Sa pag-aaral natin ng Biblia, isa sa mga bagay na ating natutunan ay ang Israel at Iglesia ay hindi parehong bagay. Ang Diyos ay gumawa ng ilang pangako sa Israel na hindi Niya ginawa sa Iglesia, at vice versa. Nangangahulugan ito na kapag tayo ay nagbabasa ng Lumang Tipan, kailangan nating matanto na karamihan ng ating binabasa ay nakatuon sa bansang Israel at hindi sa atin.
Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga aral na taglay sa pagsaway ng Diyos sa Israel ay walang kinalaman sa atin. Maaari tayong matuto sa mga bagay na sinabi ng Diyos sa kanila, at maaari tayong matuto sa mga halimbawang nababasa natin sa Lumang Tipan. Ganito ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya sa iglesia sa Corinto (1 Cor 10:6, 11). Ang may-akda ng Hebreo ay nagbahagi rin kung paanong ang mga mananampalataya sa Lumang Tipan na sumunod sa Diyos ay mga saksing dapat nating tularan (Hebreo 11).
Ang mga mananampalataya sa panahon ng Iglesia ay maraming matututunan mula sa Propeta Jeremias. Naghula siya sa bansang Israel halos 600 taon bago ipinanganak ang Iglesia, at ang kaniyang ministerio ay nakasentro sa Judah. Nagsalita siya sa bayan tungkol sa kanilang kabiguang sundin ang Kautusan ni Moises. Ang mga mananampalataya ng Bagong Tipan ay wala sa ilalim ng Kautusan ni Moises.
Ngunit marami tayong matututunan mula sa lalaking ito. Nagsalita siya sa mga taong nagkasala nang husto laban sa Panginoon. Sila ay nahulog sa idolatriya at inalay pa nila ang kanilang mga sariling anak sa mga huwad na diyos na ito. Mali ang trato nila sa mga mahihirap at nangangailangan sa kanilang lipunan, isa pang paglabag sa Kautusan ni Moises.
Pinunto ni Jeremias na mayroong masamang konsekwensiya para sa mga kasalanang ito. Makararanas sila ng tagtuyo habang pinipigil ng Diyos na sila ay ulanin. Hindi maglalaon, isang malakas na kaaway ang darating at papatay sa marami sa kanila at ang mga natirang buhay ay dadalhing alipin. Ang mga konsekwensiyang ito ay nakatala rin sa Kautusan ni Moises. Sinabi ni Moises na susumpain sila ng Diyos ng mga bagay na gaya nito.
Ipinangaral ng propeta ang mensaheng ito sa loob ng 40 taon. Ano ang kaniyang saloobin habang nangangaral? Kilala siya bilang umiiyak na propeta. Hindi siya dumating na nagmamatuwid ng kaniyang sarili, at nais lamang hukuman ang bayan sa kanilang kasalanan. Umiyak siya sa kung ano ang dadalhin ng kasalanan sa bayan. Nanalangin siya sa Diyos na iadya ang kaniyang bayan sa kapalarang ito. Nais niyang bumalik sila mula sa kanilang kasalanan at tamasahin ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa pagsunod.
Maraming pasahe sa Jeremias na naglalarawan ng sakit na kaniyang naranasan dahil sa kasalanan sa kaniyang paligid. Sa Jer 9:1-3, sinabi niyang sana ang kaniyang ulo ay isang daluyang puno ng tubig upang siya ay makaiyak umaga at gabi nang walang patid. Ang ganiyang kalungkutan ay ang tamang tugon sa kaniyang nakikita sa paligid.
Maraming bagay ang maaaring matutunan ng isang mananampalataya ngayon mula sa lalaking ito. Una, siya ay isang lalaking nagsasabi ng katotohanan. Tapat siya sa salita ng Diyos, kahit pa na ang mensahe ay nagdadala ng kaparushan sa bayang kaniyang mahal. Ang mensahe ay nagdulot sa kaniya ng matinding sakit. Tunay na dapat ganuon din tayo. Hindi natin dapat pababawin ang mga salita ni Cristo. Dapat tayong maging tapat sa pagpahayag na tanging mga nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan ang papasok sa Kaniyang kaharian. Maraming tao ang gugugol ng kanilang eternidad sa lawa ng apoy dahil hindi sila nanampalataya sa Kaniya.
Isa pang bagay na ating maaaring matutunan mula kay Jeremias ay ang magkaroon ng parehong saloobin tungkol sa kasalanan na nasa paligid natin. Kailangan nating alalahanin na si Jeremias ay nagsasalita sa bayan ng Diyos. Oo, ang iba sa kanila ay hindi mananampalataya. Ngunit ang ilan sa kanila ay oo. Nabasag ang kaniyang pusong makita silang naglalakad sa pagsuway. Alam niyang didisiplinahin sila ng Diyos. Bilang mga mananampalataya ngayon, totoo rin ito sa mga Cristiano sa ating mga iglesia. Dapat ding mabasag ang ating mga puso na makita ang kapwa mananampalatayang lumakad sa hayag na pagsuway. Sinabi ni Pablo ang kaparehong bagay sa iglesia sa Corinto tungkol sa Cristianong nabubuhay sa hayag na kasalanang sekswal (1 Cor 5:1-2).
Nabuhay si Jeremias nuon pang unang panahon at hindi bahagi ng iglesia. Kausap niya ang bansang Israel. Ngunit maaari tayong matuto ng isa o dalawang bagay mula sa kaniyang halimbawa.