Kamakailan natanggap ko ang tanong na ito mula sa isang mababasa ng GES News patungkol sa Pahayag 3:5.
Mahal kong Bob,
Ang Pahayag 3:5 ay isang pasahe na napakahirap sa akin na maunawaan at malinawan. Ang tanong ko, maaari bang maiwala ng isang mananampalataya ang kaniyang kaligtasan o maaari ba siyang mabura o mapawi mula sa libro ng buhay kapag hindi siya nagtagumpay? Tila kasalungat ito ng Juan 5:24 at Efeso 2:8-9 na nagtuturo na ang buhay na walang hanggan ay isang libre at tiyak na regalo. O nangangahulugan ba ito na ang mananampalataya na tunay na ligtas ay otomatikong gagawa ng mabuti at magtatagumpay. Ito ay tila kasalungat ng Roma 6-7 na nagtuturo na ang Kristiyanong paglakad ay isang laban at isang pagpili na dapat gawin ng isang mananampalataya para sa kaniyang sarili.
Pagpapala ni Kristo,
Mark Goeglein
Upland, Indiana
Mahal kong Mark,
Gusto ko kung paano ito pinaliwanag ni Zane Hodges1, isang miyembro ng GES Board sa ikalawang edisyon ng kaniyang librong Grace in Eclipse. Ito ang pagtalakay niya sa Pahayag 3:5:
Malinaw na ang mga pangako sa mga mananagumpay ay mga gantimpala sa pagiging masunurin sa mga utos ng Panginoon sa Iglesia. Gaya ng madiing pagkapunto ng isa, “Ang utos na masusunod ng lahat ay isang kalabisan, at ang gantimpala na tatanggapin ng lahat para sa isang katangiang taglay ng lahat ay walang saysay.” 2
Dalawang pangako ang madalas na iniisip na negatibong nakakaapekto sa eternal na kaligtasan ng mga mananagumpay. Ang mga ito ay matatagpuan sa mga sulat sa Smyrna at sa Sardis. Sa Smyrna, nasabi:
Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan (Pah 2:11)
at sa Sardis:
Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit: at hindi ko papawiin sa anumang paraan ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama at sa harapan ng kanyang mga anghel. (Pah 3:5)
Ang dalawang pangungusap ay parehong gumagamit ng tayutay na tinatawag na “litotes”, na madalas gamitin sa literatura at maging sa pang-araw-araw na usapan. Ang litotes ay isang paraan ng pagbibigay ng positibong pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagtanggi ng kabalintunaan. Ang presensiya ng litotes ay kalimitang pinangungunahaan ng isang understatement.
Samakatuwid nang sinulat ng may-akda ng Hebreo, “Sapagkat ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan,” dapat nating tandaan na alam na ng mga mambabasa na ang Diyos ay hindi liko at hindi Siya makalimutin. Samakatuwid alam ng mambabasa na ang pakahulugan ng may-akda ay: “Aalalahanin ng Diyos ang inyong gawa ng pag-ibig at SIya ay laging kaagapay mo.”
Dahil sa ang mambabasa sa Smyrna ay inaasahang nakakaunawa na walang mananampalataya ang makararanas ng ikalawang kamatayan, ang pangungusap ay malinaw na isang litotes. Pinapangako ni Jesus na ang isang mananagumpay ay hindi makararanas ng anumang sakit mula sa ikalawang kamatayan. Ngunit ito ay ay pagmamaliit sa tunay na kapalaran ng isang mananagumpay na Kristiyano. Samakatuwid ang mambabasa ay naiiwang naghihinuha na: “Ang karanasan ng isang mananagumpay ay malayong malayo at napakalaya kumpara sa ikalawang kamatayan.”
Ang panghhinuhang ito ay napakanatural sa liwanag ng mga naunang pananalita:
Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay (Pah 2:10).
Ito ay maaaring mangahulugang: “Mamatay ka para sa Akin, kung kinakailangan at bibigyan kita ng labis na karanasan ng buhay.” Samakatuwid, sa Kaniyang pangako sa mga mananagumpay, ang sinasabi ni Jesus ay kahalintulad nito: “Bagama’t kaya kang saktan ng pisikal na kamatayan, ang ikalawang kamatayan ay hinding hindi kayo kayang saktan ngayon at kailan man. Ang inyong karanasan ay malayong malayo sa abot nito.”3
Sa kaparehong tinig, ang mga salitang, “Hindi ko papawiin ang kanilang mga pangalan sa Aklat ng Buhay,” ay nagpapahiwatig ng isang litotes. Walang Kristiyanong mabubura sa aklat na iyan. Ang kaniyang kapalaran ay nakasalig sa katotohanan na ang kaniyang pangalan ay nasusulat sa langit (Lukas 10:20). At iyan ang punto. Ang litote na ito, sa liwanag ng nakapalibot na mga pahayag, ay nagsasabing, “Ang iyong walang hanggang pangalan ay tiyak na tiyak. Sapagkat ikaw ay nakatayong suot ang damit ng isang mananagumpay, kikilalanin ko ang iyong pangalan sa harapan ng Aking Ama at sa harapan ng Kaniyang mga anghel.”4
Masagana at matagumpay na buhay, napakataas at walang hanggang karangalan, samakatuwid, ang mga gantimpala na inaalok sa mga nakikibakang Kristiyano sa Smyrna at Sardis. Ang paggamit ng litotes sa mga pangakong ito ay isang paraan ng pagpapahayag, sa isang understatement, na ang kanilang mga karanasan ay lubusang nakatataas kaysa paglalarawan na ibinigay. Gaya ng sabi ng iba, “Kapag ginawa mo ito, hindi ka magsisisi,” na ang ibig sabihin ay “Ang iyong kabayaran ay magreresulta sa kabaligtaran ng pagsisisi”, ganuon din naman sinasabi ng Panginoon sa mga mananagumpay na ang kaniyang gantimpala ay kabaligtaran ng pananakit ng ikalawang kamatayan o pagkawala ng kaniyang walang hanggang pangalan.
Ang mga ito ay malinaw na gantimpala gaya ng iba pang pangako ng Tagapagligtas sa mga mananagumpay. Masasabi natin na sa huling aklat ng biblical canon, sapamamagitan ng hamon para magtagumpay, tinuldukan nito ang lahat ng mga turo ng buong Bagong Tipan patungkol sa espiritwal na pakikibaka at walang hanggang gantimpala.5 Ang larawan na lumabas sa mga paglalarawang ito ay isang mananakop, kung paanong si Jesus ay isang Mananakop. Ang ginantimpalaan ay isang mananagumpay na karapat-dapat na maging tagapagmana kasama ng pinakadakilang Mananagumpay sa kasaysayan.
_____________________
- Zane C. Hodges, Grace in Eclipse, Second Edition (Dallas [box 141167], TX [75214]: Redencion Viva, 1985, 1987), pp. 109-111, 119-20. Ginamit ng may pahintulot.
- William Fuller, “’I Will Not Erase His Name from the Book of Life’ (Revelation 3:5), “Journal of the Evangelical Theological Society 26 (1983): 299….
- Malinaw na litotes ang iniisip ni Tatford nang kaniyang sinulat patungkol sa pangako ng Pah 2:11, “Ang tunay na buhay ay nakalatag sa unahan. Kailan man ay hindi siya mahahawakan ng ikalawang kamatayan at ang ekspresyong iyan ay nagbibigay diin sa katiyakan ng mas totoo at mas punong buhay.” Fredk. A. Tatford, Prophecy’s Last Word (London: Pickering & Inglis, 1947), p. 46.
- Muli si Tatford ay nagpaliwanag sapamamagitan ng litotes ng kaniyang sinulat patungkol sa Phayag 3:5, “Halos lahat ng mga lunsod nang araw na iyon ay nagtatago ng isang rolyo o rehistro ng kaniyang mga mamamayan… siya na gumawa ng isang dakilang kabayanihan na nangangailangan ng pagkilala ay itinatala ang kaniyang pangalan sa mga gintong titik sa rehistro ng mga mamamayan. Samakatuwid, ang madiing pahayag ng Panginoon, ay nagpapahiwatig hindi lamang na ang pangalan ng mananagumpay ay hindi mabubura, ngunit sa halip ito ay itatala sa mga gintong titik sa rolyo sa langit.” Ang kaniyang pagtalakay ay marapat basahin. Fredk. A. Tatford, Prophecy’s Last Word, p. 63; tingnan pp. 62-63
- Hinabi ni Alexander Patterson ang nagkailang hibla ng katotohanan nang kaniyang isulat patungkol sa Luklukang Hukuman ni Kristo, “Walang paglilingkod kay Kristo ang hindi gagantimpalaan…. Sila na naglagak ng kayamanan sa langit ay matatanggap ito nang may kasamang malaking tubo. Ang lahat ng kalugihan ay ibabalik. Sa ganito matutupad ang mga pangako sa ‘kaniyang nagtagumpay…’” Alexander Patterson, The Greater Life and Works of Christ [New York: Fleming H. Revell, 1896], p.316. Ang napakagandang resume na ito ng katotohanan ng gantimpala ay nasulat nang ika-19 na siglo. Napakaunti ang nakauunawa nito ngayong ika-20 na siglo!