Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang nagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.
Tayo na naniniwala sa libreng Ebanghelyo ay maaaring hindi komportable sa sitas na ito. Hanggan sa maintindihan natin kung ano ang tinutukoy nito.
Kung ang kaligtasan ay isang libreng regalong ating tinanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo bakit kailangang magpilit ang sinuman para makamit ito?
Gaya ng inaasahan mahal na mahal ng mga guro ng Lordship salvation ang sitas na ito. Natagpuan nila dito ang patunay ng kanilang doktrina. Isang nangungunang tagatuyod ng Lordship ay sumulat patungkol sa sitas na ito:
Ang salitang Griyeo sa “magpilit” ay agonizomai, isang salitang nagpapakita ng paghihirap, matindi, may layong pagpupursige. Ito ang parehong salita na ginamit sa 1 Cor 9:25 patungkol sa isang manlalaro na nakikibaka upang manalo. Ginamit din ito sa Col 4:12 patungkol kay Epaphras na nagsisikap sa kaniyang gawain at sa 1 Tim 6:12 patungkol sa Kristiyano na “makipagbaka ng mabuting pakikibaka ng pananampalataya.” Ito ay isang pagpupusige, isang pakikibaka, isang marubdob na pagpapagod. Halos may nais itong ipahiwatig na karahasan. At nararapat lamang sapagkat ang pagpasok sa kaharian ay kahalintulad ng paglahok sa digamaan…
Paano ito lumapat sa makabagong ideya na ang kaligtasan ay madali?…
Ang kaligtasan ay hindi madali. “Sapagkat makipot ang pintuan…. At kakaunti ang nangakakasumpong noon.” Ito ay nagpapakita na malibang ang tao ay masipag na naghahanap ng pintuan, malamang hindi niya ito masusumpungan…
Ang mensahe ni Jesus ay hindi maaaing ibagay sa anumang uri ng mumurahing biyaya (cheap grace) o madaling pananampalataya (easy-believism). Ang kaharian ay hindi para sa mga tao na nais si Jesus nang walang pagbabago sa kanilang pamumuhay. Ito ay para lamang sa mga naghahanap nito ng buong puso, silang naghihirap na pumasok. Marami sa mga lumalapit sa pintuan ang babalik kapag nalaman ang kapalit na halaga (John F. MacArthur, Jr. The Gospel According to Jesus, 182-183).
Magugulat ang marami sa ating mga mambabasa na ako ay umaayon sa ilan sa kaniyang mga paliwanag!
Ang manunulat na Lordship ay tama na ang Griyegong salita na agonizomai ay may pangunahing kahulugan ng “pakikipaglaban, pagpupursige” (BAGD, p 15).
Subalit mali siya sa kaniyang suhestiyon na ito ay may kinalaman sa pagtalikod sa mga kasalanan, pagbabago ng pamumuhay, pagbabayad ng kung anumang halaga, o kahalintulad na ideya.
Malinaw an ang pagpipilit ay patungkol sa paghahanap ng tamang pintuan na papasukin. Ang tanging punto ng Panginoon ay silang hindi alam ang daan patungo sa buhay na walang hanggan ay dapat magsikap na ito ay hanapin. Ganuon lang kasimple.
Ang konseptong ito ay tinuro sa ibang pasahe ng Kasulatan.
Ayon sa Heb 11:6 ang Diyos ay Tagagantimpala nilang naghahanap sa Kaniya nang masikap.
Sa Juan 6:27, ang Panginoon ay may turo sa mga hindi nananampalatayang Judio na naghahanap ng mga himalang tanda tulad ng pagpapakain ng 5000 tao na kagaganap pa lang: “Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao: sapagkat siya’s tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga’y ang Dios.” Sila kung ganuon ay nagtanong, “Ano ang kinakailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?” Ang tugon ni Jesus ay walang kinalaman sa pagbabago ng pamumuhay. Ito ay simpleng panawagan sa pananampalataya. Sinabi Niya, “Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kanyang sinugo.”!
Sa Gawa 17:27, sinabihan ni Pablo ang mga pilosopong Atenean na ang Dios ay nilikha ang mga tao “upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya’y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa’t isa sa atin.”
Silang hindi nakaaalam ng daan patungong langit ay dapat na magpilit na mahanap. Sila ay dapat magsiyasat ng katotohanan.
Marami ngayon ang ngabibigay patotoo na sila ay pinalaki sa isang kulto o sa isang pandaigdig na relihiyon at naramdamang may mali at naghanap sa Diyos at nakasumpong ng daan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo lamang. Ako ay isa sa mga iyon.
Ako ay pinalaki sa sa isang grupong holiness na nagtuturo ng kaligtasan sa gawa. Akala ko upang makapasok sa langit ay kailangan kong mamuhay ng mabutng buhay at gawin ko ang aking magagawa upang ako ay maging karapatdapat na iligtas ni Kisto. Isang araw, isang kaibigan ang humamon sa aking pagkaintindi sa Ebanghelyo. Inimbitahan niya rin ako sa isang pagtitipon Ebanghelyo. Dumalo ako at ako ay interesado. Ang mga pagdadalawang isip tungkol sa aking kinalakihang turo ay muling umibabaw at lumaki. Kinontak ko ang isang manggagawang Kristiyano sa aking kolehiyo at hiniling ko na makipagkita sa akin. Sa loob ng ilang lingo, kinumbinsi niya ako na ang kaligtasan ay isang libreng regalo na hindi maiwawala.
Ang Roma 3:10 ay tila sumasalungat sa pagkaunawang ito. Sinasabi nito na walang naghahanap sa Diyos, wala kahit isa. Ang ibig lamang nito sabihin ay walang naghahanap sa Diyos sa sarili nilang pagkukusa. Ang ibang mga teksto ay malinaw na ang mga hindi mananampalataya ay may kakayahan at aktuwal na naghahanap sa Diyos (eg. Gawa 17:27). Dahil sa ang Diyos ay naghahanap sa lahat (Juan 16:7-11; Roma 1:19-20), lahat ay malayang tumugon sa Kaniyang paghihila at hanapin Siya bilang tugon. Lahat ng masikap na naghahanap sa Kaniya ay masusumpungan Siya (Heb 11:6; Gawa 17:27).
Magpilit na pumasok sa masikip na pintuan? Siyempre! (Kapag nakapasok ka na, hindi mo na kailangang maghanap pa! Nasumpungan mo na ito!) Hindi ito sumasalungat sa kalibrehan ng Ebanghelyo. Ito ang misyon ng GES. Ang aming layunin ay gawing malinaw ang daan sa buhay na walang hanggan sa lahat ng aming mga mambabasa, mananampalataya man o hindi. Nais naming madala ang mga hindi mananampalataya sa pananampalataya kay Kristo at ang mga mananampalataya na magkaroon ng kalinawan at lakas ng loob sa pagpapahayag ng Ebanghelyo.
Sa pagbabahagi ng iyong pananampalataya, huwag tayong matakot na hamunin ang mga hindi mananampalataya na nagdududa sa katotohanan ng ebanghelyo na magpilit na pumasok sa masikip na pintuan. Hamunin natin sila na hanapin ang Diyos. Imbitahin natin sila na basahin at aralin ang Biblia, lalo na ang Ebanghelyo ni Juan. Himukin natin sila na tumungo sa iglesia at mga pag-aaal ng Biblia kasama mo. Sapagkat ang Diyos ay Tagagantimpala ng mga naghahanap sa Kaniya.