Isa sa mga binibigyang diin ng Free Grace Theology ay ang doktrina ng walang hanggang gantimpala. Samantalang lahat ng mananampalataya ay mamumuhay na kasama ni Cristo magpakailan man, may ilang mananampalatayang magkakaroon ng mas higit na karangalan at pribilehiyo sa kaharian, base sa kanilang ginawa matapos manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Maraming Cristianong hindi batid na may pagkakaiba sa mga mananampalataya sa kaharian, ni nakarinig ng ganitong ideya. Ngunit naunawaang tama ng mga gurong Free Grace na ang mga turo tungkol sa gantimpala ay masusumpungan sa buong BT.
Ngunit paano ang LT? Kahit ang ilang tagapagtaguyod ng LT ay nagkukwesiyon kung alam ba ng mga mananampalataya sa LT ang mga gantimpala sa kaharian. May binubuong komentaryo ang GES sa buong LT. Isang bagay na maghihiwalay dito sa ibang komentaryo sa LT ay ang pagbibigay diin nito sa mga temang FG. Nakausap ko ang ilan sa mga awtor. Lahat sila ay nagsabing nasumpungan nilang tinuro ang mga gantimpala sa buong LT.
Isa sa mga awtor na ito ay si Brad Doskocil. Si Brad ang naitalagang sumulat ng komentaryo sa aklat ng Ecclesiastes. Iilang tao ang mag-aakalang ang mga gantimpala ay tinuro sa Ecclesiastes. Ngunit tamang pinunto ni Brad na ang pangunahing tema ng aklat ay mga gantimpala.
Ang temang ito ay makikita sa konklusyon. Sa huling dalawang sitas, sinulat ni Solomon:
Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama (Ecc 12:13-14).
Sa buong aklat, sumulat si Solomon kung paanong ang mga bagay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Sila ay tila singaw. Nakukuha natin ang kahulugan nito kapag nakikita natin ang ating hininga sa malamig na umaga. Nakikita natin itong daglian, at nawawala na. ang mga bagay na hinahanap ng sanlibutan ay kagaya nito.
Ang ganitong pananaw ay maaaring humantong sa desperasyon. Ano ang layon ng lahat ng bagay? Kahit pa ako ay mananampalataya at alam kong mamumuhay ako magpakailan man sa kaharian ng Diyos, anong pagkakaiba ang magagawa nito sa buhay ko ngayon?
Binigay ni Solomon ang sagot. Kahit pa ang mundong ito ay lilipas, kailangan nating matakot sa Diyos. Kailangan tayong magmalasakit sa kung ano ang iniisip Niya patungkol sa atin. Dapat natin Siyang sundin. Bakit?
Hahatulan Niya tayo. Hahatulan Niya ang ating mga gawa. Hahatulan Niya kahit ang mga bagay na ginawa sa dilim. Hahatulan Niya ang ating mga motibo. Hahatulan Niya pareho ang ating mabubuting gawa at ang masasama.
Imposibleng basahin ang mga salita ni Solomon nang hindi napapaalalahanan ng mga turo ng BT patungkol sa nalalapit na paghuhukom ng mga mananampalataya. Sinabi ni Pablo na lahat tayo ay haharap sa Hukuman ni Cristo. Sinabi ng Panginoong hahatulan Niya ang ating mga gawa. Sinabi ni Lukas na hahatulan ni Cristo ang mga bagay na ginawa sa lihim. Hahatulan Niya pareho ang ating mabubuting gawa at masasama (Lukas 8:17; 1 Cor 4:5; 2 Cor 5:10; Pah 22:12).
Masosorpresa ang maraming palabasa ng Bibliang nauunawaan ni Solomon ang bagay na ito. Hindi dapat. Binigay ng Hebreo 11 ang mahabang listahan ng mga mananampalataya sa LT na namuhay ng maka-Diyos na pamumuhay. Bakit sila namuhay sa ganitong paraan? Sapagkat alam ng mga mananampalatayang ito na sila ay papasok sa kaharian ni Cristo; subalit hindi lamang nila ibig na makapasok sa kaharian, gusto nilang maging dakila sa kaharian.
Si Solomon ay isang mananampalataya. Marami siyang ginawang pagkakamali at maraming ginawang kasamaan. Sa kaniyang pagsiyasat sa kaniyang buhay, alam niyang ang kaniyang mga ginawa ay hahatulan. Ang sanlibutang ito ay walang halaga sa kaniya. Ang mga bagay an ginawa natin para sa Panginoon ay hindi mga singaw. Sila ay may walang katumbas na halaga dahil sila ay magreresulta sa walang hanggang gantimpala. Maraming mananampalataya sa LT, kabilang na si Solomon, ang mas nakakaalam ng mga bagay na ito kaysa karamihan ng mga Cristiano ngayon.


