Isang linggo pa lang akong chaplain sa Army nang utusan akong ipaalam sa isang sundalong ang isa niyang malapit na kamag-anak ay namatay. Nasa Ft. Bragg, NC ako at ang sundalo ay kasama ng kaniyang yunit sa kakahuyan.
Hinatid ako ng isang drayber sa isang sasakyang military patungo sa kinaroonan ng sundalo. Nang kami ay dumating, walang buwan o bituin at ang gubat ay napakakapal. Napakadilim. Isang tenyente ang sumalubong sa amin sa daan upang dalhin ako sa kinaroroonan ng sundalo. Hindi pagmamalabis na saibhing wala akong makitang kahit ano. Ang tenyente na may suot na night vision goggles ang nagdala sa akin sa gitna ng kagubatan. Hindi ko nakikita kung saan kami patungo, wala akong makitang kahit ano. Mayroon siyang dalawang maliit na tape na nagrereplek ng liwanag at nasusundan ko lamang siya dahil sa mga ito.
Sa aming pagdating, sinabi ng tenyente sa sundalo na ang chaplain ay may sasabihin sa kaniya. Walang duda, ninenerbiyos ang sundalo sa sasabihin ko sa kaniya. Nang sabihin kong namatay ang isang malapit niyang kamag-anak, hindi ko siya nakikita. Wala akong ideya kung paano niya tinanggap ang aking sinabi. Naiisip kong nakaupo siya sa dilim, walang kasama, at walang kaaliwan sa gitna ng teribleng oras na ito ng kaniyang buhay. Nakaramdam ako ng awa para sa kaniya.
Pinahiram ako ng tenyente ng kaniyang goggles. Sinuot ko ito at nakita ko kung paano ko nagkamali sa iniisip kong nangyayari sa aking harapan. Nakita ko ang tatlong kasama ng sundalong yapos siya. Ni hindi ko alam na nandiyan sila.
Alam ninyo bang maaari tayong lumapit sa Biblia nang hindi natin nakikita ang nasa ating harapan? Madalas itong mangyari. Kapag nangyari ito, kailangan natin ng pares ng salaming espirituwal upang makita natin nang tama ang nasa harapan natin.
Sa Roma 8:11, sinulat ni Pablo, “Ngunit kung ang Espiritu niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng Kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.” Kamakailan may nabasa akong aklat na nagsasabing sinasabi ni Pablo na kung ikaw ay Cristiano, babangon ka mula sa mga patay sa Kaniyang pagbabalik. Ito ang tipikal na pagkaunawa sa pasaheng ito. Isang halimbawa ang isang sikat na komentaryo sa Roma. Sa komento sa Roma 8:11, sinasabi nitong, “Ang tumitirang Espiritu ang garantiya ng pagkabuhay na maguli ng mananampalataya sa hinaharap” (Mounce, Romans, 180).
Ngunit ang Roma 8:11 ay hindi patungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga mananampalataya sa hinaharap. Ito ay tungkol sa ating pangkasalukuyang karanasan bilang mga mananampalataya. kung tayong mga mananampalataya ay lalakad sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ang Espiritu ang magbibigay ng espirituwal na buhay sa ating mga pisikal na katawan ngayon. Hindi ito personal na interpretasiyon. Ang konteksto ay napakalinaw.
Ang tanging dahilan kung bakit hindi nakikita ng tao ang nasa pahina ay dahil lumalapit siya nang hindi isinasaalang-alang ang konteksto. Nakikita nila ang pariralang, “magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan,” at nauunawaan ito sa tipikal na diwang Cristianese, na ang mananampalataya ay babangon mula sa mga patay sa pagbalik ni Jesus.
Ito ay isang kahangahangan katotohanan ngunit ang tinuturo ng Roma 8:11 ay ibang kahangahangang katotohanan. Ang kapangyarihan ng Espiritu ay tumitira sa ating mga mananampalataya. Kaya Niyang magbigay ng buhay- isang masaganang karanasan ng buhay- sa ating kaawa-awang katawang may kamatayan ngayon, habang tayo ay namumuhay sa Kaniyang kapangyarihan. Kung hindi mo nakikita iyan, mayroon akong isang mungkahi. Bumalik at tingnan ang tinatalakay ni Pablo sa Roma 8. Kapag ginawa mo ito, ikaw ay nagsusuot ng isang night vision goggles at ngayon makikita mo ang dati’y hindi mo nakikita.