Ang mga nagtuturo na maaaring maiwala ang iyong kaligtasan ay gumagamit ng nagkailang patotoo (prooftext) sa kanilang pagtuturo. Sa unang tingin ang mga sitas na ito ay tila umaayon sa kanilang turo. Subalit, sa malalimang pag-aaral, malinaw na ang mga sitas na ito ay pinapaliwanag nila nang labas sa konteksto at binibigyan ng pakahulugan na hindi pinanghahawakan ng orihinal na may-akda. Isang malinaw na halimbawa ay ang Galacia 5:4.
May mga taong tinuturo ako sa Galacia 5:4 at nagsasabi, “Hindi ba’t tinuturo ni Pablo na ang ilan sa mga taga-Galacia ay nangahulog mula sa biyaya? Kung sila ay nangahulog mula sa biyaya, maaari rin tayong mahulog ngayon.”
Paano nila minamali ang sitas na ito nang hindi naaayon sa konteksto?
Sumasang-ayon tayo na ang aklat ay sinulat para sa mga Kristiyano (Gal 1:6,9; 5:1).
Sumasang-ayon din tayo na maaaring mahulog ang mga mananampalataya ngayon mula sa biyaya. Malinaw sa teksto na ang pagkahulog mula sa biyaya ay hindi lamang para sa mga Kristiaynong taga-Galacia. Sinumang bumabalik sa pagnanais na maging matuwid sa pamamagitan ng Kautusan ay nangahulog mula sa biyaya (Gal 5:4).
Ang problema ay nasa pagbubuod na ating binuo, hindi sa mga premiso. Ang isyung pinag-uusapan ay ano ba ang ibig sabihin ng “mangahulog mula sa biyaya”? Nangangahulugan ba ito na ang mga mananampalataya ay maaaring mahulog sa kanilang posisyon (positional standing) sa biyaya? Kung ganuon nga, sinasalungat ni Pablo ang kaniyang sarili sapagkat sa ibang mga sitas kaniyang malinaw na sinaad na ito ay imposible (cf. Roma 8:38-39; Efeso 1:13-14; 4:30; Col 2:13-14; 1 Tesalonica 5:10; 2 Tim 2:13). Dahil sa ang Kasulatan ay Salita ng Diyos, hindi nito maaaring salungatin ang kaniyang sarili. Samakatuwid, ano man ang pakahulugan ni Pablo sa pagkahulog mula sa biyaya, hindi ito nangangahulugan na maaari ang mananampalataya na mahulog sa kaniyang posisyon bilang anak ng Diyos.
Mayroon pa bang ibang alternatibong kapaliwanagan na mas umaayon sa konteksto at sa teolohiya ni Pablo at ng Biblia? Ang pagkahulog mula sa biyaya ay nangangahulugan na ang isang mananampalatayang bumabalik sa kaisipan at pag-uugaling parisaiko ay nangahulog sa pangkasalukuyang karanasan (present experience) ng biyaya. Bagama’t ang ating posisyon sa biyaya ng Diyos ay tiyak ang ating karanasan ng Kaniyang biyaya ay hindi.
Kung ang isang mananampalataya ngayon ay nalinlang upang umanib sa isang kulto na nagtuturo ng kaligtasan sapamamagitan ng mga gawa, hindi niya mararanasan sa kaniyang buhay ang biyaya ng Diyos malibang iwan niya ang kultong iyon. Sa katotohanan, ano mang grupo ang aniban ng isang mananampalataya, kulto man o hindi, na nagtuturo na kailangan ang gawa upang mapanatili ang ating kaligtasan, ang mananampalatayang iyan ay huminto sa karanasan ng biyaya. Kahit ang pagbabatay ng ating katiyakan sa kalidad ng ating mga buhay ay maaaring magdulot upang tayo ay mahulog mula sa pang-araw-araw na karanasan ng biyaya.
Ang pagkahulog mula sa biyaya ay isang totoong problema ngayon. Nawa ay ating panghawakan ang ebanghelyo at ang ating katiyakan nang buong liinaw upang matulungan natin ang ibang tao na maranasan muli o patuloy na maranasan ang biyaya ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay.
Note: Isang pastor na miyembro ng GES ang nagbalita sa akin na ginagamit niya ang buwanang artikulo na tumatalakay sa mga mahihirap na sitas bilang batayan ng kaniyang serye ng sermon sa kaniyang simbahan na tumatalakay sa mga mahihirap na sitas ng Bibliya. Binalita niya na ang pagtanggap ng mga tao sa mga mensaheng ito ay napakaganda. Ito ay lubos na nagpapasigla sa akin. Ang aking layunin ay ipahayag ang malinaw na pagtuturo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapatibay, pagpapalakas at paghihimok sa iba sa loob ng katawan ni Kristo.