Ilang taon bago ang kaniyang pagyaon mula sa buhay na ito noong 2008, ibinahagi sa akin ni Zane Hodges sa isang liham ang isang pahayag na kaniyang ginawa:
“May malaki’t mala-bangin na pagkakaiba sa pagitan ng pagsasabi ng dalawang bagay na ito:
(1) Ligtas ka ngayon.
(2) Ligtas ka magpakailan man.”
Idinagdag niya na ang pangalawang mensahe “ay ang ebanghelyo ayon kay Jesucristo na ating Panginoon.”
Nang ako ay tauhan pa sa Campus Crusade for Christ, minsan gumagamit ako ng tanong na lumalabag sa sinasabi ni Zane. Magtatanong ako, “Kung mamatay ka ngayong gabi, at tinananong ka ng Diyos, ‘Bakit kita papapasukin sa langit,’ ano ang iyong sasabihin?” Mabuti ang aking intensiyon. Ngunit hindi sapat ang pokus ng aking tanong.
Ang dapat na tinanong ko ay, “Kung mamatay ka apatnapung taon mula ngayon, sa panahong ikaw ay lasenggerong hindi nagsisi, at hindi nakabalik sa iyong iglesia sa loob ng isang dekada, ano ang iyong sasabihin kapag ang Diyos ay nagtanong, “Bakit kita papapasukin sa langit?’”
Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng isang halimbawa galing sa tunay na buhay. Ang ina ng isang miyembro ng lupon ng GES, Bernie Hunsucker, na si June Blackwell (ngayon ay kasama na ng Panginoon), ay may sinabi sa akin nang siya ay walumpung taon tungkol sa isang nars na kaniyang binahagian. Sinabi niya sa nars ang tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesus at ang pangako ng buhay na walang hanggan kung siya ay mananampalataya sa Kaniya para rito. Nagtanong si June, “Sinasampalatayahan mo ba ito?” Ngumiti ang nars at nagsabing oo. Ngunit hindi pa tapos si June, “Paano kung nakapatay ka apatnapung taon mula ngayon at namatay bago magsisi? Saan ka pupunta?” Sumagot ang nars, “Pupunta ako sa impiyerno.” Ang sagot ni June ay napakahalaga, “Ulitin nating muli. Hindi mo pa rin nauunawaan na ang buhay na walang hanggang ipinangako ni Jesus sa mga sumampalataya sa Kaniya ay tumatagal magpakailan pa man.”
Tama si Zane. Daang daang milyong mga tao sa mundo ngayon ang kumbinsido na ligtas sila sa ngayon. Naniniwala silang kung mamatay sila ngayong gabi, habang mabubuti ang kanilang mga gawa, tutungo sila sa langit. Ngunit hindi sila naniniwala sa pangako ng Juan 3:16 na ang mananampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. Naniniwala silang maaari silang mapahamak at ang anumang kaligtasang mayroon sila ay maaaring mawala.
Dapat ba nating sabihin sa kanila na ang mananampalatay ay ligtas magpakailan pa man? Siyempre. Ganito ang sinabi ng Panginoong Jesus. Paulit-ulit (eg Juan 3:16; 5:24; 6:35, 47; 11:25-26). Ganuon din ang mga apostol (Gawa 16:31; Ef 2:8-9; San 1:18; Pah 22:17).
Ang tao ay hindi ligtas sa pananampalatayang binibigyan siya ni Jesus ng pagkakataong makapasok sa langit kung siya ay magtitiis sa pananampalataya at mabubuting gawa. Ang tao ay ligtas minsan at magpakailan pa man sa sandaling siya ay manampalatayang si Jesus ay naggagarantiya ng buhay na walang hanggan dahil sa pananampalataya sa Kaniya. Nananatili siyang tiyak na may buhay na walang hanggan habang siya ay patuloy na nananampalataya sa pangako ng buhay. Ngunit kahit tumigil siyang manampalataya nanatili siyang ligtas magpakailan pa man. Walang kabit na tali.
Ano nga ba? Ikaw ba ay ligtas ngayon? O ikaw ba ay ligtas magpakailan pa man? Malaki ang pagkakaiba ng kung ano ang iyong paniniwalaan.