Hindi kailangang maging iskolar ng Biblia upang malaman na ang Panginoon ay nag-aatas sa atin na maging maawain sa iba. Ang pagiging maawain ay hindi lamang nangangahulugang maging mapagpatawad sa iba. Bahagi rin nito ang pangkalahatang saloobing kung paano natin itrato ang mga tao. Ang maawaing mananampalataya ay hindi pumapabor sa isang mayamang tao kaysa sa mahirap, isang halimbawa.
Isang interesanteng aspeto ng pagiging maawain ay makikita sa Lukas 15. Sa kabanatang ito, ang Panginoon ay nagbigay ng tatlong parabula na konektado sa isa’t isa. Sila ay konektado ng mga salitang “nawawala” at “nasumpungan,” na nabanggit sa tatlo. Mayroong nawawalang tupang nasumpungan, nawawalang baryang nasumpungan, at nawawalang anak na nasumpungan.
Sa bawat parabula, mayroong kasiyahan kapag ang nawawala ay nasumpungan. Ang pastol ng unang parabula ay nanawagan sa kaniyang mga kapitbahay upang magsaya nang masumpungan niya ang nawawalang tupa. Ang babae ay nanawagan sa kaniyang mga kapitbahay upang magsaya nang masumpungan niya ang nawawalang barya. At sa huling parabula, ang ama ay nagdiwang nang ang nawawalang anak ay masumpungan.
Bagama’t ang mga parabulang ito ay madalas gamitin upang ituro na ang mga bagay na nawawala ay tumutukoy sa mga hindi mananampalataya at ang Diyos at ang mga anghel ay nagdidiwang kapag ang isang hindi mananampalataya ay nakarating sa pananampalataya, hindi ganito ang kasong ito. Ang nawawalang tupa, barya at anak ay lahat tumutukoy sa mananampalataya. Ang mga mananampalataya ay maaaring, at madalas oo, na mawalay sa landas ng pagsunod sa Panginoon. Kapag ginawa nila ito, sila ay “nawawala” sa pakikisama sa kanilang Ama sa langit. Bagama’t hindi mawawala ng mananampalataya ang kaniyang buhay na walang hanggan, ang intimasya sa Panginoon ay tunay na maaaring mawala. Ganito ang nangyayari sa nawawalang Cristiano.
Isa sa mga pangunahing punto ng mga parabula ay kapag ang mananampalataya ay nagsisi at nagbalik sa pakikisama sa Panginoon, ang Diyos ay nasisiyahan. Tila may pagdiriwang sa langit. Nang tawagin ng pastol at ng babae ang kanilang mga kapitbahay, ang punto ay dapat din ang mga mananampalatayang makibahagi sa kasiyahang nararanasan ng Ama kapag ang mananampalatayang naligaw ay “nasumpungan” sa pamamagitan ng pagbabalik ng intimasya sa Kaniya.
Subalit ang Parabula ng Nawawalang Anak ay nagpapakita na ang mga mananampalataya ay hindi laging tumutugon gaya nang nararapat. Nang ang anak ay bumalik sa kaniyang ama, at ang ama ay masayang masaya na ang kaniyang anak ay nasumpungan, hindi lahat ay masaya. Ang ama ay may isa pang anak, isang mas nakatatanda, na hindi nakibahagi sa pananaw ng ama sa mga bagay. Naiinis siya sa katotohanang nakabalik ang kaniyang kapatid sa bahay. Hindi siya handang lumahok sa pagdiriwang kasama ng mga nagsisiya. Malinaw na ito ay kabalintunaan ng pastol at ng babae na humikayat sa kanilang mga kapitbahay na makilahok sa pagdiriwang, nakikidiwang sa kanila sa katotohang nasumpungan ang nawawala. Sa huling parabulang ito, ang ama ay humihikayat sa kaniyang anak na lumahok din sa pagdiriwang.
Aminin nating ang anak na ayaw lumahok sa pagidiriwang ay kumukuha ng ating simpatiya. Naiinis siya na ang kaniyang kapatid ay iresponsable ang gawi. Bakit ang taong ito, na nagwaldas ng karamihan ng kaniyang buhay at kayamanan, ay dapat ipagdiwang? Tama ba na siya’y bigyang pansin at tapunan ng magarbong pagdiriwang? Paano nalaman ng ama na ang kaniyang dating alibughang anak ay hindi na babalik sa ganiyang pamumuhay. Marahit ang tapat na anak ay tama lang na masdan ang kaniyang kapatid nang may pagdududa at malaking tipon ng asin. Marahil maaari siyang patawarin kung wala siya sa diwang masaya.
Hindi ba natin nakikita ang saloobing ito sa karamihan sa mga iglesia ngayon? Kapag ang mananampalataya ay nahulog sa malalim na kasalanan, marami ang nagbubuod na ang nahulog sa kasalanan ay hindi naman talaga tunay na mananampalataya. Sa maraming kaso, ang mga nasa iglesia ay nagdududa sa mga motibo ng mga mananampalatayang bumalik. Lalo na kung siya ay paulit-ulit na nagkakasala, maraming mananampalataya ang hindi masaya sa hinaharap ng isang mananampalatayang nag-aangking nakita ang kamalian ng kaniyang buhay.
Anuman ang ating sabihin sa saloobin ng nagsising mananampalataya, isang bagay ang tiyak. Ito ay hindi maawain. Mayroon tayong tendensiya sa ating mga laman na hatulan nang may kabangisan ang iba, at isiping tayo ay higit na mabuti kaysa kanila. Nakalilimutan nating ang paglago upang maging kahawig ni Cristo ay isang proseso. Minsan, ang mga mananampalataya ay lumiliko sa ibang daanan. Dapat nating masdan ang mga halimbawang ito nang may kalungkutan. Ngunit kapag ang mananampalatayang ito ay bumalik sa kaniyang sarili at nagnasang lumakad kasama ang Panginoon, hindi natin dapat masdan ito nang may mapaghusga at mapagdudang kaisipan. Dapat magi tayong kagaya ng ating Panginoon mismo. Dapat tayong makidiwang nang may maawaing pagsasaya.