Nang siya nga’y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa. Datapuwa’t si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka’t nakikilala niya ang lahat ng mga tao, Sapagka’t hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka’t nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao (Juan 2:23-25).
Ang salitang Griyego para sa manampalataya ay pisteuo. Sa v23, nabasa nating “maraming nagsisampalataya sa Kaniyang pangalan pagkakita ng Kaniyang mga tandang ginawa.” Ngunit ang parehong salita ay ginamit sa v24. Dito ang salita ay hindi sinalin na manampalataya. Ito ay isinalin na nagkatiwala: “Datapuwa’t si Jesus sa Kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila.”
Sinasabi ba ni Juan na si Jesus ay hindi naniniwalang sila ay tunay na mananampalataya?
Ito ang sinasabi ng maraming komentarista.
Sa The Bible Knowledge Commentary, sinulat ni Ed Blum, “Alam ni Jesus na ang pansamantalang pananabik o ang pananampalatayang nakabase sa mga tanda ay hindi sapat” (p. 280). Sang-ayon si Leon Morris, “Hindi Niya ipinagkatiwala ang Kaniyang sarili sa kanila. Naghahanap Siya ng tunay na kumbersiyon at hindi pananabik sa kakaiba” (John, p. 182).
Pinahayag ni D.A. Carson ang parehong sentimyento:
Malungkot, ngunit ang kanilang pananampalataya ay huwad at alam ni Jesus ito. Hindi gaya ng ibang punong panrelihiyon, Hindi siya mauuto ng pambobola, maaakit ng pamumuri o mahuhuli ng kainosentehan. Ang Kaniyang kaalaman ng puso ng mga tao ay napakalalim at siyang paliwanag sa iba-ibang paglapit Niya sa mga indibidwal sa Evangelio. Siya, samakatuwid, ay hindi ipinagkatiwala ang Kaniyang sarili sa mga huwad na kumberteng ito (John, p. 184).
Inaawit ni Gerald Borchert ang parehong awit: “Dahil alam (ginoskein) kung anong uri ang mga tao, hindi Siya nalilito kung alin ang tunay at hindi tunay na pananampalataya” (John 1-11, p. 168).
Ang sikat na Katolikong iskolar na si Raymond Brown ay isa pang boses sa pananaw na ito: “Ang mga v24-25 ay nagpapakita sa ating ang pananampalatayang nilikha ng mga tanda ni Jesus sa v23 ay hindi sapat” (John 1-12, p. 127).
Subalit, si Zane Hodges ay kinuha ang kabaligtarang pananaw sa kaniyang komentaryo sa Juan 1-6. Patungkol sa Juan 2:23-24, kaniyang sinulat:
2:23-24. Sa Kaniyang pagbisitang ito sa Jerusalem na nilalarawan ni Juan, maraming tao ang nanampalataya dahil sa mga tandang nakita nilang ginawa Niya. Ito, ay ang layon ng mga tandang ito, gaya ng sinasabi sa 20:30-31. Bilang resulta, ang mga taong ito ay nagtamo ng buhay na walang hanggan (p. 50).
Ipinaliwanag ni Hodges ang Juan 2:24-25 sa ganitong paraan:
Subalit, hindi ipinagkatiwal ni Jesus ang Kaniyang sarili sa mga mananampalatayang ito. Hindi ito nangangahulugang sila ay hindi tunay na ligtas, gaya ng iminumungkahi ng ilan na wala kahit kaunting suporta mula kay Juan. Sa kabaligtaran, malinaw na sinabi ng manunulat na sila “ay nagsisampalataya sa Kaniyang pangalan” (tingnan ang 1:12-13). Ngunit ang mga salita ni Juan ay nagpapakitang ang antas ng kanilang pagkaalam tungkol kay Jesus ay nananatiling mababaw. Hindi Niya “hinayag” nang lubos ang Kaniyang sarili sa kanila (pp 50-51).
May tatlong matibay na dahilan upang malaman nating ang mga bagong mananampalataya sa Juan 2:23 ay mga ipinanganak na muli.
Una, sinabi ni Juan na inulat niya ang mga tanda upang ang hindi nananampalatayang mambabasa ay manampalataya at magkaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 2:30-31).
Ikalawa, inulat ni Juan na maraming nagsisampalataya sa Kaniyang pangalan pagkakita ng mga tandang Kaniyang ginawa. Tinupad ng mga tanda ang kanilang layunin. Sila ay nagkaroon ng buhay na walang hanggan, gaya ng ipinangako.
Ikatlo, ayon sa Juan 1:12, ang manampalataya sa Kaniyang pangalan ay kasintubas ng pananampalataya sa Kaniya. Ang lahat ng nanampalataya sa Kaniyang pangalan ay mga anak ng Diyos (v12) at ipinanganak ng Diyos (v13).
Ang mga bagong mananampalatayang ito ay may problema. Hindi sila handang ihayag ang kanilang pananampalataya kay Cristo. Alam natin ito dahil ang Juan 2:23-25 ay nagtapos sa salitang tao (anthropos), at ang Juan 3:1 ay nagsimula sa salitang ito. Si Nicodemus ay isang taong (3:1) lumapit kay Jesus sa takip ng dilim (gabi) sapagkat ayaw niyang malaman ng sinumang siya ay interesado kay Jesus. Nang siya ay makarating sa pananampalataya (marahil nang marinig niya ang Juan 3:14-18), hindi siya lumabas sa kadiliman. Hindi niya hinayag ang kaniyang pananampalataya kay Cristo. Tingnan ang Juan 7:50-51 at Juan 19:38-39.
Kung ang isang bagong mananampalataya ay hindi handang ihayag ang kaniyang pananampalataya kay Cristo, ang Panginoong ay hindi siya pagkakatiwalaan ng mga katotohanang makapagbabago ng buhay sa kaniyang kapakinabangan (Roma 12:2; 2 Corinto 3:18). Ang bawat mananampalataya ay may buhay na walang hanggan, ngunit tanging mga mananampalatayang lumalakad sa liwanag ng Salita ng Diyos ang tatanggap ng pagbabagong dala ng pagbabago ng kanilang isipan (cf. 1 Juan 1:7).
Mayroong 246 na gamit ng pisteuo sa BT. Ang Juan 2:24 ay isa lamang sa walong tanging gamit kung saan ito ay isinaling ipinagkatiwala. Sa ikalawang bahagi, titingnan natin ang pito pang ibang lugar.