Si O. O. ay nagkomento sa aking nakaraang mensahe sa isang kumperensiya, na masusumpungan dito, kung saan aking binanggit na walang pinal na paghatol na naghihintay sa mga mananampalataya. Sinulat niya, “Patuloy mong nakikita ang mga indibidwal na sitas na nagsasabing ang isang tao ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit wala saan mang sinabi nila na sa pananampalataya lamang.” Ang punto niya ay ang kaligtasan mula sa eternal na kundenasyon ay sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
Sa katotohanan, sa mga Bibliang Ingles (at Filipino na rin), ang ekspresyong pananampalataya lamang ay minsan lang nangyari sa ilang salin ng San 2:24: “Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa’y inaring ganap ang tao at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang” (NASB, LEB, NET, ESV; ang salitang pananampalataya lamang ay masusumpungan din sa NIV; ang KJV, NKJV, MEV, at DARBY ay mababasang “hindi sa pamamagitan ng tanging pananampalataya”). Subalit, ang sitas ay dapat isaling, “Nakikita ninyo na ang isang tao ay inaring matuwid sa pamamagitan ng gawa, at hindi lamang ng pananampalataya.” Sa madaling salita, sinasabi ni Santiago na may dalawang uri ng pag-aaring matuwid, isa sa pamamagitan ng pananampalataya sa harap ng Diyos, at isa sa pamamagitan ng gawa sa harap ng mga tao. Ang dahilan sa aking salin ay ang salitang monon ay isang pang-abay, hindi pang-uri, at samakatuwid ay hindi maaaring maglarawan ng pangngalang “pananampalataya.”
Totoo na sa Juan 3:16 hindi sinabing “ang sinumang manampalataya lamang sa kaniya…. ay may buhay na walang hanggan.” Ganuon din sa Gal 2:!6, “ang isang tao ay hindi inaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan kundi ng pananampalataya lamang kay Jesucristo.”
Subalit, ang kawalan ng mga salitang lamang o tangi ay hindi nangangahulugang may iba pang mga kundisyon. Wala nang iba. Ang mga pasaheng ito ay mga kasinungalingan kung mayroon pa bukod sa pananampalataya kay Cristong kinakailangan para sa buhay na walang hanggan.
Kung ang sinumang manampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan, kung ganuon ang pananampalataya sa Kaniya ang tanging kundisyon. Kung ang tao ay inaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, kung ganuon ang pananampalataya sa Kaniya ang tanging kundisyon.
Bigyang pansin ang kasabihang ito: ang sinumang ipinanganak sa Estados Unidos ay isang Amerikano. Bagama’t maaari nating pagtalunan kung totoo ito o hindi, kung ito ay totoo, ang kapanganakan ang tanging kundisyon ng pagkamamamayan. i
Bigyan pansin ang pagkain at pag-inom na mga larawang ibinigay ng Panginoong Jesus tungkol sa pananampalataya sa Kaniya. Sinabi Niyang ang isang sipsip ng buhay na tubig ay nagreresulta sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, na hindi na nangangailangang patuloy na uminom upang mapanatili ito (Juan 4:10-15). Sinabi rin Niyang ang sinumang kumain ng tinapay ng buhay ay hindi na mangangailangang kumain muli upang mapanatili ang buhay na walang hanggan. Minsang manampalataya ang tao kay Cristo, siya ay sigurado magpakailan pa man.
Ang komento ng Gotquestions.org, “Anumang sitas na nagbibigay ng kaligtasan sa pananampalataya/pananalig, na walang ibang banggit na kailangan, ay isang kapahayagan na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang” (silipin dito).ii
Sa Bible.org, tinuro ni Steven Cole na ang mga taong nagtakwil sa pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ay hindi talaga nananampalataya kay Jesus sa diwa ng Biblia: “Kung pakiramdam mong kailangan mong may karagdagang gagawin o karagadagang pakiramdam , o alisin sa iyong sarili na ilang kasalanan bago ka makalapit sa harapan ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang (tingnan dito).
- Sa kaso ng pagkamamamayan, may isa pang paraan upang maging mamamayan. Ngunit sa kaso ng kapanganakang muli, walang ibang paraan maliban sa pananampalataya kay Cristo.
- Ang artikulo ay may maling pagkaunawa sa San 2:24 sa nagtuturong “Ang tunay na kaligtasan kay Jesucristo ay tiyak na magreresulta sa mabubuting gawa.” Subalit, ang pahayag tungkol sa mga sitas na naglilista ng pananampalataya lamang o ng paniniwala bilang nag-iisang kundisyon ng buhay na walang hanggan ay isang mahusay na pahayag.