At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig ay tinatanggap na may galak ang salita at ang mga ito’y walang ugat na sila sa sangdaling panaho’y nagsisampalataya at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.
Ang Panginoon ay madalas magturo sa pamamagitan ng parabula. Ginawa Niya ito upang itago ang katotohanan mula sa mga nagtakwil sa Kaniya at ihayag ito sa mga masikap na naghahanap sa Kaniya.
Ang “Parabula ng Apat na Lupa” ay nagsasabi ng kwento ng apat na magkakaibang tugon sa Salita ng Diyos. Ang unang lupa ay hindi nanampalataya at hindi ligtas. May pagkakaisa sa pagsang-ayon ang mga komentarista at teologo sa puntong ito.
Ang ikaapat na lupa ay nanampalataya at ligtas. Muli, lahat ay sang-ayon.
Ngunit paano ang ikalawang lupa, ang mabatong lupa? Ito ba ay kumakatawan sa mga ligtas na tao o sa mga hindi ligtas?
Maraming komentarista ang nagsasabing ang mananampalataya sa mabatong lupa ay hindi ligtas. Narito ang ilan sa mga kumakatawang pahayag mula sa mga komentaryo:
“Ang katotohanang sila ay nanampalataya pansamantala ngunit… nahulog ay nangangahulugang sila ay tumanggap lamang ng katotohanan ng Salita sa isipan at tinakwil ito nang “ang paglalakbay ay naging magaspang.” Hindi ito nangangahulugang naiwala nila ang kaligtasan sapagkat wala silang maiwawala” (John Martin, “Luke,” sa The Bible Knowledge Commentary, p. 225).
“Siya [si Lukas] ay nagpapakitang mayroon siyang maikling pagtitimpi sa mga nagsisigasigan o nakikiuso na nagtataguyod lamang ng isang layunin habang ang mga ito ay nagbibigay sa kanila ng kasiyahan” (Joseph Fitzmyer, Luke I-IX, p. 714).
“Ang kritisismo ay hindi nakatuon sa kalidad o uri ng pananampalatayang taglay ng tagapakinig. Ang problema ay nanghawak lamang sila sa pananampalatayang ito “sa sandaling panahon;” ngunit gaya nang minumungkahi ng natitirang bahagi ng teksto at ng buong mensaheng kanonikal, ang pananampalatayang ito ay hindi nagliligtas na pananampalataya” (Robert Stein, Luke, p. 246).
“Ang mga binhi sa batuhan ay kumakatawan sa mensaheng nahulog sa puso ng isang tao ngunit hindi malalim ang pagkabaon. Mayroong inisyal na tugon, ngunit sa kahulihan ang tukso’y naging dahilan upang iwan ng taong iyan ang inisyal na tugon. Ang inisyal na reseptibidad at maikling panahong pananampalataya ay sinusundan kalimitan ng pagkahulog. Ang ugnayang nilikha ng salita sa simula ay hindi nagtatagal. Pareho ang Luma at Bagong Tipan nanagbibigay ng matinding babala tungkol sa konsekwensiya ng pagkahulog o paglayo mula sa pananampalataya (Jer 3:13-14; Dan 9:9; 1 Tim 4:1; Heb 3:12). Si Jesus ay hindi nagbibigay ng kaaliwan sa taong kinakatawan dito; kaniya lamang pinansing may signipikansiya na ang binhi ay hindi kailan man namunga” (Darrell Bock, Luke, s.v., Luke 8:14-21).
Naniniwala akong may tatlong mabubuting dahilan upang isiping ang mga mananampalataya sa mabatong lupa ay kumakatawan sa mga taong pinanganak na muli.
Una, tanging ang lupang ito ang espisipikong binanggit ng Panginoon na nanampalataya. Kahit ang mabuting lupa ay hindi espisipikong sinabing nanampalataya. Subalit, ang parabula ay nagpapahiwatig na ang ikalawa, ikatlo at ikaaapat na lupa ay nanampalatayang lahat. Ayon sa mga salita ni Jesus sa Lukas 8:12, ang sinumang manampalataya ay ligtas.
Ikalawa, ayon sa Juan 3:16 at iba pang sitas sa Juan at sa natitirang bahagi ng BT, sa sandaling ang isang tao ay manampalataya kay Cristo, siya ay ginarantiyahan na hindi mapapahamak at mayroong taglay na buhay na walang hanggan (cf. Juan 5:24). Ang ikalawang lupa ay nanampalataya. Ito man ay sa isang araw lamang o sa isang dekada, sa sandaling ang isang tao ay naligtas, siya ay nananatiling ligtas. Walang hinihinging panahong nagsasabi kung gaano katagal ang isang tao dapat manampalataya bago siya magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ikatlo, ang dahilan kung bakit inagaw ni Satanas ang binhi ay “upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas” (Lukas 8:12). Naniniwala si Satanas sa eternal na seguridad. Alam niyang sa sandaling ang isang tao ay manampalataya, hindi na siya mamamatay espirituwal (Juan 11:26a). Dapat din nating malaman ito.
Bakit karamihan sa mga komentarista at mga teologo hindi nakikita ang malinaw sa parabulang ito? Ito ay dahil sila ay kumbinsidong tanging ang mga nagtitiis sa pananampalataya at mabubuting gawa ang makapapasok sa kaharian ni Cristo. Samakatuwid, dahil sa ang mga ikalawang lupang mananampalataya ay hindi nakatiis, sila ay hindi ligtas o kaya naiwala nila ang kanilang kaligtasan.
Ang problema sa kaisipang ito ay sinasalungat nito ang Panginoong Jesucristo. Dapat nating maunawaan mula sa Juan 3:16 na ang tanging kundisyon ng buhay na walang hanggan ay pananampalataya kay Cristo. Sa sandaling ang isang tao ay manampalataya, siya ay ligtas magpakailan pa man. Ang kaligtasan ay pinal sa sandali ng pananampalataya kay Cristo. Ang pagtitiis ay inuutos ngunit ang walang hanggang hantungan ng isang tao ay hindi maiwawala sa kabiguang magtiis.
Tumutungo ka ba sa Juan 3:16 upang madetermina ang iyong pananaw ng kung ano ang dapat gawin ng isang upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? O tumutungo ka sa Col 1:21-23, San 2:14 o 2 Tim 2:12? Kung tutungo sa sa mga sitas na ito tungkol sa sanktipikasyon upang buuin ang iyong pananaw ng pag-aaring matuwid at kapanganakang muli, at ipatong ang pagkaunawang ito sa mga sitas tungkol sa pag-aaring matuwid at kapanganakang muli, iyong itinakwil ang Salita ng Diyos.
Ang lahat ng nanampalataya sa Panginoong Jesus para sa buhay na walang hanggan ay ligtasi. Iyan ang katotohanan ng evangelio. Naniniwala ka man o hindi, totoo iyan.
______
- Sinulat ni Al Valdez, “Ang katotohanang ang mga ito ay ‘nahulog’ ay nagpapahiwatig nang nakaraang pakikilahok sa pag-aalagad at proseso ng paglago. Ginagarantiyahan ng Diyos ang walang hanggang kaligtasan bilang regalo sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, ngunit ang proseso ng pagiging alagad, bagama’t nakaugat sa biyaya ng Diyos, ay humihingi ng pananampalataya at mabubuting gawa- pagpapagal at kooperasyon sa pagsunod sa Kaniya” (“Luke” sa The Grace New Testament Commentary, p. 264).