Si Jeff ay may magandang tanong:
Mayroon akong tanong tungkol sa mga gantimpala. Sa tingin mo ba ang isang mananampalataya ay magtatamo ng walang hanggang gantimpala sa bawat mabuting gawang kaniyang ginawa sa pangalan ni Jesus (o nakaluluwalahati sa Diyos)? Sa madaling salita, sa kaniyang pamumuhay sa araw-araw siya ba ay nagtitipon ng ginto, pilak at mahahalagang bato sa langit para sa mga kabutihang kaniyang ginagawa?
Lagi kong naiisip ito ngunit maaaring ako ay mali.
Ngunit kung matatamo natin ang mga gantimpala sa ganitong pamamaraan, Biblikal ba ang sabihing ang mga gantimpalang ito ay may kasiguruhan? Na ang isang masamang gawa bukas ay hindi magiging dahilan upang maiwala ang isang gantimpalang natamo kahapon?
Bagaman at ang ibang mga gantimpala gaya ng pagkarinig kay Jesus na magsabing “Mahusay” at magharing kasama ni Cristo ay nakalaan lamang para sa mga nakatapos ng karera nang may kahusayan, mayroon bang mga gantimpala ang isang mananampalataya para sa mabubuting gawang kaniyang ginawa sa buong buhay niya na hindi niya maiwawala sa sandaling matamo niya ang mga ito?
Ang buhay na walang hanggan ay sigurado sa sandaling tayo ay manampalataya kay Cristo (Juan 3:16; 5:24; 6:35; 11:26). Ngunit paano naman ang mga walang hanggang gantimpala?
Tama si Jeff na tayo ay magtatamo ng walang hanggang gantimpala sa bawat mabubuting gawang ating ginagawa (kung tama ang motibo). Sabihin nating si Jeff ay nakagawa ng dalawampung mabubuting gawa noong Lunes, ngunit may nagawa ring siyang masasamang mga gawa. Bagaman at tayo ay mananagot sa ating mga gawa, mabuti man o masama (2 Cor 5:100, inaani natin ang walang hanggang gantimpala sa kabutihang ating ginagawa. Ang mga masasamang gawa ay hindi makakansela ang mga gantimpala para sa mabubuti nating gawa.
Tama rin siyang ang mga siguradong gawa ay tinatawag na “ginto, pilak at mahahalagang bato” ni Pablo sa 1 Cor 3:10-15. Ang mga ito ay hindi mabubuting gawa mismo. Ang mga ito ay mabubuting gawang may eternal na halaga. Maaari tayong makagawa ng inaakala nating mabuting gawa ngunit kinukunsidera ng Diyos na “kahoy, damo at dayami.” Ang mga gawang ito ay mga gawang walang eternal na halaga. Kung ikaw ay maglalaro ng limang oras ng golf, karamihan sa mga oras na ito ay kahoy, damo at dayami. Marahil ilang minuto sa mga panahong ito ikaw ay nagsasalita tungkol kay Cristo, nananalangin o nagdidili sa Kasulatan. Ngunit kung kayo ay kapareho ko, kapag kayo ay naglalaro ng golf, hindi ka nananalangin o nagdidili ng Kasulatan. Kahit ang pakikipagkwentuhan tungkol kay Cristo ay limitado, kahit pa isa ring mananampalataya ang iyong kalaro.
Ang huling talata ni Jeff ang susi. Ang ilang gantimpala ay nangangailangan ng pagtitiis hanggang sa katapusan ng ating Cristianong pamumuhay. Kabilang dito ang paghaharing kasama ni Cristo, pagtanggap ng Kaniyang papuri at pagsang-ayon, espesyal na damit na puti, natatagong manna, ang bunga ng puno ng buhay at isang espesyal na batong puti na may palayaw mong galing sa Panginoon mismo na nasusulat dito. Tingnan ang mga sitas gaya ng Mateo 24:45-51; 1 Cor 9:24-27; 2 Tim 2:12; 4:6-8 at Pah 2:26. Ang tawag ko rito ay mga premyo ng pagtitiis.
Ngunit ang ilan sa mga gantimpala, na tinatawag ni Jesus na kayamanang natatago sa langit, ay sigurado sa sandaling gumawa ka ng mabuting gawa na may tamang motibo. Sabi ni Jesus, “Magtipon kayo para sa inyong mga sarili ng kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok o kalawang ay hindi naninira at kung saan ang magnanakaw ay hindi maaagaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso” (Mat 6:20-21). Pansining sinabi ni Jesus na ang kayamanang ito ay sigurado. Hindi ito masisira o mananakaw. Hindi kinondisyon ng Panginoon ang kayamanang ito sa pagtitiis.
Tinatawag ko ang uri ng walang hanggang gantimapalang ito bilang wagi sa isang iglap.
Hindi sinabi ng Panginoon kung ano ang kayamanang ito o ilang kayamanan ang inyong makukuha sa isang partikular na uri ng mabuting gawa. Alam nating Siya ay matuwid at mabiyaya at gagantimpalaan Niya tayo nang patas at bukas palad.
Sa tingin ko- at ito ay isang espekulasyon- ang kayamanan ay magiging kayamanan. Ibig kong sabihin, ito ay aktuwal na mga bagay gaya ng ginto, pilak at mahahalagang bato. Sa tingin ko may ekonomiya sa kaharian ni Jesus. Kaya gagamit tayo ng pera upang bumili ng mga bagay na makapupuri sa Panginoon. Ang hula ko ay ang kayamanan ay isang uri ng eternal na trust fund. Makatatanggap tayo ng napakaraming pera kada buwan upang gamitin sa Kaniyang kaluwalhatian.
Iba naman ang mga gantimpala ng pagtitiis. Ang mga ito ay premyo ng pahaharing kasama ni Cristo, kabilang ang ilang mga pribilehiyong tataglayin ng mga maghahari.
Magandang tanong, Jeff.