Ito ang isa na namang katanungan mula sa aming nakalipas na taunang kumperensiya:
Ayon sa Juan 8:56, “Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa.” Kung ang mga tao ay nagsasabi na si Abraham ay hindi nagagalak sa kapatawaran ng mga kasalanan at sa buhay na walang hanggan na dadalhin ni Kristo, ano pala ang kaniyang kinagagalakan?
Una, sagutin natin ang tanong, ano ang kinagagalakan ni Abraham ayon sa mga komentarista?
Sinulat ni Blum, “Hindi batid kung gaano kalawak ang kapahayagan ng Diyos sa Kaniyang kaibigang si Abraham patungkol sa panahon ng Mesiyas. Ngunit malinaw na alam niya ang darating na kaligtasan at siya ay nagagalak sa kaalaman at sa pag-asang ito. (BKC, vol2, p.306)
Pabor si Morris sa pananaw na si Abraham ay “nagagalak sa posibilidad na ang Mesiyas ay ipanganganak mula sa kaniyang angkan” at si “Abraham ay tumatanaw sa araw ng Mesiyas at siya ay nagagalak dito” (John, p. 418).
Parehong napansin nila Morris at Brown na sa mga nakalipas na taon, “ang paliwanag ay lumalakas na ang pakahulugan ni Juan ay pagkamatay ni Abraham, nakita niya ang araw ni Jesus” (Brown, John 1-12, p. 359). Samakatuwid, nang ang balita ay umabot sa Hades na ang Mesiyas ay pinanganak na, si Abraham at ang iba pang mananampalataya sa Lumang Tipan ay nagalak. Ngunit pareho nilang tinanggihan ang pananaw na ito.”
Minungkahi ni Carson na nagalak si Abraham na makita ang “ang panahon ng Mesiyas” (John, p. 357).
Ito ay ilan sa mga kumakatawang pananaw.
Pansinin na wala sa alin mang mga komentarista ang nagmungkahi na si Abraham ay nagalak habang siya ay buhay pa na siya ay may walanghanggang katiyakan. Si Blum ang pinakamalapit sa pananaw na iyan. Ngunit ang kaniyang komento ay patungkol sap ag-asa, at ang pag-asa ay hindi kasinkahulugan ng katiyakan.
Ikalawa, sa aking paningin, hindi tamang sabihin na si Abraham ay nagalak sa “kapatawaran ng kasalanan at walang hanggang buhay na dadalhin ni Kristo.” Ito ay nagmumungkahi na ang kapatawaran at walang hanggang buhay ay nasa hinaharap pa nang panahon ni Abraham. Ngunit alam ni Abraham na siya ay napatawad na, napahayag nang matuwid at pinanganak nang muli (Gen 15:6). Ang mas mabuting pagkaunawa ng pangungusap na ito ay alam ni Abraham na siya ay may walang hanggang katiyakan at siya ay masusumpungan sa kaharian ng Mesiyas. Ang kaalamang iyan ang nagbigay sa kaniya ng kagalakan. Ikumpara ang Hebreo 11:6.
Ang mga tagapakinig ni Jesus ay nagalit sa Kaniyang pahayag tungkol kay Abraham? Bakit? Ang mga rabbi ay matagal nang naturuan na si Abraham ay may pangitain nang siya ay buhay pa tungkol sa nalalapit na Mesiyas at Kaniyang kaharian. Samakatuwid, malabong magalit sila kung ang sinabi ni Jesus ay, “Nagalak si Abraham na makita ang araw ng Mesiyas.” Ito ang paliwanag ni Carson, “Ang tension ay lumitaw dahil sa paraan ng pagkasabi ni Jesus: hindi ‘Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita ang panahon ng Mesiyas,’ kundi, ‘Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita ang aking araw’. Ang ‘araw’ o ang ‘araw ng Panginoon’ ay naging araw ni Jesus” (Carson, John, p. 357). Ginagamit ni Jesus si Abraham upang suportahan ang Kaniyang pag-aangkin na Siya ang Mesiyas na gumagarantiya ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nananampalataya sa Kaniya.”