Isang mambabasa ang nagpadala ng isang email na pumukaw sa aking interes. May isang pinahihiwatig na tanong sa hulihan patungkol sa pananamapalataya at mga gawa.
Ang pagsisisi ay pagtalikod sa kasalanan sa pamamagitan ng pagharap kay Kristo. Ayon kay Jesus, “ikaw ay panig sa Akin o ikaw ay laban sa Akin.”
Ang pananampalataya ay isang desisyon na tumugon sa ebanghelyo; isang pagkilala na ang ating pag-asa sa kaligtasan ay manampalatayang binayaran ni Jesus ang ating mga kasalanan, at imbitahan Siya sa ating mga puso bilang Tagapagligtas at Panginoon, isang pagtanggap ng Kaniyang libreng regalo. Sa ating pagharap sa Kaniya, winawaksi nating ang pag-asa na ang ibang mga daan sa kaligtasan, kabilang na ang ating mga mabubuting gawa, ay makadadala sa atin sa langit.
Ngayong tayo ay ligtas na, ang sabi ng Santiago 2:18, “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking pananampalataya.” Ang gawa ay susunod sa pananampalataya ng isang tunay na mananampalataya.
Hi, CM.
Salamat sa iyong taos-pusong email.
Maaari akong makipagtalo kung ang pagsisisi ay kundisyon sa buhay na walang hanggan, kung ang pananampalataya ba ay desisyon o hindi, o kung ang pananampalataya ba ay kasinkahulugan ng pag-imbita sa Kaniya sa ating mga buhay bilang Tagapagligtas at Panginoon. Subalit ang aking pangunahing alalahanin ay ang huling talata tungkol sa pananampalataya at mga gawa.
Ang iyong pananaw sa Santiago 2:18 (sa katunayan ng buong Santiago 2:14-26) ay nangangahulugang hindi ka tiyak kung ikaw ay “tunay na mananampalataya.”
Kahit pa ganap ang iyong mga gawa sa ngayon, at alam nating hindi naman (Roma 3:23; 1 Juan 1:8, 10), paano mo matitiyak na hindi ka mahuhulog sa hinaharap?
Paano kung sa loob ng limang taon ikaw ay naging sugapa sa droga at namatay ka sa kundisyong iyan?
Kung totoo ang pangako ng Juan 3:16, ikaw ay patutungo sa Panginoon kung ikaw ay nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan.
Ngunit kung ang iyong pananaw ay totoo, ang Juan 3:16 ay para lamang sa mga “tunay na mananampalataya” at ikaw ay tutungo sa Hades habang naghihintay ng dagatdagatang apoy.
Masaklap, sa iyong pananaw, hindi mo na kailangang maging makasalanang gaya ng mamatay-tao o sugapa sa droga sa panahon ng iyong kamatayan upang patunayan na ikaw ay hindi tunay na mananampalataya. Kung ikaw ay pumanaw na nagseselos, nagiimbot o galit, pinatutunayan nito na hindi ka mananampalataya (Gal 5:19-21).
Ang pangako ng Juan 3:16 ay tiyak. Sinumang sumampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan. Walang kundisyon na kailangan mong magtiis sa mabuting gawa hanggang kamatayan upang ipakita na ikaw ay may tunay na pananampalataya.
Nakikita ko ang kagandahan ng iyong pananaw. Maganda sana kung lahat ng mananampalataya ay mga banal na tao sa buhay na ito. O kahit man lang paano ang mga mananampalataya ay mga banal na tao maliban na lamang sa maikling sandali na sila ay nahulog. Kung iyan ay totoo, matapos nang ilang buwan o taon nang pagsubok sa kanilang mga sarili, matitiyak mo na ang mga mananampalataya ay hindi mahuhulog nang matagal at sila ay tiyak na magtitiis sa pananampalataya at mabuting gawa hanggang kamatayan. Maliban na lamang kung sila pala ay may tinatagong kasalanan sa loob nang mahabang panahon. Kung ang isa o karamihan sa mga taong ito ay may anyo ng imoralidad na naitago sa loob ng maraming taon o dekada na biglang nalantad sa liwanag, o ang isa sa kanila ay namatay na malayo sa Panginoon, mapipilitan kang sabihin na karamihan sa kanila ay hindi tunay (o kailanman ay hindi naging tunay) na mananampalataya. Dr. Ravi Zacharias? Ted Haggard? Jim Bakker? Bill Gothard? Bob Coy? Robert Tilton?1 At paano ang mga tauhan sa Biblia na nahulog din? Ananias at Sapira? Solomon? Nabad at Abihu? Ang mga mananampalataya ng 1 Cor 11:30 na namatay? Mga mananampalatayang namatay dahil sa kasalanan (1 Juan 5:16-18)? Ang katapusan ng kaisipan na ang lahat ng tunay na mananampalataya ay kailangang magpakita ng kabanalan sa halos lahas ng oras (lalo na bago mamatay), gaya nang naisabi ko sa taas, ay hindi magbibigay sa iyo ng katiyakan na ikaw ay kabilang sa mga tunay na mananampalataya.
Sana iyong pagnilayan nang may panalangin na maaaring ang iyong pananaw ng ebanghelyo ay mali. Pinapayo ko na basahin mo ang Ebanghelyo ni Juan nang may panalangin. Ang aking kahilingan ay magkaroon ka ng katiyakan ng buhay na walang hanggan na hindi maiwawala.
__________
1. Hindi ko sinasabi na ang mga lider Kristiyanong ito ay mananampalataya o hindi. Ang sinasabi ko ay kung sila ay nanampalataya sa Panginoon para sa buhay na walang hanggan, sila ay mga pinganak pa rin gaano man kalaki ang kanilang mga kasalanan. Walang makakabago ng bagong kapanganakan. Kumparahin ang Juan 3:16; 5:24; 6:35; 11:26