Kamakailan nakita ko ang isang poster ng Apple Watch. Hindi ito patalastas. Sa halip, ito ay nagpapakita ng ibat’ ibang maliliit na piyesa ng relos, at may sipi mula sa nagtatag ng Apple, si Steve Jobs. Sinabi niya, “Narito tayo para mag-iwan ng marka sa sansinukob. Kung hindi, bakit tayo naririto?”
Hindi ko alam kung sinabi ni Steve Jobs ang pahayag na ito nang magsimula ang produksiyon ngunit ang punto ng poster ay malinaw. Ang maliit na relos na ito ay “nag-iwan ng marka sa sansinukob.” Sasang-ayon ang sanlibutan sa pahayag na ito. Ang mga relos at iba pang produkto ni Jobs gaya ng kaniyang smartphones ay nagkalat sa lahat ng lugar. Daang daang milyong tao ang nag-uubos ng maraming oras kada araw sa mga ito. Ginagamit nila ang mga ito sa halos lahat na aspeto ng kanilang buhay. Maraming bihasa ang nagsasabing ang mga aplikasyon sa mga gamit na ito ay nagresulta sa adiksiyon sa milyon-milyon. Ang mga oras na naubos sa mga ito ay nagresulta sa depresyon at maging sa pagpapakamatay. Marami ang hindi naiisip kung paano ang buhay kung wala ang mga ito.
Hindi sinuri ng poster ang negatibong aspeto ng mga kasangkapang ito. Sinabi nitong ang isang makinang magkakasya sa kamay ng isang tao ay bumago sa sanlibutan.
Si Steve Job ay isang henyo sa inobasyon. Sa kaunting nalalaman ko tungkol sa kaniya, hindi siya mananampalataya. Ngunit napapatanong ako kung natanto niya kung gaano kahangal ng kaniyang pahayag. Sa liwanag ng kalawakan ng “sansinukob,” nalalaman niya, sa pinal na pag-aanalisa, na ang kaniyang relos at iba pang imbensiyon ay walang kabuluhan. Alam niyang ang ating mundo ay isang maliit na alabok sa sansinukob na ito. Anong pagkakaiba kung gaano karami ang gumamit ng kaniyang relos o kung ilang buhay ang binago nito- kahit sabihin pang lahat ng ito ay para sa kabutihan? Hindi siya nag-iwan ng marka sa sansinukob. Ang sansinukob ay hindi naapektuhan sa anumang paraan. Naiisip kong ang kaniyang tanong- “Bakit tayo naririto?”- ay nagtulak sa kaniya sa depresyon. Ang depresyong ito ay pinalala ng katotohanang namatay siya sa murang edad mula sa kanser.
Ang BT ay naglalarawan ng ibang larawan ng sansinukob. Ang mga bagay ng sanlibutang ito ay minsang lilipas (2 Ped 3:11). Ngunit si Cristo ay darating at maghahari sa kabuuan nito. Matapos ang 1000 taon, lilikha Siya ng bagong sansinukob na Kaniyang paghaharian magpakailan man (Pah 20:4; 21:1-5). Ang lahat ng mga mananampalataya ay mabubuhay sa kahariang ito kasama Niya. Ngunit pinangako ng Haring lahat ng tapat sa Kaniya ay maghahari ring kasama Niya (Lukas 19:15-19; Roma 8:17; 2 Tim 2:12).
Ano ang itsura ng pagiging pinuno sa Kaniyang kaharian at sa bagong sansinukob? Anong mga bagong karanasan ang bahagi nito? Anong mga bagong “imbensiyon” ang ating makikita? Anong mga pagpapala ang dadalhin ng mga pinuno ng kahariang ito sa sansinukob? Sila ba ay lilikha ng mga bagay na luluwalhati kay Cristo at magdadala ng walang hanggang benepisyo sa lahat ng mga nasa kaharian? Walang pag-aalinlangang ang sagot sa huling tanong ay “oo.”
Ang BT ay nagbigay lamang sa atin ng pasilip sa mga bagay na ito. Maraming Cristianong manunulat ang tama sa pagpuntong ang mga gantimpala sa darating na kaharian ay mas dakila kaysa sa anumang ating kayang isipin.
Mayroon akong aaminin. Bagama’t wala akong Apple watch, mayroon akong smartphone. Ginagamit ko ito sa lahat ng oras. Hindi ako makakapagmaneho patungong pamilihan kung wala ito. Hindi ko alam kung paano ito umaandar, pero hanga ako.
Ngunit natatanto kong ito ay walang eternal na halaga. Gusto ba nating mag-iwan ng marka sa sansinukob na ito? Ang paraan upang magawa ito ay ang manampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan at ang maging tapat sa Kaniya. Ang magagawa ito ay maghaharing kasama Niya magpakailan man. Ito ang dahilan kung bakit narito tayo.


