Narinig mo na ba ang kasabihang: “Dapat nating sambahin ang Diyos, hindi ang Biblia”?
O kaya, “Huwag ninyong mahalin ang Biblia, kundi ang Diyos”?
Hindi natin masasamba ang Diyos nang hindi ito ginagawa sa espiritu at katotohanan (Juan 4:23). Dahil sa ang katotohanan ay masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang ating pagsamba ay kaakibat ang Biblia. Siyempre, hindi natin sinasamba ang Biblia mismo. Pinupuri natin ang Diyos na Siyang nagbigay sa atin ng Kaniyang Salita. Ang kontemporaryong “pagsamba” ay madalas walang lamang makabuluhan at hindi tunay na pagsamba. (Nakarinig na ba kayo ng kantang 7-Eleven? Ang mga ito ay kantang may pitong salita (7) na inuulit nang labing-isang beses (11).
Hindi natin maiibig ang Diyos nang hindi iniibig ang Kaniyang komunikasyon sa atin. Ang Awit 119 ay isang halimbawa. Paulit-ulit na binanggit ng mang-aawit ang kaniyang pag-ibig sa Salita ng Diyos.
Minsan, hindi binabanggit ang Biblia ngunit ang sentimyento ay pareho:
“Siya ay masyadong makalangit ang isipan anupa’t na wala na siyang halaga sa lupa.”
“Siya ay puno ng karunungan sa ulo ngunit hindi ng karunungan sa puso.”
“Ang pag-ibig kay Cristo ay isang personal na pakikiugnayan sa Kaniya; ang paniniwala sa ilang tiyak na katotohanan sa Kaniya ay hindi nagliligtas na pananampalataya.”
“Ang kaligtasan ay isang libreng regalo, ngunit ito ay gagastos sa iyo ng lahat na bagay.”
“Alam nating hindi mo kailangang maniwala sa kaligtasang hindi nababawi upang maipanganak na muli dahil marami sa Sasangkristiyanuhan ang hindi naniniwala rito.”
“Hindi magagawang hatulan ng Diyos ang mga hindi nakarinig tungkol kay Jesus dahil sa tingin ko ito ay hindi makatarungan.”
“Alam nating ang dispensasyonalismo ay hindi totoo dahil ito ay hindi nalinang hanggang ikalabing-siyam na siglo.”
Ang lahat ng pahayag na ito ay nagmumungkahing ang rason ang gumagabay sa atin, hindi ang Biblia.
Ayon sa Biblia hindi ka kailan man kukulangin ng kaisipang makalangit (2 Cor 5:1-11; 1 Ped 1:23).
Walang pagkakaiba sa Biblia sa pagitan ng karunungan sa ulo o sa puso. Ang Roma 12:2 ay nagbabanggit ng pagbabago sa pamamagitan ng pagbabago ng isipan.
Ang pananampalataya kay Cristo ay ang pananampalataya sa Kaniya para sa regalo ng Diyos (Juan 4:10ss). Hindi ito isang personal na pakikisalumuha sa Diyos.
Ang Kasulatan ay malinaw na nagpapahayag na ang kaligtasan ay isang libreng regalo; hindi tayo nagastusan ng anuman tungkol dito (Juan 4:10; Ef 2:8-9; Pah 22:17).
Ang persentahe ng mga tao sa Cristianismong nagtatakwil ng isang doktrina ay hindi nagtatakda kung ito ay totoo o hindi. Anumang sinasabi ng Biblia ay totoo, marami man o hindi ang naniniwala rito (Roma 3:4).
Ang Panginoon ay nagpapahiwatig na upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, ang tao ay kailangang maniwala sa Kaniya para sa buhay na ito habang sila ay nabubuhay (Juan 11:26; tingnan din ang Heb 9:27). Walang kumbersiyon matapos ang kamatayan. Hindi mahalaga kung sa tingin natin ay hindi ito makatarungan. Ang mahalaga ay sinasabi ng Diyos na makatarungan ito.
Hindi natin alam kung ang dispensasyonalismo ba ay tinuro sa buong kasaysayan ng iglesia. Ngunit dahil sa ang Biblia ay nagtuturo ng dispensasyonalismo, ito ay totoo gaano man kaunti ang naniniwala rito sa buong kasaysayan ng iglesia.
Kapag ang isang tao ay nagbigay pahayag ng kanilang pinaniniwalaan, makinig nang maigi kung paano nila ipagtanggol ang kanilang sinasabi. Sila ba ay sumisipi ng kasaysayan ng iglesia? Sila ba ay nagpapahayag nang inaakala nilang resonable para sa kanila? Nagpapahiwatig ba silang ang kanilang sinasabi ay ang konsenso ng karamihan sa mga teologo ngayon? Wala alin sa mga ito ang mahalaga. Ang sinasabi ng Diyos ay daig ang kasaysayan ng iglesia, ang inaakala nating resonable, at anumang sinasabi ng mga teologo.
Pitumpung taon na ang nakalilipas, madalas marinig ang ekspresyong, “Ito ang sabi ng Panginoon.” Ngayon ang mga pastor evangeliko ay naghihikayat sa ibang mga pastor na huwag sumipi ng Kasulatan. Huwag magbanggit ng aklat at kabanata at sitas. Hindi ito nais ng mga tao. Sabihin mo lang, “Isang lalaking nagngangalang Pablo ang nagsabi…”; “Sinabi ni Jesucristo…”; “Sinabi ni Haring David…”.
Ang Cristianismo ay isang digmaan para sa ating isipan. Ang pagbabago ay hindi magaganap hiwalay sa pagbabago ng ating mga isipan. At ginagawa Niya ang pagbabagong ito sa pamamagitan ng Kaniyang Salita (Roma 12:2; 2 Cor 3:18).