Ang salitang sanlibutan (sa Griyego ay kosmos) ay nasumpungan ng 213 beses sa BT.
Nahihirapan ang mga Calvinista sa mga sitas gaya ng Juan 1:29, 3:16 at 1 Juan 2:2 dahil ang mga sitas na ito ay nagtuturong si Cristo ay namatay para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan at iniibig ng Diyos ang buong sanlibutan.
Mayroon silang tusong pamamaraan upang ipaliwanag kung bakit ang mga sitas na ito ay hindi nagsasabing namatay si Cristo para sa lahat at iniibig ni Cristo ang lahat. Iminumungkahi ng mga Calvinistang nag salitang sanlibutan ay paminsang tumutukoy sa maliit na grupo ng sangkatauhan, na kanilang tinatawag na hinirang. Sa kanilang pananaw, sa eternidad na nakalipas, bago pa ipanganak ang kahit isang tao, pinili ng Diyos kung sino ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Hindi Niya ginamit ang Kaniyang omnisensiya upang alamin kung sino ang malayang mananampalataya kay Cristo. Hindi Niya binase ang Kaniyang pagpili sa anumang makikita sa mga pinili. Pumili lamang Siya ng maliit na porsiyento ng sangkatauhan, at hindi pinili ang natira. Ang mga hind napili, ang karamihan, ay mapapahamak sa eternal na kundenasyon bago pa man sila ipanganak.
Sa aming GES Board meeting nitong Enero 17-18, nakausap ko ang isa sa mga board members patungkol sa Calvinistang pananaw ng paghirang. Sinabi niya, “Kung pumili lamang ang Diyos ng isang maliit na porsiyento ng sangkatauhan, ano pa mang paliwanag ang ibigay, pumili rin Siya para sa karamihan ng sangkatauhang mapahamak magpakailan pa man kahit ano pang mangyari.” Tinakwil niya ang ideya ng karamihan sa mga Calvinistang hindi pinili ng Diyos ang ilan sa kapahamakan. Pumili lamang Siya ng iilan para ipanganak na muli. Sang-ayon ako sa aking kaibigan. Kung ito ay totoo, pinili ng Diyos ang karamihan sa sangkatauhan para sa lawa ng apoy.
Tingnan natin kung paano nauunawaan ng mga Calvinista ang 1 Juan 2:2, na mababasang “At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.”
Ang komento ni John Piper:
…may mga anak ng Diyos, o mga tupa, na nakakalat sa buong sanlibutan. Gaya nang sabi ni Juan sa Pahayag 5:9, “Sapagka’t si Cristo ay pinatay, at binili Niya para sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa’t angkan, at wika, at bayan, at bansa.” Hindi Niya tinubos ang lahat. Ibinigay Niya ang Kaniyang buhay bilang katubusan para sa marami (Marcos 10:45). Hindi Siya pampalubag-loob para sa poot ng Diyos sa bawat isa. Ngunit binigay Niya ang Kaniyang buhay para sa mga tupa. Sila ay nakakalat sa buong sanlibutan sa bawat wika, bayan, angkan at bansa. Huwag ninyong solohin si Jesus [2:2]).
Ganuon din si John MacArthur, sa isang mensahe sa 1 Juan 2:2 ay nagsabi,
Sa krus, nag-alok si Jesus ng katubusan sa lahat ng Israel na magsisisi at mananampalataya at sa buong sanlibutan na magsisisi at mananampalataya. Hindi ito unibersal na pampalubag-loob sa Diyos. Hindi binayaran ni Jesus ang kasalanan ni Judas dahil nang mamatay si Judas, pumunta siya sa sarili niyang lugar upang magbyad ng kaniyang sariling mga kasalanan. Hindi binayaran ni Jesus ang mga kasalanan ni Herodes. Hindi binayaran ni Jesus ang mga kasalanan ni Adolf Hitler. Hindi binayaran ni Jesus ang mga kasalanan ng madlang humihiyaw para sa Kaniyang dugo.
Hindi binayaran ni Jesus ang mga kasalanan ng lahat ng sangkatauhang haharap sa dakilang puting luklukan at itatapon sa lawa ng apoy magpakailan man at kung saan sila ay walang hanggang magbabayad sa kanilang pagsuway sa kautusan ng Diyos. Ngunit binayaran Niya ang mga kasalanan ng lahat ng mananampalataya, sa Israel at sa sanlibutan. Ang punto ay, hinigitan Niya ang kanilang probinsiyal na ideya ng pampalubag-loob. Hindi Niya ginawang opsiyonal ang kaligtasan, aktuwal Niyang binili ang kaligtasan para sa mga nagsisi at nanampalataya dahil sila ay tinawag ng Diyos. Ito ay aktuwal na paghalili (tingnan dito).
Nababagabag ako ng mga pahayag na kagaya ng mga ito.
Ang pananaw ng mga Calvinista ay isang uri ng espesyal na pagtatangi o pagtatanggol. Binabalewala nito ang malinaw na kahulugan ng maraming pasahe (hal Juan 1:29; 3:16; 2 Ped 2:1; 1 Juan 2:2). Nagreresulta ito sa tinuturing ng iba na halimaw na pananaw ng Diyos- na hinayaan Niya ang karamihan sa sangkatauhan na ipanganak na walang pagkakataong ipanganak na muli.
Ang salitang sanlibutan ay ginamit sa tatlo o apat na magkakaibang paraan sa BT. Minsan, patungkol ito sa ating planeta (hal Juan 13:1; Ef 1:4) at marahil maging sa buong sansinukob (hal Gawa 17:24; Fil 2:15). Ang kosmos ay tumutukoy din sa lahat ng taop sa planeta (hal Roma 3:19). At tumutukoy ito sa sistema ng kaisipang laban sa Diyos, ang sistema ng sanlibutan (hal Juan 7:7; 15:18-19; 1 Juan 4:5).
Sa Juan 1:29, ang kosmos ay tumutukoy sa lahat ng tao mula kay Adan at Eva hanggang sa pinakahuling makasalanan ng Milenyo. Ang Juan 3:16 ay tumutukoy din sa lahat ng tao sa lahat ng kapanahunan. Ganuon din ang 1 Juan 2:2.
Huwag ninyo hayaang lituhin kayo ng mga Calvinista. Kapag hinayaan ninyo, hindi mo malalaman kung si Cristo ay namatay para sa iyo. Hindi mo malalaman kung saan ka tutungo kapag ikaw ay namatay. Maglalakbay ka sa buhay na umaasang ikaw ay makatiis at mapatunayang isa ka sa mga hinirang.
Panatilihin ang mga mata sa Panginoong Jesucristo at sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya lamang sa Kaniya. Kung gagawin mo ito, mananatili kang tiyak ng iyong kaligtasan. Namatay Siya para sa lahat, dahil dito lahat ay maaaring maligtas. Ngunit upang maligtas, kailangan ng taong manampalataya kay Jesus para sa buhay na Kaniyang ipinangako.
Manatiling nakapokus sa biyaya.


