Bilang mga Cristiano, kinikilala natin ang kahalagahan ng kamatayan ni Cristo sa krus. Sa katotohanan, imposibleng maihayag nang labis ang kahalagahan ng Kaniyang ginawa. Sa kamatayang iyan, binayaran Niya ang mga kasalanan ng buong sanlibutan (1 Juan 2:2). Dahil sa kabayarang iyan, ang lahat ng nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan ay hinayag na matuwid sa harap ng Diyos at tumanggap ng buhay na iyan.
Ang Kaniyang kamatayan ay marapat lamang iugnay sa Kaniyang pagkabuhay na maguli. Dahil Siya ay bumangon mula sa mga patay, ganuon din ang bawat mananampalataya. Ang lahat ng mga mananampalataya ay mamumuhay magpakailan pa man kasaman Niya.
Ang mga ito ay totoong dakilang mga katotohanan. Ang nakalulungkot, maraming mananampalatayang bigong panghawakan ang lahat ng pinapaliwanag ng Kasulatan kung gaano kadakila ang mga katotohanang ito. Ang mga mananampalataya ay may malakas na tendensiyang tingnan ang kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon sa terminong may kinalaman lamang sa ating walang hanggang hantungan. Madalas marinig ang mga mananampalatayang magsabing dahil si Cristo ay namatay at bumangong muli, sila ay papasok sa kaharian ng Diyos magpakailan pa man. Kapag binabasa nila ang kamatayan ni Cristo sa iba’t ibang pasahe ng BT, ito lamang ang kanilang nakikita.
Kapag ginawa natin ito, hindi natin makikita ang punto ng ilang sitas. Isang halimbawa ang Galacia 1:4. Sa sitas na ito sinabi ni Pablo sa si Cristo ay “ibinigay ang Kaniyang sarili para sa ating mga kasalanan.” Ito ay malinaw na tumutukoy sa ginawa Niya sa krus. Ibinigay ni Pablo an gang layunin sa kamatayang ito nang sabihing niyang si Cristo ay namatay upang “tayo’y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan.”
Ang hula ko ay karamihan sa mga mambabasa ay titingnan ang layuning pahayag na ito at sa isang tingin ay magpapalagay na ang pinapakahulugan ni Pablo ay ang mananampalataya ay “pupunta sa langit.” Namatay si Jesus upang tayo ay kunin sa sanlibutang ito at maninirahan sa darating na kaharian. Ito ay sinasabi sa iba’t ibang paraan. Maaaring sabihing tayo ay namumuhay sa hulog na sanlibutang ito, ngunit dahil sa kamatayan ni Cristo, ang mananampalataya ay mamumuhay sa hinaharap sa walang hanggang sanlibutan kung saan walang kasalanan.
Ngunit ito ay nagmimintis sa puntong ginagawa ni Pablo. Ang binabanggit ni Pablo ay kaligtasan ngayon at dito. Nagbabanggit siya ng isang bagay na kaakibat ng kasamaan sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ang kamatayan ni Cristo ay hindi lamang tungkol sa kaligtasan sa hinaharap na eternidad. Kaakibat nito ang kaligtasang makikita natin ngayon.
Si Don Campbell ay may sinasabi tungkol sa Gal 1:4: “Ang ebanghelyo ay isang mapagpalayang mensahe. Nililigtas nito ang mga nananampalatayang makasalanan mula sa kapangyarihan ng kasalukuyang sistema ng sanlibutan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nananahang Cristo at ito ay kasin tiyak ng pagliligtas sa kanila mula sa walang hanggang kahatulang darating” (“Galatians” sa The Bible Knowledge Commentary, p. 590).
Ang Galacia 1:4 ay masusumpungan sa panimula ng aklat. Sa panimula ng bawat aklat, binabanggit ni Pablo ang mga temang kaniyang tatalakayin sa natitirang bahagi ng aklat. Ganito rin ang ginawa niya rito.
Sinulat ni Pablo ang aklat ng Galacia sapagkat may mga huwad na gurong nakaiimpluwensiya sa mga mambabasa. Ang mga gurong ito ay nagsasabing ang kabanalan ay masusumpungan sa pagtupad ng Kautusan ni Moises. Ang ilan ay nagsasabing ang walang hanggang kaligtasan ay matatamo sa pagtupad ng Kautusan (tingnan ang Gal 1:6-9; 2:16; 5:4). Sa pamamagitan ng isang desisyong sundin ang lahat ng mga utos, ang espirituwal na tagumpay ay iniisip na matatamo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating laman.
Subalit winawasak ng Galacia ang ganiyang pananaw. Ang isa ay naligtas magpakailan pa man sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Matapos maligtas magpakailan pa man, ang isang mananampalataya ay dapat lumakad sa pamamagitan ng Espritu, hindi ng Kautusan (Gal 3:1-3). Kapag ang isang mananampalataya ay namumuhay sa pamamagitan ng laman- sa kaniyang sariling kapangyarihan- sa pamamagitan ng pagpokus sa Kautusan, siya ay mabibigo, at sa halip ay magbubunga ng mga gawa ng laman (Gal 5:19-20).
Paano ang isang mananampalataya makapamumuhay sa pangkasalukuyang sanlibutan sa paraang makaiiwas sa negatibong bunga ng laman? Sa pamamagitan ng paglakad sa Espiritu. Ngunit ito ay posible lamang dahil si Cristo ay namatay at bumangon muli sa mga patay at binigay sa atin ang Kaniyang Espiritu.
Sa kaniyang panimula sa Galacia, binanggit ni Pablo ang muling pagkabuhay ng Panginoon, gayundin ang Kaniyang kamatayan (1:1). Sa mga sitas na ito, hindi sinasabi ni Pablo na ang kamatayan at pagkabuhay na maguli ay nangangahulugang ang mananampalatayang mambabasa ay tutungo sa kaharian. Sinasabi niyang dahil si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, at bumangon muli sa mga patay, Kaniyang winasak ang kapangyarihan ng kasalanan sa atin. Nang Siya ay bumangon, Kaniyang sinugo ang Kaniyang Espiritu. Makapamumuhay tayo ngayon sa pamamagitan ng Espiritu at mapalalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa ating pangkasalukuyang pang-araw-araw ng pamumuhay. Hindi mo iyan masusumpungan sa pamumuhay sa pamamagitan ng Kautusan sa iyong sariling laman.
Sino ang makapaliliwanag nang husto kung ano ang lawak ng kahulugan ng kamatayan ni Cristo? Walang sinuman. Ngunit may mas mabuti tayong magagawa kaysa sa pagpokus lamang sa isang aspeto nito. Dapat nating pasalamatan ang Panginoon para sa ating walang hanggang kaligtasan, na kinikilalang ito ay naging posible dahil sa Kaniyang kamatayan. Ngunit dapat din nating Siyang pasalamatan dahil ang Kaniyang kamatayan ay may pakinabang sa atin habang tayo ay nabubuhay pa sa mundong ito.
Hindi nakapagtatakang matapos banggitin ang kahulugan ng kamatayan ni Cristo para sa atin ngayon ay dinagdag ni Pablo na kay Cristo ang “kaluwalhatian magpakailan pa man” (Gal 1:5).