Hindi lahat ng nagpapakilalang nanghahawak sa Free Grace Theology (FGT) ay sumasang-ayon na ang isang tao ay dapat manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan/kaligtasang hindi nababawi/permanenteng pag-aaring matuwid upang maging bahagi ng walang hanggang pamilya ng Diyos. Sa katotohanan, may ilang nagpapahayag na naniniwala sa FGT ang tinatawag ang turong iyan na huwad na ebanghelyo.
Isang propesor sa seminaryo, sa pagpuna sa posisyun ng GES na ang katiyakan ay ang diwa ng nagliligtas na pananampalataya, ang sumulat:
Samakatuwid, kung lahat ng Romano Katoliko ay hindi Cristiano, ganuon din ang ibang Protestante (maliban sa iilang naniniwala sa eternal na seguridad hiwalay sa mga gawa). Iyan ang problema sa “pananampalataya lamang kay Cristo lamang” bilang hinihingi sa pag-aaring matuwid. Naniniwala ako na ang “pananampalataya lamang kay Cristo lamang” ay isang totoong pahayag. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang pagdagdag ng gawa ay nagpapawalang-bisa sa pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo bilang Diyos at Tagapagligtas mula sa kasalanan para sa pag-aaring matuwid.i
Sa blog na ito, nais kong magpokus sa pag-aangking iilan lamang na tao ngayon ang naniniwalang sila ay sigurado kailan pa man hiwalay sa mga gawa.
Ang pinagsamang miyembro ng Romano Katolika, Silanganing Ortodox, at mga iglesia Protestante ay halos tatlong bilyon. Tila iminumungkahi ng may-akda na karamihan sa bilang na iyan ay naipanganak na muli dahil halos karamihan ay naniniwala na si Jesus ay DIyos at Siya, kasama ang kaunting tulong mula sa kanilang mga gawa, ang kanilang Tagapagligtas. Sinabi niyang ang “pagdagdag ng gawa ay [hindi] nagpapawalang-bisa sa pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo bilang Diyos at Tagapagligtas.” Sa kaniyang pananaw, sila ay sigurado kailan pa man, kahit pa hindi sila nanampalataya sa pag-aaring matuwid sa pananampalataya lamang.
Ilang tao ang iyong iniisip na may katiyakan na sa simpleng pananampalataya kay Cristo hiwalay sa mga gawa, na sila ay may buhay na walang hanggan na hindi maiwawala?
May nakita akong ilang pag-aaral ng Barna kamakailan. Bagama’t hindi nila direktang sinagot ang espisipikong tanong na ito, malinaw na iilan lamang na Katolikong pari, Pentekostal at karismatikong pastor, o pastor ng mainline na denominasyon ang naniniwala sa eternal na seguridad hiwalay sa mga gawa. Kahit sa mga ebanghelikal, at mga pastor na hindi denominasyunal, marahil kulang sa kalahati ang naniniwala rito. Ang estatistika ay pareho marahil sa mga ordinaryong miyembro sa mga grupong ito.
Sa tingin ko tama lang sabihing kulang sa 10% ng nagpapahayag na Cristiano ang naniniwalang sila ay may eternal na seguridad hiwalay sa mga gawa. Kung tama ang aking pagpapalagay, kulang sa 300 milyon ang nagpapahayag na Cristiano ang kasalukuyang naniniwala sa nagliligtas na mensahe.
Ngunit sandali! Ilang tao ang naniwala sa nagliligtas na mensahe sa nakalipas ngunit ngayon ay naiwala ang kanilang katiyakan? Ang bilang ay madaling pumantay o humigit pa sa mga naniniwala sa kasalukuyang sila ay may eternal na seguridad hiwalay sa mga gawa.
Hindi ko alam kung ilan sa mga nabubuhay ngayon ang naipanganak na muli.ii Ngunit alam kong iilan lang sila. Alam ko iyan dahil ang Panginoong Jesucristo mismo ang nagsabing iilan lang sila: “Dahil makipot ang pintuan at mahirap ang daang nagdadala sa buhay at iilan ang makasusumpong nito” (Mat 7:14). Ginamit niya ang salitang iilan (oligos).
Kaya ang siniping propesor sa seminaryong iyan ay pinahina ang kaniyang sariling argumento. Sinasabi niyang karamihan sa mga miyembro ng mga iglesiang Katolika, Ortodox at mga gumagawang Protestante ay naipanganak na muli dahil kung hindi iilan lamang ang may buhay na walang hanggan. Ngunit dahil sinabi ng Panginoong Jesus na ang bilang ng may buhay na walang hanggan ay iilan lamang, marahil dapat nating tanggapin ito.
______
- Kenneth Wilson, Heresy of the Grace Evangelical Society (n.p.: Regula Fidel Press, 2020), p. 134).
- Kung ako ay manghuhula, sasabihin kong marahil mahigit sampung milyon o kahit isandadaaning milyo pa sa buong mundo ang naipanganak nang muli ngayon. Ang bilang ay maaaring lagpas isang bilyon. Wala tayong paraan upang sukatin kung ilan ang nanampalataya sa nakalipas sa buhay ng pangako ngunit hindi na sa ngayon. At bagama’t ang isang survey ay maaaring magbigay ng persentahe ng taong kasalukuyang naniniwala sa pangako ng buhay, wala akong kilala na gumawa ng survey na gaya nito. Marahil isa sa inyo ang gagawa nito. Kailangan nating kapanayamin ang libo-libong tao sa buong US at kailangan nating itanong ang tamang mga tanong. It ay maaaring maging mahusay na paksa para sa isang tesis sa masteral o disertasyon sa doktoral.