Pinadala ni Doug ang isang interesanteng komento kung saan kaniyang iminumungkahing naiwala nila Adan at Eba ang buhay na walang hanggan:
Walang ginawa sila Adan at Eba upang maging karapatdapat para sa kanilang estado ng pagpapala at sa paraiso na pinaglagyan sa kanila ng Diyos. Ito ay walang bayad na regalo ng biyaya ng Diyos. Ngunit hindi ito nangangahulugang hindi sila makagagawa ng anumang bagay na makasisira nito. Kapag ang isang mananampalataya ay tumigil manampalataya, siya ay naging isang hindi mananampalataya.
Naniniwala akong may malaking kalituhan sa tanong na ito.
Ang unang dalawang pangungusap ay walang dudang totoo. Sila Adan at Eba ay mga nilalang na biniyayaan sa Hardin (sa Griyego, paradeisos, paraiso) ng Eden. Ngunit mayroon silang ginawa na nagresulta sa pagpapalayas sa kanila palabas ng Hardin. Siyempre, sa salitang makasisira nito, malinaw na hindi pakahulugan ni Doug na palayasin palabas ng Hardin. Tila pinakakahulugan niyang sila ay huminto sa pagiging mananampalataya at naiwala ang buhay na walang hanggan.
Ngunit kung huminto ang mananampalataya na sumampalataya, hindi siya magiging hindi mananampalataya.
Hindi tinukoy ni Doug kung ano ang iniisip niyang sinampalatayahan nila Adan at Eba, na hinintuhan nilang sampalatayahan. Tila iniisip niya na sinampalatayahan nila ang nakaliligtas na mensahe bago ang pagkahulog, at matapos ay tinigilang nilang sampalatayahan. Ngunit walang indikasyon sa Genesis o saan mang bahagi ng Biblia na sila ay nanampalataya sa nakaliligtas na mensahe bago sila nahulog at huminto silang sampalatayahan ito matapos nilang manampalataya rito.
Gaya ng mga anghel, sila Adan at Eba ay nilikhang nasa estado ng kainosentehan. Mayroon silang kaugnayang sa Diyos na may potensiyal na maging eternal. Subalit, gaya sa kaso ng mga anghel, posibleng masira ang ugnayang ito.
Bago ang pagkahulog, ang ating sinaunang magulang ay hindi maaaring manampalataya sa nakaliligtas na mensahe sapagkat wala pa ito sa lugar. Ang pangako ng buhay na walang hanggan ay dumating lamang nang lumabas ang pangangailangan.
Sa kaso ng mga anghel, nang minsan silang mahulog, ito na ang katapusan. Walang katubusan para sa mga nahulog na anghel. Hindi namatay si Cristo para sa kanila.
Sa kaso nila Adan at Eba, nang sila ay mahulog, gumawa ang Diyos ng probisyon para sa kanila (Gen 3:15). Nangako Siya na sa pamamagitan ng pananampalataya sa darating na Mesiyas sila ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at sila ay nasa Kaniyang kaharian magpakailan pa man (Gen 3:15; cf. Gen 15:6).
Malaki ang posibilidad na sila Adan at Eba ay nanampalataya sa Panginoon para ariing ganap/buhay na walang hanggan sa sandaling marinig nila ang pangako ng Gen 3:15.
Bago sila mahulog, hindi nila kailangan ang Panginoong Jesus na mamatay para sa kanila, at hindi nila kailangan (o kakailanganin) ang buhay na walang hanggan. Pagkatapos nilang mahulog, kailangan nila ang Kaniyang kamatayan upang sila ay maaaring maligtas at kailangan nilang sumampalataya sa Kaniya upang maligtas. At sila ay nanampalataya sa Kaniya.
Sila ba ay humintong manampalataya sa Kaniya? Wala akong nakikitang ebidensiya nito sa Kasulatan. Lumilitaw na hindi lamang nagpatuloy sila sa pananampalataya kundi maging sa mabubuting mga gawa.
Ngunit pagtuunan natin ng pansin ang pangkalahatang tanong ni Doug: Ang isang mananampalataya bang humintong manampalataya ay tumitigil na maging mananampalataya? Ang sagot ay hindi. Ang dahilan ay napakasimple. Sa Biblia, ang mananampalataya ay ang sinumang nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan (Juan 3:16; 11:26). Sa sandaling ang isang tao ay manampalataya, siya ay sigurado magpakailan pa man at kailan pa man ay nasa kategoriya ng “mananampalataya.”
Natatanto kong tila walang saysay sa nakararami na ang isang taong humintong manampalataya ay maaari pa ring tawaging mananampalataya. Ito ba ay salungat sa lohika?
Hindi. Sa Griyego, ang isang participle na may definite na article ay gumaganap bilang isang pangngalan. Kung ganuon, ang mga salitang ho pisteuon, “ang sinumang sumasampalataya,” ay katumbas ng mananampalataya. Sinabi ni Jesus na ang mananampalataya ay hindi mapapahamak at may buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Ito ay totoo sa sandaling siya ay manampalataya. Ang isang tao ay hindi naging mananampalataya lamang matapos ang habambuhay na pagtitiis sa pananampalataya hanggang kamatayan. Kung totoo ito, walang nabubuhay na tao ang mananampalataya. Tayong lahat ay kailangang umasa na magiging mananampalataya kung tayo ay makatiis sa pananampalataya hanggang kamatayan.
Nakarinig ako ng isang napakahusay na ilustrasiyon mula kay John Niemella sa aming 2022 na kumperensiya. Sinabi niyang sa Griyegong LT ang ekspresiyong ang mamamatay-tao, ho phoneuon sa Griyego (Bilang 35:12, 21 sa LXX) ay isang articular participle, gaya ng mananampalataya (ho pisteuon). Ang mamamatay-tao ay ang taong aksidenteng nakapatay ng iba. Hindi niya kailangan makapatay ng higit pa sa isang tao upang maging isang mamamatay-tao. Sa katotohanan, halos lagi, ang mamamatay-tao ay ang aksidenteng nakapatay ng isang tao at kailangan niyang tumakas sa lunsod-kanlungan upang maiwasang mapatay.
Sabihin nating aksidenteng nakapatay ang isang tao kahapon. Mamamatay-tao pa rin ba siya ngayon? Siyempre. Isang buwan mula ngayon? Oo. Isang taon? Oo. Isang dekada? Oo. Hindi kailangan ng isang tao na patuloy na pumatay ng tao upang manatiling isang mamamatay-tao.
Pareho rin sa BT tungkol kay Juan Bautista (ho baptizon, Marcos 6:14). Siya ay tinatawag pa ring Bautista kahit matagal na siyang patay at huminto na sa pagbabautismo. May ilang magsasabing ang titulo ay hindi na lapat sa kaniya. Ngunit ang Kasulatan ay nagsasabing siya pa rin si Juan Bautista, ang Juan na nagbabautismo.
Inaasahan kong makikita sila Adan at Eba ang ating sinaunang magulang sa Milenyo. At inaasahan kong makita ang lahat, na gaya nila, ay nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan, magpatuloy man sila sa pananampalatayang iyan o hindi. Minsang maligtas ang isang tao, ligtas siya kailan pa man.