Maraming Evangeliko ang pamilyar sa 2 Cor 5:21. Sinabi ng sitas na si Cristo ay ginawang kasalanan upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa Kaniya. Ang pinakamadalas na pagkaunawa ng sitas ay kapag ang tao ay nanampalataya kay Jesus, lahat niyang kasalanan ay nilagay kay Jesus, at ang katuwiran ni Cristo ay binigay sa kaniya. Ang mananampalataya ay ganap na matuwid dahil tinanggap niya ang katuwiran ni Cristo.
Ilang taong nakalipas, isang estudyante ng Ph D ang nag-email sa akin kung gusto kong basahin ang kaniyang disertasyon. Sumulat siya sa 2 Cor 5:21 at ipinagtanggol ang karaniwang interpretasyon. Pinuwersa nito akong maingat na masdan ang teksto. Hindi ko nais na tingnan ang karaniwang interpretasyon kundi gusto ko ng ibang paraan upang maunawaan ang sitas. Magiging hamon sa ilang mambabasang makita ito sa ibang pananaw.
Ang karaniwang pagkaunawa ng 2 Cor 5:21 ay ebanghelikstiko. Nakikita nito ang sitas na naglalarawan kung ano ang nangyari sa sandali ng pananampalataya. Subalit, sa aking pagmasid ng konteksto, malinaw na kinakausap ni Pablo ang mga mananampalataya kung paano sila mamumuhay. Sa madaling salita, ang konteksto ay sanktipikasyon, hindi inisyal na eternal na kaligtasan. Ang karaniwang interpretasyon ay tila walang puwang sa kontekstong ito.
Ang tema ng Cristianong pamumuhay ay malinaw pareho bago at matapos ang 2 Cor 5:21. Sa 5:9-10, sinabi ni Pablong nais niyang mapasiya ang Panginoon sa kaniyang kasalukuyang ministri dahil siya ay haharap sa Hukuman ni Cristo. Tinalakay niya ang kamatayan ni Cristo, ngunit hindi sa liwanag ng kung ano ang kahulugan nito para sa eternal na kaligtasan. Sinabi ni Pablong ang kamatayan ni Cristo ay nagtuturo sa atin paano mabuhay (5:14-15). Ang buhay na ito ay posible dahil kay Cristo, isang bagong nilalang ang umiiral (5:17).
Ang diskusyon ng kamatayan ni Cristo sa v14-15 ay tila signipikante sa akin. Kung ang kamatayan ni Cristo sa v14-15 ay ginamit upang ipaliwang ang Cristianong pamumuhay, bakit tayo awtomatikong nagpapalagay na nilalarawan nito ang nangyaring posisyunal sa sandali ng pananampalataya?
Matapos ng 5:21, nagpatuloy si Pablong magsalita tungkol sa pamumuhay nang matuwid. Hinikayat niya ang mga mananampalataya sa Corintong tumugon sa kaniyang aral at halimbawa. Tapos, nilarawan niya kung paano siya at ang mga kasama niya ay nagsisikap ng lumakad (6:1-10).
Ang salitang katuwiran sa 5:21 ay tumutukoy ba sa perpektong katuwiran ni Cristong tinanggap sa sandali ng pananampalataya? Ang salita ay nasumpungang anim na ulit sa 2 Corinto (3:9; 6:7, 14; 9:9, 10; 11:15). Ang bawat isa sa mga sitas na ito ay nagbabanggit ng matuwid na Cristianong pamumuhay.
Napapaisip ako kung kailangan natin bigyang bagong kunsiderasyon ang tema ng 2 Cor 5:21. Maaari bang ito ay patungkol sa Cristianong pamumuhay? Sa Roma 6:10-12, sinabi ni Pablong si Cristo ay namatay sa kapangyarihan ng kasalanan at ang mananampalataya ay namatay sa kapangyarihang ito at dapat niyang ibilang ito bilang kaniyang realidad. Ang resulta ay ang mananampalataya ay hindi kailangang maglingkod sa kamatayan. Maaari siyang mamuhay nang matuwid.
Maaari kayang ang 2 Cor 5:21 ay tumutukoy sa kaparehong bagay? Sa krus, kinuha ni Cristo ang kasalanan ng sanlibutan. Winasak Niya ang kapangyarihan ng kasalanan sa taong nanampalataya sa Kaniya. Ang mga nanampalataya ay naging katuwiran ng Diyos sa Kaniya. Ang salitang Griyego para sa maging ay may maraming gamit at napaka-flexible. Ito ay maaaring magkaroon ng kahulugan ng paglikha ng isang bagay.
Sa liwanag ng gamit ng salitang katuwiran sa 2 Cor at sa konteksto ng 2 Cor 5, isang matibay na kaso ang magagawa na ang 5:21 ay patungkol sa kung paano ang mananampalataya ay mamumuhay nang matuwid. Sa aking palagay, mas matibay ang argumento para sa pananaw na ito kaysa sa tradisyunal na pagkaunawa ng pahayag ni Pablo. Hindi ko alam kung makukumbinse ko ang iba, ngunit umaasa akong kahit paano may ilang magkukunsidera ng alternatibong ito.


