Bilang mga Cristiano, kinikilala natin ang halaga ng kamatayan ni Cristo sa krus. Sa katotohanan, imposibleng mahayag nang may kalabisan ang ginawa Niya. Sa kamatayang iyan binayaran Niya ang mga kasalanan ng buong sanlibutan (1 Juan 2:2). Dahil sa kabayarang iyan, lahat ng nanampalataya sa Kanya para sa buhay na walang hanggan ay hinayag na matuwid sa harap ng Diyos at tumanggap ng buhay na iyan.
Ang Kaniyang kamatayan ay tama lamang iniuugnay sa Kaniyang pagkabuhay na maguli. Dahil Siya ay bumangon mula sa mga patay, gayon din ang bawat mananampalataya. Lahat ng mananampalataya ay gugugol ng eternidad kasama Siya.
Ang mga ito ay, tunay, na dakilang mga katotohanan. Nakalulungkot, maraming mananampalataya ang bigong maunawaan ang lahat ng pinapaliwanag ng Kasulatan tungkol sa kung gaano kadakila ang mga katotohanang ito. Ang mga mananampalataya ay may malakas na tendensiyang tanging tumingin sa kamatayan at pagkabuhay na maguli ng Panginoon sa termino ng ating eternal na hantungan. Madalas marinig sa mga mananampalatayang dahil si Cristo ay namatay at nabuhay na maguli sila ay papasok sa kaharian ng Diyos magpakailan man. Kapag nababasa nila ang kamatayan ni Cristo sa iba’t ibang pasahe ng BT, iyan lang ang tangi nilang nakikita.
Kapag ginawa natin ito, nagmimintis tayo sa punto ng ilang mga sitas. Ang Galacia 1:4 ay isang halimbawa. Sa sitas na ito sinasabi ni Pablo na si Cristo ay “nagbigay sa Kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan.” Ito ay malinaw na pantukoy sa ginawa ni Cristo sa krus. Ibinigay ni Pablo ang layunin sa kamatayang ito nang kaniyang sinabi na si Cristo ay namatay “upang tayo’y maligtas dito sa kasalukuyang masamang sanlibutan.”
Ang hula ko ay karamihan sa mga mambabasa ay titingin sa layong pahayag na iyan, at sa unang sulyap, magpapalagay na ang pinakahuhulugan ni Pablo ay ang mananampalataya ay “tutungo sa langit.” Namatay si Cristo upang tayo ay alisin sa sanlibutang ito upang manirahan sa darating na kaharian. Ito ay maaaring maihayag sa iba’t ibang paraan. Maaaring sabihing tayo ay nabubuhay sa isang hulog na mundo, ngunit dahil sa kamatayan ni Cristo, ang mananampalataya ay mamumuhay sa walang hanggang sanlibutan kung saan walang kasalanan.
Ngunit siguradong ito ay mintis sa puntong ginagawa ni Pablo. Si Pablo ay nagbabanggit ng kaligtasan dito at ngayon. Nagbabanggit siya ng isang bagay na may kinalaman sa kasamaang nakikita natin sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ang kamatayan ni Cristo ay hindi lamang tumutukoy sa kaligtasan sa eternidad sa hinaharap. Kabilang din dito ang kaligtasang nakikita natin ngayon.
Sinabi ni Don Campbell tungkol sa Gal 1:4: “Ang ebanghelyo ay isang nagpapalayang mensahe. Niligtas nito ang nananampalataya makasalanan mula sa kapangyarihan ng pangkasalukuyang sistema ng sanlibutan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng naninirahang Cristo sa parehong paraang may katiyakang ito ay nagliligtas sa kanila mula sa darating na walang hanggang kapahamakan” (“Galatians” sa The Bible Knowledge Commentary, p. 590).
Ang Galacia 1:4 ay masusumpungan sa panimula ng aklat. Sa panimula sa lahat niyang aklat, binabanggit ni Pablo ang mga temang kaniyang tatalakayin sa natitirang bahagi ng aklat. Ganito rin ang ginawa niya rito.
Sinulat ni Pablo ang aklat ng Galacia dahil may mga huwad na gurong nakaaapekto sa mga mambabasa. Ang mga gurong ito ay nagsasabing ang kabanalan ay masusumpungan sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. Ang ilan ay nagsasabi pang ang walang hanggang kaligtasan ay matatamo sa pagtupad ng Kautusan (tingnan ang Gal 1:6-9; 2:16; 5:4). Sa pamamagitan ng desisyong sundin ang lahat ng mga kautusan, ang espirituwal na tagumpay ay iniisip na matatamo sa kapangyarihan ng ating laman.
Subalit, ang Galacia ay sinisira ang ganiyang pananaw. Ang isa ay ligtas magpakailan pa man sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Matapos maligtas magpakailan pa man, ang mananampalataya ay dapat lumakad sa Espiritu at hindi sa Kautusan (Gal 3:1-3). Kapag ang isang mananalampalataya ay namumuhay sa laman-sa kaniyang sariling kapangyarihan- sa pagtuon sa Kautusan, siya ay mabibigo at sa halip ay lilikha ng makasalanang mga gawa ng laman (Gal 5:19-20).
Paano ang isang mananamapalataya makapamumuhay sa pangkasalukuyang sanlibutang ito sa paraang makaiiwas sa negatibong bunga ng laman? Sa paglakad sa pamamagitan ng Espiritu. Ngunit ito ay posible lamang dahil si Cristo ay namatay at bumangon muli mula sa mga patay at binigay sa atin ang Kaniyang Espiritu.
Sa kaniyang panimula sa Galacia, binanggit ni Pablo ang pagkabuhay na maguli ng Panginoon gayun din ang Kaniyang kamatayan (1:1). Sa mga sitas na ito, hindi sinasabi ni Pablo na ang kamatayan at pagkabuhay na maguli ng Panginoon ay nangangahulugang ang mga nananampalatayang mambabasa ay papasok sa kaharian. Ang sinasabi niya ay dahil si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at bumangon Siya mula sa mga patay, winasak Niya ang kapangyarihan ng kasalanan sa atin. Nang Siya ay bumangon, binigay Niya ang Kaniyang Espiritu. Maaari tayong mabuhay ngayon sa Espiritu at maligtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa ating pangkasalukuyang pang-araw-araw na lakad. Hindi mo ito masusumpungan sa pamumuhay sa laman sa iyong sariling laman.
Sino ang maayos na makapaliliwanag ng kalawakan ng kahulugan ng ginawa ng kamatayan ni Cristo? Walang sinuman. Ngunit maaari tayong may mas maiging magawa kaysa magbigay-tuon sa isa lamang aspeto nito. Dapat tayong magpasalamat sa Panginoon para sa ating walang hanggang kaligtasan, na kinikilalalang ang lahat ng mga ito ay ginawang posible ng Kaniyang kamatayan. Ngunit dapat din tayong magpasalamat sa Kaniya dahil ang Kaniyang kamatayan ay nagbenepisyo sa atin habang tayo ay buhay pa sa mundong ito.
Hindi nakapagtatakang matapos mabanggit ang kamatayan ni Cristo para sa atin ngayon, dinagdag ni Pablo na kay Cristo “ang kaluwalhatian magpakailan pa man” (Gal 1:5).