Kamakailan nakatanggap ako ng isang email mula sa isang pastor sa Switzerland na nagmumuni kung ano ang ibig sabihin ng sitas na ito: “Ang umibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan” (Juan 12:25).
Ang Pag-ibig at Pagkapoot ay Tayutay sa Pagpapahalaga
Ang sinumang “umiibig sa kaniyang buhay (psyche)” ay ang taong nabubuhay para sa kasalukuyan. Hindi siya sumusunod sa utos ni Jesus, “Huwag kayong magtipon ng kayamanan sa lupa” (Mateo 6:19). Bigo rin siyang paglingkuran si Jesus (“Ang sinumang tao’y maglingkod sa akin, ay siya’y pararangalan ng Ama.” (Juan 12:26).
Ang taong ”namumuhi sa kaniyang buhay (psyche)” ay siyang nabubuhay para sa buhay na darating. Sinusunod niya ang utos ni Jesus na, “Magtipon ng kayamanan sa kalangitan” (Mateo 6:20). Siya ay sumusunod at naglilingkod kay Jesus at isang araw ay luluwalhatiin ng Diyos (Juan 12:26).
Malinaw na hindi si Jesus nagmumungkahi na ang Kaniyang mga tagasunod ay abusuhin ang kanilang mga katawan! Hindi rin Siya nananawagan ng pagpapalo ng kanilang sarili, pagsusugat ng sarili, kawalan ng tulog, o kahalintulad na pagpapahirap. Tandaan natin na ang ating mga katawan ay templo ng Banal na Espiritu. Ang abusuhin ang ating mga katawan ay isang kasalanan.
Ang panawagan ni Jesus ay tanggihan natin ang ating mga sarili. Ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat tanggihan ang anumang mga kasiyahan na humahadlang sa daan ng pagluwalhati at pagsunod sa Diyos.
Sa konteksto, nagsimula si Jesus sa pagpapahayag ng Kaniyang sariling nalalapit na kamatayan. “Dumating na ang oras, na ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin” (Juan 12:23).
Mula sa pagpapahayag ng Kaniyang sariling kamatayan pinahayag Niya ang pangangailangan nating lahat na mamatay sa paglilingkod natin sa Kaniya: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni’t kung mamatay, ay nagbubunga ng marami” (Juan 12:24).
Ang panawagang ito na tanggihan ang sarili at paglalatag ng ating mga buhay para kay Kristo ay nakikita rin sa kahalintulad na sitas kung saan pinaliwanag ng Panginoon ang tila kabalintunaang ito.
Tanging Sa Pamamagitan ng Pagkawala ng Ating Mga Buhay Tuluyan Nating Makakamit ang Mga Ito
Pagkatapos ng pahayag ni Pedro ng si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, pinagpala Siya ni Jesus (Mateo 16:16-17). Pagkatapos sinabihan ni Jesus si Pedro at ang ibang mga disipulo na Siya ay tutungo sa Jerusalem at doo’y papatayin (Mateo 16:21).
Dito nagkamali nang malaking pagkakamali si Pedro. ”At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya’y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo” (Mateo 16:22).
Dito itinama ni Jesus si Pedro at ang ibang mga disipulo sa usapin ng pagsasakit at pagtanggi sa sarili.
“Datapuwa’t lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka’t hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao. Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.” -Mateo 16:23-25
Si Pedro at ang ibang mga disipulo, maliban kay Judas, ay matagal nang pinanganak na mag-uli. Hindi nga ba’t pinahayag pa lang ni Pedro ang kaniyang dakilang pananampalataya kay Jesus.
Ngunit kailangan ng mga disipulo na malaman na ang kaharian at kaluwalhatian ni Jesus ay hindi agarang darating. Ang kasakitan ay darating muna bago ang kaluwalhatian para kay Jesus at sa lahat ng Kaniyang tagasunod.
Ang pagliligtas ng buhay at ang pagkawala ng buhay ay mga tayutay. Sa konteksto malinaw na ang pagkawala ng buhay ay nangahuhulugan ng pagtanggi sa sarili, pagbuhat ng sariling krus, at pagsunod kay Jesus sa daan ng kasakitan. Nang sinabi ni Pedro na hindi si Jesus hahantong sa Kalbaryo, itinutuon niya ang kaniyang isipan sa mga kasiyahang pansanlibutan. Kapag sinabi ng Mesiyas na sila ay uusigin at papatayin, iyan ay tiyak na magaganap.
Ang pagliligtas ng buhay ay hindi tumutukoy sa kaligtasan mula sa impiyerno. Sa halip ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng kapunuan ng buhay, lalo na sa buhay na darating. Sa v 27 ang sabi ni Jesus, “Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa.”
Kahit makuha pa ng isang tao ang lahat ng kayamanan ng sanlibutang ito, ito ay walang kabuluhan kung siya naman ay magiging pulubi sa buhay na darating. Ang sabi ni Jesus sa v 26, “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay (psyche, dalawang beses ns sinalin na buhay sa nakaraang sitas)? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kaniyang buhay (psyche=buhay)?” Malinaw ang kasagutan. Walang kapakinabangan kung makamtan mo man ang buong sanlibutan kung mawawala ang iyong psyche, ang iyong panloob na buhay.
Ang lahat ng bagay ay na kay Pangulong Richard Nixon.ngunit muntik na niyang maiwala ang lahat ng bagay dahil nakalimutan niyang iwala ang kaniyang buhay. si Pangulong Bill Clinton ay may kaparehong karanasan. Ang pagkabigo nilang tanggihan ang kanilang sarili ay naging katumbas ng kanilang pamana, saktan ang kanilang kasalukuyang mga buhay at kung sila ay mananampalataya, mabawasan ang kalidad ng kanilang mga buhay na darating.
Ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan ay hindi hangganan. Ito ay pasimula pa lamang. Ito ang katanungan, tayo ba ay lalago at magkakamit ng buhay na sagana (Juan 10:10)?
Bakit Si Jesus Nagsasabi ng Pagiingat ng Sailing Buhay Upang Magkamit ng Buhay na Walang Hanggan?
Ang pastor sa Switzerland ay naguguluhimanan sa reperensiya sa buhay na walang hanggan sa konteksto na malinaw na patungkol sa pagging alagad (discipleship) at hindi sa pagmamatuwid (justification). “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.” (Juan 12:25, may dinagdag na diin).
Ang katotohanan na ang kasaganahan ng ating buhay na walang hanggan sa buhay na darating ay may kinalaman sa kung paano tayo nabubuhay ngayon ay hindi dapat maging sorpresa sa atin. Madalas itong wikain ni Jesus.
Sa Juan 4:35-36, si Jesus nagsabi, “Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtiitipon ng buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa.” Pansinin na maging dito matatagpuan natin ang pariralang buhay na walang hanggan sa konteksto ng pagiging alagad. Ang patungkol sa mga upa ay malinaw na nagpapakita na ang konteksto ay gantimpala (rewards). Silang nagbabahagi ng pananampalataya nila ngayon (silang pareho na naghahasik ng binhi at silang aktuwal na nagdala ng mga tao sa pananampalataya kay Kristo) ay magkakaoon ng pinalawak na kasiyahan sa buhay na darating.
Sa Mateo 19:29 nangako si Jesus na ang mga disipulo, “At ang bawa’t magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.” Ang pagmamana ng walang hanggang buhay ay higit sa pagkakaroon lamang ng walang hanggang buhay. Ayon kay Jesus ang buhay na walang hanggan ay pangkasalukuyang pag-aari ng lahat ng sumampalataya sa Kaniya (e. g., Juan 3:16; 5:24; 6:47). Ang panghinaharap na pagmamana ng buhay na walang hanggan ay tumutukoy sa paghahari na kasama NIya sa buhay na darating (cf. Mateo 19:28) at pagkakaroon ng buong karanasan ng buhay na walang hanggan.
Masusumpungan natin ang parehong katotohanan sa buong Bagong Tipan (NT). Tingnan halimbawa, Mateo 6:19-21; 10:32-33, 40-42: Juan 10:10: 1 Cor 9:24-27; Gal 5:19-21; 6:7-9; Col 1:21-23; 2 Tim 2:12; 1 Juan 2:28; at Pahayag 2-3.
Ang Pag-iingat ng Iyong Buhay Para sa Buhay na Walang Hanggan ang Susi
“Kung ang sinomang tao’y maglingkod sa akin, ay siya’y pararangalan ng Ama” (Juan 12:26). Pinapaliwanag ni Jesus kung ano ang ibig Niyang tukuyin ng Kaniyang sinabi maiingatan ang buhay sa buhay na walang hanggan. Nangangahulugan ito na siya ay pararangalan ng Diyos. Kasabay ng karangalang ito ay mga nahahawakang gantimpala gaya ng paghaharing kasama ni Jesus, espesyal na puting mga kasuotan, at isang puting bato na may nakaukit na isang espesyal na katawagan ng paglalambing ni Jesus para lamang sa iyo (tingnan Pahayag 2:17,26; 3:4-5).
Hindi sinasalungat ng Juan 12:25 ang pagpapahayag ng katuwiran sapamamagitan ng pananampalataya lamang. Hindi ito nangungusap sa pagpapahayag ng katuwiran lamang. Ito ay nangungusap ng pagsunod sa Panginoon Jesus sa landas ng kasakitan sapamamagitan ng pagtanggi sa sarili at paglalatag ng sariling buhay. Kung magagawa natin ito, tayo ay magkakaroon ng mas punong buhay.