Panimula
Paborito ng nakararami ang Filipos 4:13: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.” Si Tim Tebow ay inilalagay ang Fil 4:13 sa ilalim ng kaniyang mata bago maglaro ng football. Si Jon Jones na dating kampeon sa heavyweight ng UFC, ay tinatoo ito sa kaniyang dibdib.
Maraming tao ang mahal ang sitas na ito ngunit minahal nila ito sa maling dahilan.
Kapag inunawa sa konteksto, ang aktuwal na kahulugan at aplikasyon ng sitas na ito ay malayo sa iniisip ng karamihan.
Pasalamat sa Kanilang Mapagbigay na Suporta (Fil 4:10)
Ang Filipos 4:13 ay bahagi ng sulat pasasalamat ni Pablo sa mga taga-Filipos. Gaya ng ating makikita, ito ay dapat tandaan sa tamang pag-unawa.
Dito pinasasalamatan ni Pablo ang iglesia sa Filipos sa kanilang pinansiyal na suporta sa kaniyang ministeryo: “Datapuwa’t ako’y totoong nagagalak sa Panginoon , na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na ditoy’ katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni’t kayo’y nagkulang ng mabuting pagkakataon.”
Madalas nating isipin na ang paglilingkod Kristiyano ay panalangin, pagtuturo ng Biblia, pagbabahagi ng ebanghelyo at iba pang espiritwal na mga bagay. Lahat iyan ay totoo. Ngunit ang pinansiyal na suporta ay paglilingkod din. Nuong unang siglo kailangan ang salapi para makapaglingkod sa Panginoon. Iyan ay totoo pa rin hanggang ngayon.
Nasisiyahan/Kuntento Maging sa Kasaganaan o sa Kagutuman (Filipos 4:11-13)
Hindi natin maiintindihan ang Biblia kung kukunin natin ang mga salita nito labas sa konteksto upang ipakahulugan ang bagay na hindi naman nito sinasabi.
Ang Filiipos 4:13 ay hindi nagsasaad na lahat ng Kristiyano ay maaaring maging siyentipiko. Hindi ibig sabihin na ang lahat ng Kristiyano ay maaaring maglaro sa NFL. Hindi ito nangangahulugan na kapag ikaw ay KRrstiyano, at sumubok ka nang mahusay mararating mo kung ano man ang iyong naisin.
Ang kahulugan ng Filipos 4:13 ay malinaw kapag ito ay ating binasa sa kaniyang konteksto, nangangahulugan ito na kailangan nating basahin ang mga sitas bago nito at pagkatapos nito.
Ang v 11-12 ay pinapakita na ang “lahat ng bagay” na tinutukoy ni Pablo sa v 13 ay ang kakayahang umangkop sa kahirapan (at kakulangan materyal) at sa pagkakaroon ng kayamanan (at karangyaan).
Natutunan ng Apostol Pablo na “masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan” (Fil 4:11). Si Pablo ay may kasiyahan maging siya man ay may marami (busog at sagana) o kaunti (kababaan, gutom o nangangailangan). Nasa maganda man o hinding kalusugan, kuntento si Pablo. Malaya man siya o nakakulong (at nakukulong siya ng sinulat niya ito), kuntento siya.
Si Gordon Fee ay may isang napakahusay na puntos ditto:
Si Pablo ay hindi nagsasaya sa isang kalagayan (kasaganaan) o nagrereklamo sa kabila (kakulangan)… Kabalintunaan ng mga Cynic, hindi niya pinili ang “kakulangan” bilang gawi ng pamumuhay, upang maipakita na siya ay kuntento; sa halip natutunan niyang tanggapin ang anumang bagay na dumating sa kaniyang harapan, sapagkat nalalaman niyang ang kaniyang buhay ay hindi nadidiktahan ng alin sa dalawa. Ang kaniyang kaugnayan kay Kristo ay nagpapawalang kabuluhan ng alin man sa dalawang ito (Philippians, p. 186).
Samakatuwid nang sinabi ni Pablo na “Magagawa ko ang lahat ng maga bagay…” ang ibig niyang sabihin ay, “Kaya kong harapin ang hindi magandang pangyayari at ang magagandang pangyayari sa aking buhay sa papamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.” Ang punto ni Pablo ay kabaligtaran ng mensahe ng prosperity gospel (ebanghelyo ng kasaganaan).
Tandaan natin na si Pablo ay nakukulong sa Roma habang sinusulat niya ito. Ang kaniyang mga pangunahing pangangailangan ay natutugunan. Sinabi niya sa v18 na siya ay “sumasagana” dahil sa kanilang suporta. Ngunit hindi siya nakatira sa isang four star hotel at hindi siya nabubuhay sa karangyaan. Siya ay nakukulong sa kaniyang tahanan bago siya iharap kay Caesar para hatulan. Ang kahatulan an iyan ay maaaring mag-uwi sa kaniyang kalayaan o sa kaniyang kamatayan.
Hindi sinasabi ng Filipos 4:13 na ikaw o ako ay maaaring maging Pangulo ng Estados Unidos. Hindi nito sinasabi na sa edad ng 64 maaari akong maglaro sa NBA. Hindi nito sinasabi na si Shawn Lazar1 ay makatatakbo ng isang milya sa ilalim ng apat na minuto. Hindi nito sinasabi na si Mark Gray ay magiging matagumpay na mang-aawit at magkakaroon ng maraming gintong records. Hindi nito sinasabi na si Bethany Taylor ay maaaring maging kampeon na manlalaro ng UFC. Ang ibig sanihin nito ay higit na maigi kaysa diyan. Higit na maigi. Nangangahulugan ito na maabot mo man o hindi ang iyong mga pangarap, mahaharap mo ito. Mahaharap mo ang maganda at hindi magandnag mga bagay dahil si Kristo ang nagpapalakas sa iyo. Ibig sabihin kaya mong harapin ang kasaganaan at kaya mong harapin ang kakulangan. Sa anumang kalagayan ang Panginoong Jesus ay nagbibigay sa iyo ng lakas upang harapin ang mga ito sa paraang nakakaluwalhati sa Kaniya.
Ang Kanilang mga Kaloob ay Pakikipag-isa sa Ebanghelyo (Filipos 4:14-17)
Masdan kung paano ang v14 ay sinusuportahan ito. Bagama’t kaya ni Pablo na harapin ang kakulangan o kasaganaan, “gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo’y makiramay sa aking kapighatian.”
Ang punto ay huwag natin isipin, “Ang kapatid na si ganito at ganito ay nasa tunay na pangangailangang pinansiyal ngayon at makaaahon siya dito tulungan ko man siya o hindi, kaya hindi ko siya tutulungan kahit sa totoo lang may magagawa ako.” Hindi, mabuti ang ating gawain kung tutulungan natin ang mga kapatid natin na nangangailangan, ang pangangailangan man nila ay gulong ng sasakyan, pagkain, damit o pantulong sa kanyang ministri. Mabuti ang ating gawain kung tayo ay makikibahagi sa paghihirap ng iba. Ikumpara sa Santiago 2:15-16.
Ang v 14 ay tungkol sa kanilang pakikilahok sa ministeryong ebangheliko ni Pablo: “Mabuti ang inyong ginawa na kayo’y nakiramay (sunkoinoneo) sa aking kapighatian.”
Itinuloy ng v 15 ang tema ng kanyang pagpapasalamat sa pagsuporta ng iglesia ng Filipos. Sa pasimula ng ebanghelyo ni Pablo walang ibang iglesia na “nakipag-isa (koinoneo) sa akin sa (lit “sa bagay ng”) pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang.”
Ayon kay Marvin Vincent sa kaniyang komentaryo,
“[Walang ibang iglesia]…ang nakipag-isa kay [Pablo] tungkol sa bagay ng pagkakaloob at pagtanggap.” Ang bagay na ito ay hinayag sa metapora ng kalakalan…. Ang mg taga-Filipos, sa kanilang kaloob, ay “nagbukas ng account” kaisa ni [Pablo] (Philippians, p. 148)
Ang salitang “pakikipag-isa sa v 14-15 ay isang salita ng pakikisama. Ikumpara sa Filipos 1:5. “Ako’y nagpapasalamat sa aking Diyos… sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon;”
May isang bansa na ang pangalan ay Macedonia ngayon. Ang sinaunang Macedonia ay bahagi ngayon ng anim na bansa sa Balkan: Greece, Macedonia, Bulgaria, Albania, Serbia (ang aking bayan), at Kosovo. Ang Filipos ay isang lunsod sa silanganang Macedonia.
Unang nangaral si Pablo sa Europa nang siya ay tumungo sa Filipos pagkatapos ng pangitain sa Macedonia na natala sa Gawa 16:9. Sa v 15 binanggit niya ang paglisan niya sa Macedonia. Tanging ang iglesia nila ang sumuporta sa kaniya sa pinansiyal na bagay.
Ayon sa Gawa siya ay tumungo pagkatapos sa Tesalonica (na hanggang ngayon ay nakatayo pa). Sa v16 sabi ni Pablo, “Sapagkat sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.”
Sa v 17 pinahayag ni Pablo ang kaniyang pilosopiya sa suporta. Hindi niya sinabi na hindi siya naghahanap ng suporta. Sa halip, ang sabi niya, bagama’t nalulugod siya sa suporta, ang tunay na hinahanap niya ay para sa mga nagbigay ang “bunga na dumadami sa ganang inyo.”
Ang salitang “ganang inyo” ay logos. Madalas itong isalin na salita, ngunit dito ay tumutukoy sa isang account sa langit. Ito ay isang paalala sa Mateo 6:19-21. Kung tayo ay magtitipon ng kayamanan sa langit, ito ay pumapsok sa “account” na binabanggit ni Pablo. Sa madaling salita, ang kanilang suporta sa kaniyang ministri ay magreresulta sa eternal na gantimpala para sa mga mananampalataya ng Filipos.
Ang parehong salita ay ginamit sa v 15: “sila ay nakiisa sa bagay (logos) ng pagkakaloob at pagtanggap.” Sa madaling salita, nang sila ay magbigay ng salapi upang tulungan siya sa kaniyang ministri, sila ay nakikibahagi rin sa kaniyang gantimpala.
Ang komento ni Gordon Fee:
Sila mismo ang “gantimpala” ni Pablo sa mga huling araw (2:16; 4:1); ang kanilang kaloob sa kaniya ay may resulta ng pagtitipon ng interes patungo sa kanilang gantimpala sa mga huling araw. Ang kanilang kaloob na tumutugon sa kaniyang pisikal na kalusugan ay nagpapakita nang tunay na kalagayan ng kanilang espiritwal na kalusugan (Philippians, p . 190, ang diin sa kaniya).
Kung ikaw ay nakapag invest ng salapi, alam mo na halos kahit anumang investment ay maaaring bumaba o tumaas. Ang mga stocks ay kalimitang tumataas. Ngunit minsan sila ay bumababa ng halos 33% o higit pa sa isang taon (eg. 2008). Ang mga lupa at bahay ay kalimitang tumataas sa halaga. Ngunit minsan sila ay bumabagsak. Ang ginto at pilak ay ilang taon na maganda ang halaga, ngunit nang nakaraang taon bumagsak sila nang husto. May mga investment na mas mahusay kaysa sa iba.
Ganuon din sa espiritwal na investments. May mas mahuhusay na investments kaysa iba.
Kung tayo ay pipili nang matino, tayo ay may kasiguraduhan nang magandang katayuan sa Luklukang Hukuman ni Kristo dahil sa ating pagsuporta sa mga iglesia at sa mga minsistri na wasto ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Iyan ang susi. Si Pablo ay isang tapat na mangangaral. Samakatuwid ang suportahan siya ay isang malaking investment.
Ayon kay Vincent, “Bawat gawa ng paglilingkod Kristiyano ay nagpapayaman at nagpapaunlad sa kaniyang gumagawa nito” (Philipppians, p. 149).
Ayon kay Ralph Martin, “sa huling araw ang mapagbigay at walang hinihinging paglilingkod na nagpapahayag ng kaniyang sarili sa praktikal na suporta pinansiyal ay hindi malilimutan at gagantimpalaan (cf 1:11) (Philippians, p. 183)
Babala: maaari tayong mag-invest nang hindi maganda. Ang pagbibigay sa ministri na hindi wastong nagpapahayag ng salita ng Diyos ay isang hindi magandang investment. Halimbawa isang sikat na mangangaral sa TV ang ngayo’y nasa mainit na tubig dahil sa nais niyang makatipon ng $70 milyon para makabili ng sarili niyang Gulfstream jet. Ilang taon na ang nakalipas, ang PTL Club ay nalagay sa gulo dahil sa paggamit ng pera ng mga donor upang gamitin sa luho at makasalanang pamumuhay, kabilang na ang pabili ng bahay ng aso na may aircon at pagkakaroon ng kabit. Ang pagbibigay sa mga ministry na gaya nito ay hindi saiyo magbibigay ng kapurihan sa Bema, samakatuwid makababawas ito sa kapurihan na iyo sanang natanggap kung ikaw ay naging marunong sa pag-invest. 2
Binibigay ng Diyos ang Pangangailangan ng mga Mapagbigay (Filipos 4:18-20)
Sa v 17 binanggit ni Pablo ang mga gantimpala sa Bema na matatanggap ng mga mananampalataya sa kanilang mapagbigay na pagsuporta sa malinaw na ministry ng ebanghelyo. Sa v 18 kinabit ni Pablo ang mga gantimpalang ito sa hinaharap sa katotohanan na ang kanilang mga gawa ay nakalulugod sa Diyos.
Sa v 18 binalikan ni Pablo ang puntong kaniyang sinimulan sa v 12. Sa ngayon siya ay busog dahil sa kaloob na binigay nila sa pamamagitan ni Epaphroditus. Pansinin na hindi niya sinabi na ito ay nakalulugod sa kaniya lamang. Sabi niya ang kaloob ay “nakalulugod sa Diyos”.
Ito ang nagtulak kay Pablo na magbigay diin sa Diyos sa natitirang bahagi ng sitas.
Sa v 19 pinaalala ni Pablo ang kasalukuyang gantimpala, “At pupunan ng aking Diyos ang bawa’t kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.”
Hindi ito nangangahulugan na sila, o tayo man, ay magiging mayaman. Hindi ito tumutukoy sa mga bahay, mga kabayo, o sa lenggwahe ngayon, mga kotse. Ang ibig sabihin nito ay ang Diyos ang tutugon sa kanilang pangunahing pangangailangan ng pagkain, pananamit at matutuluyan.
Ang v 20 ay isang papuri. Kaluwalhatian sa Diyos.
Ayon kay Gordon Fee,
Ang tunay na teolohiya ay nahahayag sa pagpupuri. Ang pagpupuri ay laging tamang pagtugon sa Diyos kahit na- lalo na?- bilang katugunan sa pagtulak ng Diyos sa mga kaibigan na maglingkod sa kanilang mga kaibigan (Philippians, p. 193).
Ang Mga Pagbati sa Biyaya ni Pablo (Filipos 4:21-23)
Una, binati ni Pablo ang lahat ng mga mananampalataya ruon.
Panagalawa, nagpadala siya ng pagbati mula sa lahat ng mga mananampalataya na nakakulong na kasama niya sa Roma.
Pangatlo, pinaabot niya ang pagbati ng “mga banal, lalong lalo na ng mga kasangbahay ni Caesar.” Malinaw na dinala ni Pablo ang ilan sa kaniyang mga bantay at marahil pati kasambahay ni Caesar sa pananampalataya kay Kristo! Sila man ay bumabati sa mga taga-Filipos.
Ayon kay Vincent, ang salitang kasangbahay “ay hindi nangangahulugan ng mga miyembro ng pamilya ng emperador, ngunit ang buong tagapangalaga ng tirahan ng emperador- mga alipin, mga malalaya, mga lingkod sa bahay, at iba pang umaasa, marahil ay may mataas na ranggo” (p. 153).
Ang komento ni Gordon Fee sa pagbati na ito sa mga taga-Filipos,
Ang “salita ng buhay” na pinanghahawakang mariin ng mga taga-Filipos (Fil 2:15-16) ay nakapasok na sa puso ng Imperyo. Mayroon na silang mga kapatid na babae at lalaki sa sambahayan ni Caesar, na nasa kanilang panig, at ngayon ay nagpapadala ng kanilang pagbati; samakatuwid ang Tagapagligtas na kanilang hinihintay (3:20) ay titipunin ang nagkailan mula sa sambahayan ni Caesar at ang nagkailan sa FIlipos ni Caesar sa Kaniyang pagbabalik (Philipppians, p. 196, dinagdag ang diin).
Ang huling sitas (v 23) ay pagpapaabot ni Pablo ng biyaya ng Diyos sa kanila.
Mga Paglalapat
May limang lehitimong paglalapat ang Fil 4:13 at ang konteksto nito gaya ng sumusunod:
- Mahustuhan sa kung anong meron ka, marami man o kaunti, ito man ang iyong inaasahan o hindi.
- Magpasalamat sa Diyos dahil sa lahat ng tumulong sa iyong buhay at ministry.
- Kilalaning hindi ka ginagarantiyahan na magigi kang masagana, malusog o “matagumpay” sa buhay na ito.
- Huwag mong gawing pangunahin sa iyong buhay ang maging mahirap o mayaman, kundi ang bigyang lugod ang Diyos sa anumang kalagayan.
- Laging tandaan na mag-invest sa iyong eternal account, ngunit tandaan na maging matalino sa pag-invest
_____________________
- Note: Sinong maysabi na hindi ko kaya?
- Maaarin mong maiwala ang ilan sa iyong mga gantimpala dahil sa pakikiisa sa masasamang gawain (cf. 2Juan 10-11).