Bago dinala ni Jesus ang tatlo sa Kaniyang mga alagad sa itaas ng Bundok ng Transpigurasyon, sinabi Niya sa kanila ang mga bagay na ayaw nilang marinig. Sinabi Niyang Siya ay itatakwil ng bansa at papatayin (Lukas 9:22). Matapos, sinabi Niya sa kanilang kung gusto nilang sumunod sa Kaniya, kailangan nilang itakwil anumang pagnanais nila at dalhin ang kanilang krus. Nananawagan Siya sa kanilang magdusang kasama Niya. Hindi nila gusto ang Kaniyang sinasabi dahil iniisip nilang malapit nang dumating ang kaharian sa Israel. Hindi na kailangang magdusa. Ang mga disipulo ay nagagawang huwag pansinin ang mga bagay na sinasabi ng Panginoong hindi umaayon sa kanilang pananaw ng mga bagay.
Ngunit binigyan din sila ni Cristo ng isang napakagandang pangako: Siya ay babalik na may dakilang kaluwalhatian (9:26). Kung gagawin nila ang Kaniyang inutos, sila ay makikibahagi sa kaluwalhatiang ito. sila ay magiging dakila sa Kaniyang kaharian. Sa puntong ito ng kanilang mga buhay, inisip ng mga alagad na ang kaluwalhatiang ito ay darating na hindi kailangang magdusa para sa Panginoon.
Dinala ng Panginoon ang tatlong alagad sa bundok. Doon, habang natutulog ang mga alagad, si Jesus ay nagbagong-anyo. Masasabi nating ang Kaniyang kaluwalhatian ay nahayag. Ang kaluwalhatian ng darating na kaharian ay malinaw na nakita. Nagpakita si Moises at si Elias, at sinabi ni Lukas na ito “ay maluwalhati” (9:31). Nagising ang mga alagad at nasaksihan ang kaluwalhatian ng Panginoon (9:32).
Si Moises at si Elias ay dalawang tapat na mananampalataya ng LT. Ang awtor ng Hebreo ay nagsabing si Moises ay naghahanap ng mga gantimpala sa darating na kaharian ni Cristo. Nais niyang maging dakila sa kahariang iyan. Hinahanap niya ang kaluwalhatiang binabanggit ni Cristo. Alam ni Moises na ang mga gantimpalang ito ay may kaakibat na pagdurusa (Heb 11:26).
Sinabi ni Lukas sa atin na ang presensiya ng Diyos Ama ay nakita rin sa bundok na iyan. Isang ulap ang nagpakita, at ang Kaniyang tinig ay narinig mula rito (9:34-35). Sa LT, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay kinakabit sa ulap.
Sa seksiyong ito, tinalakay ni Lukas ang paksa ng kaluwalhatian- direktahan man o alusyon- nang makalimang beses (9:26, 29, 30, 32, 34). Inisip ng mga alagad na sila ay patungo sa Jerusalem dahil sila ay tatanggap , sa susunod na mga araw, ang mga kayamanang kaakibat ng kaluwalhatiang ito. Sinabi ni Cristo sa kanilang ang mga gantimpala ay darating ngunit kailangan muna nilang sumunod at magdusang kasama Niya.
Nang ang kaluwalhatian ng Diyos- na kinakatawan ng ulap- ay nagpakita, sinabi Niya sa mga alagad na makinig kay Cristo. Sa dagliang konteksto, sinabi ito ng Ama dahil ang mga alagad ay hindi nakikinig sa Anak nang sabihin ni Cristo ang kaluwalhatian sa Kaniyang kaharian. Hindi sila naniwalang ang mga gantimpalang ito ay darating lamang matapos magdusa para sa isang Cristong ipapapatay ng bansang Israel.
Sa huli, ang tatlong alagad ay makikinig. Si Pedro ay mamamatay para sa Panginoon, tatlumpong taon makalipas. Si Santiago ang una sa mga orihinal na alagad na magiging martiro (Gawa 12:2). Si Juan ay mamumuhay ng mahabang pamumuhay ng pagdurusa para kay Cristo. Hinayaan ng Panginoong makita nila ang kaluwalhatian sa bundok na iyan. Samantalang sila ay mabagal sa pakatuto, ang kanilang nakita ang sa huli ay nagmotiba sa kanila upang manatiling tapat sa Panginoon sa mga sumunod na taon ng paghihirap (2 Ped 1:16-18).
Wala tayo sa bundok na iyan ngunit mayroon tayong kinasihang kwento. Nawa ay mamasdan natin ang kaluwalhatiang darating. Namumuhay tayo sa mundong kumakalaban sa mensahe ng biyaya at kinukutya ang ideya ng eternal na kaharian ni Cristong darating sa mundong ito at sa kalaunan sa bagong lupa. Lahat ng mananampalataya ay nasa kahariang iyan. Mamasdan nawa natin ang kaluwalhatian sa bundok at magnasang masumpungang tapat sa Kaniya sa gitna ng hulog na mundong ito upang tayo man ay magpakitang kasama Niya sa dakilang kaluwalhatian, dahil ginantimpalaan Niya tayo.


