Isang mambabasa mula sa Latvia, M. A., ang nagtanong:
Hello mga kaibigan!
Naiintindihan ko ang inyong argumento na hindi maiwawala ng isang Krstiyano ang kaniyang kaligtasan sapagkat ang “buhay na walang hanggan” sa Juan 3:16 ay nangangahulugang buhay na hindi matatapos- samakatuwid isang buhay na hindi mawawala. Ngunit bakit hindi maaari na ang “buhay na walang hanggan” sa Juan 3:16 ay tumutukoy sa buhay sa langit? Sa ganiyang pag-unawa, ang ibig lamang sabihin ni Jesus ay: “Ang sinumang sumampalataya sa Akin ay may lugar na nakatalaga sa langit o maninirahan magpakailanaman doon o may buhay na walang hanggan doon.” Ako ay nagugulumihanan sa paliwanag na ito dahil kasama ng pagkaunawang ito ang pagkawala ng katiyakan ng kaligtasan.
Gusto ko ang tanong na ito.
May dalawang baitang sa tanong na ito.
Una, maaari ba ang pagkaunawa ba na minungkahi ni M. A. sa Juan 3:16?
Hindi. Ang pagkaunawang ito ay hindi maaari sapagkat binabanggit ng Panginoon Jesus ang buhay na walang hanggan bilang isang pangkasalukuyang pag-aari, hindi isang bagay na ating matatamo kapag tayo ay namatay. Ikumpara ang Juan 5:27; 6:47.
Kapag ang isang tao ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, taglay na niya ito. Hindi na niya kailangang mamatay upang tamuhin ito.
Pangalawa, kung ang sinuman ay maniwala na ang Juan 3:16 ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan sa langit kapag tayo ay namatay, siya ba ay maipapanganak na mag-uli sa pananampalatayang iyan?
Depende. Ayon kay M. A. ang pag-unawa na iyan ay nag-aalis ng katiyakan. Malinaw na tinutukoy niya ang mga Arminian na nagsasabing ang Juan 3:16 ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan kapiling ang Diyos sa langit kung hindi lamang tayo mananampalataya kay Jesus, ngunit susunod din sa Kaniya buong buhay natin. Kung ang sinuman ay nag-aakala na ang Juan 3:16 ay pangako ng buhay na walang hanggan sa langit kung tayo ay magpapatuloy sa pananampalataya at mabubuting gawa, kung ganuon tinanggihan niya ang sinasabi ng Panginoon sa tekstong ito.
Ngunit may mga taong ang pagkaunawa ay ang Juan 3:16 ay isang garantiya ng buhay na walang hanggan kasama si Jesus sa lahat ng nagsisampalataya lamang kay Jesus. Bagama’t ang Juan 3:16 ay hindi patungkol sa kung saan tayo maglalagi magpakailan man, ang ganiyang pag-unawa ng Juan 3:16 ay nanghahawak sa katotohanang ang mga mananampalataya ay hindi mapapahamak ngunit maninirahang kasama ng Panginoon sa Kaniyang kaharian.
Ang ebanghelismo na pinakikita sa Bagong Tipan ay laging nakakundisyon sa pananampalataya kay Jesus, ngunit ang resulta minsan ay buhay na walang hanggan, minsan kaligtasan, at kung minsan paghahayag na matuwid. Ang malinaw na punto ay kung tayo ay manampalataya kay Jesus, tayo ay may tiyak na eternal na hantungan. Kung ang sinuman ay may pagkaunawa na ang buhay na walang hanggan sa Juan 3:16 ay isang garantiya ng tahanan sa langit, nakuha niya ang punto. Hindi ito kapareho ng buhay sa ngayon, ngunit napanghahawakan nito ang eternalidad ng kaligtasan, at iyan ang mahalagang punto.
Ang tagapamahala ng kulungan ay nagtanong, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas? (Gawa 16:30). Ang sagot ni Pablo ay, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas…” (Gawa 16:31). Ang kaligtasan dito ay buhay na walang hanggan ngunit hindi na ito binaggit ni Lukas. Ang isang tao ay maaaring maniwala na minsang maligtas, ligtas kailanman ngunit nag-iisip na ito ay magsisimula pagkamatay. Mali siya sa pag-iisip na ito ngunit siya ay pinanganak na muli.
Si Cornelio ay inatasang ipatawag si Simon Pedro na “siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo” (Gawa 11:14). Nang patapos na si Pedro ng kaniyang mensahe ang sabi niya, “Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa’t sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan” (Gawa 10:43). Sa sandaling iyan, si Cornelio at ang kaniyang sambahayan ay nanampalataya kay Jesus sa kanilang kaligtasan at pinanganak na muli (Gawa 10:44-48). Naunawaan nila na ang kapatawaran ng kasalanan ay naganap kapag ang isang tao ay naligtas (Gawa 11:14). Ngunit walang indikasyon na narinig nila ang espisipikong pahayag na buhay na walang hanggan. Ang manampalataya kay Jesus sa kaligtasan ay kapareho ng pananampalataya sa Kaniya sa buhay na walang hanggan.
So Pablo ay nagtuturo ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya lamang (Gawa 13:39). Ang pananampalataya sa mensaheng ito ay katumbas ng pananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan.
Sa aming taunang kumperensiya nuong 2006, nagbigay ng mga mensahe sina Zane Hodges at Bob Bryant na ang isang tao ay kailangan manampalataya sa pangako ng buhay na walang hanggan upang makamit ang buhay na ito. Hindi nila sinabi at hindi rin nila pakahulugan na maliligtas ka lamang kung marinig mo ang espisipikong pangako ng buhay na walang hanggan. Ngunit mayroon sa kumperensiya na tumutol. Nilinaw ni Hodges at ni Bryant na ang ibig nilang sabihin ay kailngang manampalataya ang isang tao sa eternalidad ng buhay na natanggap. Maaari itong maunawaan bilang walang hanggang kaligtasan, katuwiran na hindi maiwawala, tiyak at walang hanggang relasyon sa Diyos, buhay na walang hanggang hindi maiwawala, o kahit isang garantisadong tahanan sa langit magpakailan man (kahit pa na ang tahanan ng mga mananampalataya sa hinaharap ay ang bagong lupa, at hindi ang ikatlong langit, gaya ng pinakikita ng Pah 21-22).
Salamat sa isang napakagandang tanong M. A. Lubos akong nasisiyahan na ang aming ministeryo ay nakarating sa Latvia at sa buong mundo.