktrina.
Manatiling nakapokus sa biyaya at masasabi mo kung ang isang guro ng Biblia ay tama o mali.
i May ambiguidad sa turo ng Panginoon dito. Ang Kaniyang punto ay makikilala mo ang mga guro ng Biblia sa pamamagitan ng kanilang mga aral. Kung ang aral ng isa ay sa pangkalahatan, Biblikal, sila ay mabubuting mga guro. Kung ang kanilang mga aral, sa pangkalahatan ay hindi Biblikal, sila ay mga huwad na guro. Ngunit hindi nagbigay ang Panginoon ng eksaktong paraan upang madetermina kung sinong mga guro ng Biblia ang masasamang puno at kung sino ang mga mabubuting puno. Ang Kaniyang punto ay dapat nating sipatin ang kanilang mga aral, hindi ang kanilang mga kasuotang tupa.


